Bukambibig ng mga Protestante na sila ay mga Cristianong ipinanganak na muli o mga "BORN AGAIN CHRISTIANS ". Sila raw ang mga taong nagkaroon ng tinatawag na "RENEWAL". Mga dati raw silang Cristiano na nagsipagbago ng ugali mula sa masamang likas o nagsipagbagong-buhay mula nang diumano ay matanggap nila ang bautismo sa Espiritu Santo at si Cristo. Kaya sila raw ay naging mga "BORN AGAIN CHRISTIANS".
Ang Biblia ay nagtuturo ng aral tungkol sa pagkapanganak na muli. Ito ay kailangan sa pagtatamo ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Subalit ang mga tao na ngayon ay nagsasabing sila'y ipinanganak na muli o "BORN AGAIN CHRISTIAN" Ay tunay nga kaya o mga nagsisipagpanggap lamang? Sino ba ang mga tunay na ipinangak na muli?
ANG PAGKAPANGANAK NA MULI
Sino ba ang nagtuturo ng pagkapanganak na muli? Sa juan 3:3 ay ganito ang nakasulat :
Juan 3:3
" Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios. "
Maliwanag na ang doktrina tungkol sa pagkapanganak na muli ay aral ng Biblia. Ito ay itinuro ng Panginoong Jesucristo. Ayon sa Kaniya, bago makapasok sa kaharian ng langit ang sinumang tao, kailangan mumang siya'y ipanganak na muli. Subalit papaano maipapanganak na muli ang tao? At ito bang sinabing ito ni Cristo ay nauunawaan agad ng Kaniyang kausap? Ang kasagutan nito ay nasa kasunod na talata :
" Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak? " Juan 3:4
Hindi agad nauunawaan ni Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio ang sinabi Niyang, " NG TAO'Y KAILANGAN IPANGANAK NA MULI" .Hindi siya naniniwala na ang isang tao at matanda na ay makakapasok bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina. Subalit papaano ito ipinaliwanag sa kaniya ni Cristo? Ganito ang sinasaad sa Mateo 19:28 :
" At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa PAGBABAGONG LAHI pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan,...."
Ayon Kay Cristo, makakarating lamang ang tao sa kaharian ng langit kung sila ay susunod sa Kaniya sa pagbabagong-lahi. Ito ang kahulugan ng sinabi ni Cristo na kailangan munang ipanganak na muli ang tao upang makarating sa kaharian ng langit.
Ano ang dahilan ng tao, bagama't naipanganak na, ay kailangan pang ipanganak na muli? Ano ba ang nangyari sa tao ayon sa pagtuturo ni Apostol Pablo? Sa Roma 8:21 ay sinasabi :
" Na ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin ng kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Dios " Roma 8:21
Ayon sa talatang ito ang tao ay naaalipin ng kabulukan. Kaya upang siya ay lumaya sa pagkaaliping ito, kailangan siyang ipanganak na muli para makasama sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Diyos.
Ano ang ibng tawag sa naaalipin ng kabulukan? Sa Roma 8:20 ay Ganito ang mababasa :
" Sapagka't ang buong nilalang ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kaniyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kaniya, sa pagasa " Roma 8:20
Ang ibang tawag sa naalipin ng kabulukan, ayon kay Apostol Pablo, ay " NASASAKOP NG KAWALANG KABULUKAN ". Kailangan ngayon ng tao na siya ay ipanganak na muli o sumunod sa PAGBABAGONG-LAHI na itinuro ni Cristo upang makalaya siya sa pagkaalipin ng kabulukan.
NASAKOP NG KAWALANG KABULUHAN ANG UNANG PAGLALANG
Bakit sinasabi ng Biblia na ang tao ay nasakop ng kawalan ng kabuluhan? Kailan pa nangyari ito at ano ang dahilan? Ganito ang sinasabi sa Roma 5:12 :
" Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala " Roma 5:12
Naunawaan natin na mula pa ng magkasala ang unang tao ay hinatulan na ang tao ng kamatayan. At sapagkat, mula noon hanggang ngayon, ang lahat ng tao ay patuloy na nagkakasala, ang kamatayan ay nararanasan ng lahat ng mga tao.
Kaya ang taong patay dahil sa kasalanan ay walang kabuluhan, dahil sa ang patay ay patungo sa kabulukan.
Ano ang masamang ibubunga ng kasalanan ng tao tangi sa siya'y tinakdaan ng kamatayan?
" Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan. " 1 Corinto 15:50
Inakala ng iba na ang taong papasok sa kaharian ng Diyos ay espiritu,walang laman at mga buto. Maling pagkaunawa ito sa talata. Ang laman at dugo ay may kasiraan ang di magmamana ng kaharian. Kaya kailangang maipanganak na muli sapagkat ang unang pagkapanganak ay patungo sa kabulukan dahil sa kasalananan ng tao.
Kaya, napakahalaga na malaman natin kung paano maipanganganak muli ang tao, sapagkat ito lamang ang kaparaanan upang ang tao ay makapasok sa kaharian ng langit at magmamana ng mga pangako ng Diyos. Ito ang sinasabi ng Biblia :
Juan 3:4-6
" Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak?
" Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.
" Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga. "
Tiniyak ni Cristo, maipanganganak na muli ang tao sa pamamagitan ng TUBIG AT ESPIRITU. Ang salitang ito ni Cristo ay inakala ng iba na nangangahulugang kapag ipinanganak ng espiritiu ay wala na ang kalagayang pisikal o laman. Ang paniniwalang ito ay may kaunting katotohanan at higit na malaki ang kasinungalingan. Ano ang kaunting katotohanan sa kanilang paniniwala? Ang katawang tataglayin ay hindi na katulad ng sa kasalukuyan. Ano naman ang malaking kamalian ng kanilang paniniwala ? Akala nila'y walang katawan ang tao kundi espiritu na lamang.
Kaya ating alamin kung ano ang ibig sabihin ni Cristo sa ipinahayag Niya na ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu nga. Kumuha tayo ng nakakatulad nito. Sa I Corinto 15:45-16 ay mababasa ang ganito :
1 Corinto 15:45-46
" Gayon din naman nasusulat, Ang unang taong si Adam ay naging kaluluwang buhay. Ang huling Adam ay naging espiritung nagbibigay buhay.
" Bagaman ang ukol sa espiritu ay hindi siyang una, kundi ang ukol sa lupa: pagkatapos ang ukol sa espiritu. "
Si Adan ay ukol sa laman sapagkat nagkasala. Ang ikalawang Adan na si Cristo ay ukol sa Espiritu o sa Diyos. Ito ang nakakahalintulad ng sinabi ni Cristo na ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu nga. Sa madaling sabi'y naging ukol sa Espiritu o naging ukol sa Diyos at naalis sa pagiging ukol sa laman.
Ano ang katangian ng tao na nakatugon sa pagiging ukol sa Espiritu? Ganito ang sinasabi sa ICorinto 15:48:
" Kung ano ang ukol sa lupa, ay gayon din naman silang mga taga lupa: at kung ano ang ukol sa langit ay gayon din naman silang taga langit. "
Ang nakatugon sa pagiging ukol sa espiritu ay nagkaroon na ng katangian na maging ukol sa langit at hindi na siya ukol sa lupa. Makakapasok na siya, kung gayon sa kaharian ng langit. Kaya mahalaga na ang tao'y maipanganak na muli sa Espiritu. Gaya ng sinabi ni Cristo, maliban. ang tao'y maipanganak na muli, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng langit.
Ano naman ang kalagayan ng mga papasok sa kaharian ng langit? Wala na ba silang katawan? Ganito ang sinasabi sa I Corinto 15:40,42-44 :
" May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kariktang panlupa at iba ang kariktang panlangit.
" Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok,ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay.
" Pangit at walang kaya ang ilibing, maganda't malakas nang muling buhayin.
" Inilibing na katawang panlupa,muling mabubuhay na katawang panlangit. kung may katawang panlupa mayroon ding katawang panlangit. " (Magandang Balita)
Maliwanag, kung gayon, na ang papasok sa kaharian ng langit ay ang katawang panlangit. Ang sabi ng Biblia : " Ang katawang panlupa ay pangit at inililibing. Ngunit ang katawang panlangit ay maganda at malakas sa pagkabuhay na muli " . May katawan rin na papasok sa langit. Ang tawag doon ay katawang walang kamatayan. Kaya, kailangan ang pagkapanganak na muli.
SA PAMAMAGITAN NG SALITA
Mayroon nga bang itinuturo ng Biblia na ipinanganak ng Espiritu o ng Diyos? Sa Juan 1:13, Ganito ang nasusulat :
"Sila nga'y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos " (Ibid.)
Sa talatang ito ay malinaw na pinatutunayang mayroon ngang mga taong ipinanganganak ng Espiritu o ng Diyos, ngunit niliwanag dito na yaon ay hindi katulad ng karaniwang panganganak ng tao, kundi sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.
Papaano sila naipanganak o naging mga anak na buhat sa Diyos? Ayon din sa Biblia sa 1 Pedro 1:23 :
" Sapagkat muli kayong isinilang,hindi sa pamamagitan ng tao kundi sa bisa ng buhay at walang kamatayang salita ng Diyos". (Ibid.)
Samakatuwid, naipanganganak na muli ang tao sa pamamagitan ng bisa ng buhay at walang kamatayang salita ng Diyos.
Kung maipanganak nang muli ang tao, ano nao ang nangyayari sa dati niyang pagkatao? Sa Roma 6:3-5 ay ganito ang nakasulat :
" hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?
" Samakatuwid, tayo'y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay na muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama'y mabuhay sa isang bagong buhay .
" Sapagka't kung nakaisa tayo ni Cristo sa isang kamatayang tulad ng kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa niya tayo sa isang muling pagkabuhay tulad ng kanyang pagkabuhay. " (Ibid.)
Kapag ang tao ay naipanganak na muli, ang dating pagkatao ay namamatay. Yaon ang inilibing sa bautismo. Siya ngayon ay patungo na sa pagbabagong buhay.
Alin ang dating pagkatao na namatay at inilibing na sa pamamagitan ng bautismo? Sa Roma 6:6 ay ganito :
" Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan " (Ibid.)
Ang dating pagkatao ay ang makasalanang katawan. Ito ang pagkataong pinakuan sa krus na kasama ni Cristo na naganap nang tanggapin ang tunay na bautismo. Ang mga taong ito ang siyang ipinakikilala ng Biblia na mga ipinanganak na muli o mga tunay na "BORN-AGAIN CHRISTIANS".
Dahil dito, ano ngayon ang kinalaman ng Iglesia ni Cristo sa pagiging "Born-again Christian" ng isang tao? Sa Efeso 2:15 ay ganito :
Efeso 2:15
" Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan "
Malinawanag sa talatang ito na mula sa dalawa ay lumalang si Cristo sa Kaniyang sarili ng isang taong bago. Ito ang tinutukoy Niya na pagsunod sa pagbabagong-lahi. Ang binanggit dito na isang taong bago ay binubuo ni Cristo(Ulo) at ng Iglesia(katawan) (Col.1:18). Ang pangalan nito ay Iglesia ni Cristo (Roma 16:16).
Sa karagdagang aral ukol sa Taong Bago, e Click : Isang taong Bago
Samakatuwid, hindi maiiwasang lumakip o sumangkap sa katawan ni Cristo ang sinumang nagnanais na maipanganak na muli o maging tunay na "Born Again Christian"
WALANG KABANALAN SA LABAS
May kabuluhan ba ang diumanoy pagiging "Born-again" o anumang "kabanalan" na hiwalay sa Iglesia ni Cristo ? Sa Juan 15:4-5, ay ganito ang nakasulat :
Juan 15:4-5
" Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin.
" Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. "
Maliwanag sa talatang ito na ang sinumang hiwalay kay Cristo ay walang magagawa gaya rin ng isang sanga na malibang nakakabit sa puno ay hindi makapagbubunga sa kaniyang sarili. Sa ganito itinulad ni Cristo ang mga taong hiwalay sa Kaniya o hiwalay sa Iglesia ni Cristo. Anuman ang gawin ng tao ay hindi siya makapagbunga sa kaniyang sarili.
Alin ang pagbubunga na hindi magagawa ng hiwalay kay Cristo o ng hindi Iglesia ni Cristo? Ganito ang sinabi :
Filipos 1:11
" Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito'y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios. "
Ang hindi magagawa ng hiwalay sa Iglesia ni Cristo ay ang pagbubunga ng KABANALAN sapagkat ito'y magagawa lamang ng umania sa Iglesia ni Cristn.
Ano ang dahilan at hindi magagawa ang pagbubunga ng kabanalan kung nasa labas ng Iglesia ni Cristo? Sa Hebreo 9:22 ay sinasabi :
Hebreo 9:22
" At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran. "
Tiniyak ng Biblia na hindi magagawa ng tao ang kabanalan sa labas ng Iglesia sapagkat maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.
Sino lamang ang mga tao na nakinabang sa paglilinis ng dugo ni Cristo? sa Gawa 20:28, ay ganito ang mababasa :
"Take heed therefore to yourselves and to all flock over which the holy Spirit has appointed you overseers, to feed the Church of Christ which he has purchased with his blood. " (Lamsa)
Sa Pilipino :
"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na dito'y itinalaga kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristm na binili niya ng kaniyang dugo"
Samakatuwid, ayon sa Biblia, ang Iglesia ni Cristo lamang ang tanging Iglesia na binili ng dugo ni Cristo. Ito lamang ang makagagawa ng kabanalan sa harap ng Diyos. Nasa loob ng Iglesia ni Cristo ang mga tunay na "BORN-AGAIN CHRISTIANS" sapagkat ito lamang ang kaparaanan upang ang tao'y maipanganak na muli o makasunod kay Cristo sa pagbabagong-lahi at makapasok sa kaharian ng langit. Ang lahat ng hindi Iglesia ni Cristo ay nagpapanggap lamang na mga "Born-again Christians"
7 komento:
hmm.. igalang nalang natin ibang relihiyon.. kung binato ka nang bato batuhin mo nang tinapay. Logic lang need nang lahat nang manunulat.
Sabi nga nila wag pakielaman ang relihiyon ng iba . grabe naman po kayo sa relihiyon namin :/ ang mga born again christians po di nagkukumpara.
Igalang? Bakit? Ibig sabihin ba nun kalag itinama ang maling paniniwala para sayo isa kawalan ng respeto?
Naniniwala ako na Nasa IGLESIA NI Cristo ang tunay na kawan pero paano po maliigtas ang mga tao ng unang panahon wala pa ang reigion na Iglesia ni Cristo!?
ang Iglesia ni cristo ay nagbubunyag ng mga maling aral ng ibat ibang rilihiyon, Hindi para manakit ng damdamin, kundi para Ang tao na nasa maling rilihiyon ay mag Iglesia ni cristo.
Kahit ano pang relihiyon mo, or kahit INC kpa. You can never call yourself BORN AGAIN, unless you let go of wordly things. Like hatred, greed, pagiging mapanghusga at iba pang ungoldly na pag uugali. Even listening to wordly music, need mo e let go. Pagiging gahaman sa pera, nag papautang ng may tubo. Nsa Psalms yan. Madami kang need na e let go na wordly things to be REBORN AGAIN. At hindi ang pagiging INC un. I read my Bible thats why I know.
Nagsisimba ako sa Born Again church, but I never declare myself as BORN AGAIN or REBORN AGAIN, kasi di ko pa tuluyan na lelet go ang wordly things. About idolatry, hindi lang un about sa mga sinasamba rebulto ng mga ibang religion. Its also about pag iidolized sa mga artista or celebrities.
Mag-post ng isang Komento