Martes, Mayo 6, 2014

Katotohanan tungkol sa Iglesia Ni Cristo



Ang Gusaling Sambahan ng Lokal ng Punta, Sta. Ana, Maynila,
ang kauna-unahang lokal ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas




ANG IGLESIA NI Cristo (sa Ingles ay "Church Of Christ") ay natatag sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914. Mula sa kaniyang hamak na pasimula, ang Iglesia Ni Cristo ngayon ay isa nang Iglesiang nakalaganap sa buong daigdig. Inilalarawan ng iba ang Iglesia Ni Cristo bilang ang pinakamalaking nagsasariling Iglesia sa Asya, at ang pinakamalaki, pinakamakapangyarihan at pinaka-maimpluwensiyang Iglesia na lumitaw at nagmula sa Pilipinas.




Subalit, marami pa ring mga tao ngayon, lalo na ang mga nasa labas ng Pilipinas, ay lubhang kakaunti ang nalalaman ukol sa Iglesia Ni Cristo, at ang mga impormasyon pang kanilang nalalaman ay nagmula sa mga "taga-labas" ng Iglesia o sa mga hindi kaanib na ang iba pa ay tinuturing ang Iglesia Ni Cristo bilang kanilang mahigpit na kaaway. Dahil dito, ang kanilang sinasabi patungkol sa Iglesia Ni Cristo ay kanilang opinyon laban sa Iglesia, mga pakahulugan lamang nila sa mga aral at gawain ng Iglesia Ni Cristo, at ang iba pa'y paninira,panunuligsa at panghuhusga lamang laban sa Iglesia.




Upang maging makatuwiran ang lahat, dapat lamang na malaman din ang panig ng Iglesia Ni Cristo. Alamin natin ang katotohanan ukol sa Iglesia Ni Cristo.







KUNG ANO BA TALAGA ANG IGLESIA NI CRISTO




Ang sumusunod ang nagpapakilala kung ano ba talaga ang Iglesia Ni Cristo:




Isang Organisasyong Panrelihiyon




Ang Iglesia Ni Cristo ay isang organisasyong panrelihiyon na ang pangunahing layunin ay ang sambahin at paglingkuran ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa Lahat batay sa Kaniyang mga kautusan at aral na itinuro ng Panginoong Jesucristo at nakasulat sa Biblia o sa Banal na Kasulatan.




Bilang isang organisasyong panrelihiyon, ang mga pangunahing gawain ng Iglesia Ni Cristo ay kabilang ang pagsamba sa Diyos, ang pagpapalaganap ng dalisay na Ebanghelyo, at ang pagpapatibay sa mga kaanib sa Iglesia. Ang taimtim na pagtitipon ng mga sumasampalataya, ang regular na pagsambang kongregasyunal, ay isinasagawa dalawang bdeses sa isang linggo, karaniwan ay sa mga araw ng Huwebes at Linggo. Bahagi ng palatuntunan ng pagtitipong ito ng Iglesia ang pag-awit ng pagpupuri sa Diyos, pananalangin, at ang pag-aaral ng mga salita ng Diyos (cf. I Cor. 14:15 at 26).




Sapagkat isang organisasyong panrelihiyon na ang pangunahing layunin ay ang sambahin ang Panginoong Diyos, ang Iglesia Ni Cristo ay nagtatayo ng mga gusaling sambahan ("kapilya") na siyang pinakadako kung saan isinasagawa ang mga gawaing panrelihiyon ng bawat lokal na kongregasyon ng Iglesia. Ang pagtatayo ng Iglesia Ni Cristo ng mga gusaling sambahan ay bilang pagtupad din sa kautusan ng Diyos sa Kaniyang mga hinirang para sa Kaniyang ikaluluwalhati (cf. Hagai 1:8).


Ang Templo Central ng Iglesia Ni Cristo Ang pangunahing gusaling sambahan ng Iglesia Ni Cristo ay ang Templo Central na matatagpuan sa Commonwealth Avenue, New Era, Quezon City. Ang gusaling ito ay inihandog sa Diyos no ong Hulyo, 1914, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Iglesia Ni Cristo rito sa Pilipinas.




Ngayon, ang mga gusaling sambahan ng Iglesia Ni Cristo ay matatagpuan hindi lamang sa buong Pilipinas, kundi maging sa iba't ibang bahagi ng mundo na naabot na ng Iglesia. Ang mga gusaling sambahan ng Iglesia Ni Cristo (karaniwang tinatawag sa Pilipinas na "kapilya") ay tumatayong "landmarks" sa mga dakong kaniyang kinalalagyan.




Isang Relihiyong Cristiano


Ang Iglesia Ni Cristo ay isang relihiyong Cristiano na nanghahawak at naninindigan sa dalisay na aral-Cristiano na nakasulat sa Biblia tulad ng aral na ang Ama lamamg ang iisang Diyos na tunay na tulad ng nakasulat sa I Corinto 8:6:




“Ngunit't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.” (I Cor. 8:6)


Ayon kay Apostol Pablo, “sa ganang atin (tumutukoy sa mga tunay na Cristiano) ay may isang Dios lamang, ang Ama.” Kaya, ang pagtatakuwil ng aral ukol sa Trinidad (na mayroon daw tatlong persona sa iisang Diyos: Dios-Ama, Dios-Anak at Dios-Espiritu Santo) at ang paninindigan sa aral ng Biblia na ang Ama lamang ang iisang Diyos na tunay ay isa sa matitibay na katunayan na ang Iglesia Ni Cristo nga ang tunay na relihiyong Cristiano, ang relihiyon na naninindigan sa dalisay na aral-Cristiano na nakasulat sa Biblia o sa Banal na Kasulatan.




Isang pagsamba ng Iglesia Ni Cristo sa 
Gusaling Sambahan ngsa Lokal ng Tondo, Maynila 




Isang Nagsasariling Iglesia



Ang Iglesia Ni Cristo ay hindi isang denominasyon o sekta. Hindi siya nakaugnay ("affiliated") o bahagi man ng anumang samahan, kapisanan o grupong panrelihiyon, at hindi siya isang samahan o katipunan ng mga kapisanang panrelihiyon. Ang Iglesia Ni Cristo ay isang nagsasariling Iglesia ("an independent Church"). Kami ay lubos na naninindigan na ang Iglesia Ni Cristo ay ang iisang tunay na Iglesia ni Cristo ngayon.





Ang Pagdiriwang ng Diamond Anniversary ng Iglesia Ni Cristo
noong Hulyo 27, 1989 sa Quezon City, Philippines 




Hindi isang "Kulto"


Ang Iglesia Ni Cristo ay hindi isang "kulto" (na ang tinutukoy natin ay ang negatibong pakahulugan ngayon ng salitang "kulto"):


  •  ang "kulto" ay "isang panrelihiyon o pang-espirituwal na sistema ng paniniwala, lalo na ang isang impormal at panandalian ("transient") na sistema ng paniniwala na itinuturing ng iba na nalinlang, kakaiba sa karaniwan, labis, o bulaan" (Microsoft Encarta Dictionary, c. 2009).




Subalit, ang Iglesia Ni Cristo ay may isang sistema ng paniniwala na nakabatay sa Biblia lamang. Bagamat ang pagtuturo ng Iglesia Ni Cristo ay naiiba kaysa sa ibang mga relihiyono pangkating nagpapakilalang sila'y diumano'y mga Cristiano, ito ay sapagkat ang aral ng iba ay wala sa Biblia, samantalang ang aral ng Iglesia Ni Cristo ay pawang nakasulat sa Biblia. Halimbawa, ang nakararami sa mga denominasyon at mga iglesia ngayon ay naniniwala sa tinatawag na "Trinidad," subalit, ang salita at doktrina ng Trinidad ay hindi matatagpuan sa Biblia, samantalang ang pagtuturo ng Iglesia Ni Cristo na ang Ama lamang ang iisang Diyos na tunay ay ang malinaw ana nakasulat sa Biblia (cf. Juan 17:1 at 3; Malakias 2:10; I Corinto 8:6).





  • Ang isang "kulto" ay isa ring "labis na pamimintakasi sa isang bagay o isang tao, pag-idolo sa isang bagay o isang tao" (Ibid.). Ang Diyos lamang at ang Panginoong Jesucristo (sapagkat ito'y ayon sa utos ng Diyos, cf. Filip. 2:9-11 at Mateo 6:9-10) ang sinasamba ng Iglesia ni Cristo. Ang paniniwala ng Iglesia Ni Cristo patungkol kay kapatid na Felix Y. Manalo ay payak at simple, na siya ay sugo ng Diyos, isang taong isinugo ng Diyos upang ipangaral ang dalisay na Ebanghelyo sa mga huling araw na ito. Hindi namin siya itinatangi ng higit kaysa rito. Hindi namin siya sinasamba o tinatawag man sa mga titulong tulad ng propeta, papa, obispo at iba pang tulad nito, kundi sa payak na "kapatid na Felix Y. Manalo." Tunay na iginagalang namin siya, ngunit hindi namin siya pinipintakasi, dinadakila o sinasamba. Sinusunod namin ang kaniyang mga itinuro sapagkat ang lahat ng kaniyang mga itinuro ay pawang nakasulat sa Biblia, at hindi siya kailanman nagturo ng ganang sa kaniya lamang.





Samakatuwid, ang Iglesia Ni Cristo ay hindi isang "kulto," kundi ang tunay na relihiyong Cristiano na nanghahawak at naninindigan sa dalisay na mga aral na nakasulat sa Biblia.




Isang “Nagniningning” na Iglesia




Sa Efeso 5:27 ay inilarawan ni Apostol Pablo ang uri ng Iglesia na haharap sa ating Panginoong Jesucristo sa Kaniyang ikalawang pagparito:



“At iharap ito sa kanyang sarili na isang nagniningning na iglesya, walang batik o kulubot o anumang dungis, kundi banal at walang kapintasan.” (Epeso 5:27, NPV)





Isang Nagniningning na Iglesia 




Ang Iglesia na haharap kay Cristo sa Kaniyang ikalawang pagparito ay inilarawan bilang isang nangniningning na Iglesia, walang batik, dungis o kapintasan. Samakatuwid, hinuhubog ng Iglesia Ni Cristo ang mga kaanib nito tungo sa sakdal na pagkakaisa ng pananampalataya, na ang bawat isa ay ialay ang kaniyang sarili sa pamumuhay na may kabanalan at sa paglilinngkod sa Diyos na nakabatay sa tunay na aral-Cristiano na nakasulat sa Biblia.




Isang “Pilipinong Iglesia”?




Marami ang tumatawag sa Iglesia ni Cristo na “isang Pilipinong Iglesia.” Subalit, ang Iglesia Ni Cristo ay isang Iglesia na para sa lahat na tutugon sa tawag ng Diyos at yayakap sa kaniyang pananampalataya — anuman ang pinagmulan niyang lahi, nasyunalidad, kultura, katayuan sa lipunan, kalagayan sa buhay, at inabot na pinag-aralan. Ang totoo, ngayon, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay binubuo ng mula sa higit sa 110 nasyunalidad.





Ang Ilan sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo 
na nagmula sa iba't ibang panig ng mundo at nasyunalidad 




Hindi Itinatag Ni Kapatid na Felix Y. Manalo




Kami ay lubos na sumasampalataya na ang pagbangon ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas ay katuparan ng mga hula ("propesiya") na nakasulat sa Biblia patungkol sa muling pagtatatag ng Panginoong Jesucristo ng Kaniyang Iglesia sa mga huling araw na ito. Naninindigan kami na ang Panginoong Jesucristo ang nagtayo ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas sa pamamagitan ng hula na nakasulat sa Biblia, at hindi ang kapatid na Felix Y. Manalo.


Para sa amin, ang Panginoong Jesucristo ang pinakadakilang sugo ng Diyos, ang nagtayo, ang manunubos, ang ulo at puno, at ang Tagapagligtas ng tunay na Iglesia Ni Cristo.




ANG ORGANISASYON AT PAMAMAHALA NG IGLESIA NI CRISTO




Ang Iglesia Ni Cristo ay may pangkalahatang pamamahala mula pa sa pasimula. May isang ministro na namamahala sa buong Iglesia na ang kaniyang tungkulin ay tinatawag na "Tagapamahalang Pangkalahatan" ("Executive Minister" sa Ingles). Subalit, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo ay may mga katulong sa pamamahala sa buong Iglesia na ito ang Pangkalahatang Ebanghelista, Pangkalahatang Kalihim, Pangkalahatang Ingat-Yaman, Pangkalahatang Auditor, at ang mga nangunguna sa iba't ibang departamento ng Tanggapang Pangkalahatan (The By-laws of the Iglesia Ni Cristo).



Kapatid na Felix Y. Manalo, 1914-1963


Ang unang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo ay si kapatid na Felix Y. Manalo. Siya ay namahala sa Iglesia Ni Cristo mula 1914 hanggang 1963.





Kapatid na Felix Y. Manalo
Ang unang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo




1914-1963 Si kapatid na Felix Y. Manalo ay ipinanganak noong Mayo 10, 1886 sa Tipas, Taguig. Noong 1899 ay kinuha siya ng kaniyang amain na si Mariano de Borja, isang paring Katoliko Romano, na noon ay nakadistino sa Sta. Cruz, Maynila. Doon sa bahay ng kaniyang amaing pari sa Sta. Cruz natagpuan niya ang isang kopya ng Biblia at agad na ibinuhos ang kaniyang sarili sa pagbabasa at pag-aaral sa Biblia o sa Banal na Kasulatan. Pagkatapos na makitang lubos na ang mga aral at gawain ng Iglesia Katolika Romana ay hindi nakasulat sa Biblia, ipinasiya niyang iwan ang kinagisnan niyang relihiyon.

Noong Disyembre, 1902, iniwan niya ang tahanan ng kaniyang amaing pari at bumalik sa Tipas. Pagkatapos na lisanin ang Iglesia Katolika ay nagsagawa siya ng masusing pagsisiyasat sa iba't ibang relihiyon: Colorum, Abril, 1903; Methodist Episcopal Church, 1904-1905; Presbyterian Church, 1905-1909; Disciples of Christ, 1909-1911; at Seventh-Day Adventist Church, 1911-1913. Ipina-alam sa kaniya ng Panginoong Diyos ang kaniyang banal na misyon na ipangaral ang Iglesia Ni Cristo noong Nobyembre, 1913, nang sa loob ng dalawang araw at tatlong gabi ay nagsagawa siya ng puspusang pag-aaral ng Biblia.


Pagkatapos na pagkatapos ng "Dalawang Araw at Tatlong Gabi" ay pinasimulan niya ang kaniyang misyon na ipangaral ang Iglesia Ni Cristo. Una siyang nangaral sa isang maliit na grupo ng mga tao sa Punta, Sta. Ana, Maynila. Ang Iglesia Ni Cristo ay narehistro sa pamahalaan sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914, na siyang opisyal na pagkakatatag ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas. Sa loob ng 49 taon ay lumago ang Iglesia Ni Cristo na "mula sa iisa ay naging milyon" ("from one to millions"). Sa taong 1963, ang taon ng kaniyang pagpanaw, may mga nakatatag nang mga distrito eklesiastiko sa halos lahat na mga lalawigan sa Pilipinas. Si kapatid na Felix Y. Manalo ay pumanaw noong Abril 12, 1963. Ang kaniyang anak na si kapatid na Eraño G. Manalo ang humalili sa kaniya.




Kapatid na Eraño G. Manalo, 1963-2009




Hindi alam ng marami, lalo na ng mga hindi kaanib sa Iglesia Ni cristo, na ang mga sumunod na Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo pagkatapos ni kapatid na Felix Y. Manalo ay pawang INIHALAL ayon sa isinasaad ng Saligang Batas ("By-Laws") ng Iglesia Ni Cristo. Si kapatid na Eraño G. Manalo ("Ka Erdy") ang nahalal na hahalili kay kapatid na Felix Y. Manalo sa eleksiyong isinagawa noong Enero, 1953 sa gusaling sambahan ("kapilya") ng Lokal ng F. Manalo na nasa San Juan, Metro Manila. Kaya, si "Ka Erdy" ay inihanda sa loob ng sampung taon (mula 1953 hanggang 1963) upang sa pagpanaw ni kapatid na Felix Y. Manalo ay siya ang hahalili bilang Tagapamahalang Pangkalahatan. Ngsimula si kapatid na Eraño G. Manalo bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo noong Abril 23, 1963. Siya ay namahala sa Iglesia Ni Cristo mula 1963 hanggang 2009.




Kapatid na Eraño G. Manalo
Ang ikalawang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
1963-2009 




Si kapatid na Eraño G. Manalo ay ipinanganak noong Enero 2, 1925. Siya ang ikalimang anak nina kapatid na Felix Y. Manalo at Honorata de Guzman-Manalo. Siya ay tuwirang tinuruan at sinanay ng kaniyang ama. Nag-aral siya ng pagka-abogasya, subalit dahil sa tindi ng pangangailangan noon ng mga manggagawa sa Iglesia, hindi niya itinuloy ang pag-aaral niya ng abogasya at sa halip ay pumasok sa ministeryo. Siya ay na-ordenahan bilang ministro ng Ebanghelyo noong Mayo 10, 1947. Noong Enero, 1953, siya ay nahalal na hahalili kay kapatid na Felix Y. Manalo bilang Tagapamahalang Pangkalahatan sa pagpanaw ng huli. Sa panahon ng kaniyang pamamahala, ang bilang ng mga distrito eklesiastiko at ng mga lokal na kongregasyon ay nadoble. Noong 1963 ay may 900 lamang na mga ordenadong ministro, subalit noong 1974 ay umabot sa bilang na 1,900, at sa kaniyang pagpanaw noong 2009 ay umabot sa bilang na 4,000. Ang Iglesia Ni Cristo ay nakarating sa Kanluran noong 1968 at mula noon ay lumaganap na sa buong mundo. Itinatag din ni kapatid na Eraño G. Manalo ang College of Evangelical Ministry, New Era University, at New Era General Hospital. Ang Tanggapang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo (Central office), ang Templo Central at ang Tabernakulo (isang multi-purpose building) ay natayo din sa panahon ng kaniyang pamamahala.







Kapatid na Eduardo V. Manalo, 2009-Kasalukuyan




Si "Ka Erdy" ay nanungkulan bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo mula 1963 hanggang 2009 (46 taon). Nang pumanaw si kapatid na Eraño G. Manalo noong Agosto 31, 2009, ang kaniyang anak na si kapatid na Eduardo V. Manalo ang humalili sa kaniya bilang ang ikatlong naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo.




Kapatid na Eduardo V. Manalo
Ang Kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo
2009-Kasalukuyan 




Si kapatid na Eduardo V. Manalo ay nahalal bilang Pangalawang Tagapamahalang Pangkalahatan ("Deputy Executive Minister") at bilang ang susunod na Tagapamahalang Pangkalahatan sa halalang isinagawa noong Mayo 6, 1994. Siya ay sinanay sa loob ng 15 taon bilang ang susunod na Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo. Ipinanganak siya noong Oktubre 31, 1955, ang panganay na anak nina kapatid na Eraño G. Manalo at Cristina Villanueva-Manalo. Siya ay nagtapos ng AB Philosphy sa University of the Philippines, ng Bachelor of Evangelical Ministry sa College of Evangelical Ministry, at ng Masters at Doctoral degrees sa New Era University. Naging Dekano muna siya sa College of Evangelical Ministry bago maging Tagapangasiwa sa distrito eklesiastiko ng Metro Manila, at 15 taong gumanap ng katungkulang Pangalawang Tagapamahalang Pangkalahatan bago siya maging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo noong Setyembre, 2009.







Ang Tanggapang Pangkalahatan (Central Office) Ng Iglesia Ni Cristo




Ang Cenral Office ng Iglesia Ni Cristo ay matatagpuan sa No. 1 Central Avenue, New Era, Quezon City, Philippines. Maramig "taga-labas" ang nag-aakalang ang mismong Central Office ng Iglesia Ni Cristo ang residencia ng Tagapamahalang Pangkahalatan (tulad ng Malacañang Palzce at ng White House na hindi lamang opisina kundi ang mismong residencia ng Presidente ng Pilipinas at ng Amerika). Ang Central Office ang pangkalahatang tanggapan ng Iglesia Ni Cristo kung saan matatagpuan ang mga opisina ng Tagapamahalang Pangkalahatan at ang iba pang mga kawanihan ("departments") na nangangasiwa sa buong Iglesia, sa mga distrito at mga lokal sa buong mundo, at hindi ito ang residencia ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia.





Iglesia ni Cristo Central Office
New Era, Quezon City, Philippines 




Ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo ay hindi ang may-ari ng mga ari-arian ng Iglesia Ni Cristo, kundi ang nangangasiwa lamang (Iglesia Ni Cristo Articles of Incorporation, dated 27 July 1914). Ang lahat ng mga ari-arian ng Iglesia Ni Cristo ay nakapangalan sa Iglesia (Ibid.). Ang pagbili, pagbenta at pag-alis ng mga ari-arian ng Iglesia Ni Cristo ay pinapasiyahan ng "Economic Council" ng Iglesia na binubuo ng Executive Minister, General Evangelist, General Secretary, General Treasurer, General Auditor, at ng mga Tagapangasiwa ng Distrito (By-Laws of the Iglesia ni Cristo).


Ang kasalukuyang Pangkalahatan Ebanghelista ay si kapatid na Bienvenido Santiago, ang Pangkalahatang Kalihim ay si kapatid na Radel G. Cortez, ang Pangkalahatang Ingat-Yaman ay si kapatid na Ernesto Suratos, at ang Pangkalahatang Auditor ay si kapatid na Glicerio B. Santos, Jr. Sila ay pawang hindi kamag-anak ni kapatid na Eduardo V. Manalo.


Pinangangasiwaan ng Tagapamahalang Pangkalahatan ang buong Iglesia sa pamamagitan ng mga Tagapangasiwa ng Distrito. Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 100 distrito eklesiastiko sa buong mundo. Ang bawat distrito eklesiastiko naman ay binubuo ng mga lokal na kongregasyon na pinangangasiwaan naman ng mga ministrong distinado at katuwang ang mga pamunuan at mga maytungkulin salokal.







ISA NANG PANDAIGDIGANG IGLESIA("GLOBAL CHURCH")




Ngayon, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay binubuo ng humigit-kumulang sa 110 nasyunalidad. Mayroon na siyang mahit sa 100 distrito eklesiastiko sa Pilipinas at mahigit sa 20 distrito eklesiastiko sa labas ng Pilipinas. Ang Iglesia Ni Cristo ay nakalaganap na sa mahigit na 100 mga bansa at teritoryo. Sa Pilipinas ay may mahigit na 5,000 mga lokal at mahigit naman sa 1,000 lokal ang nakalatatag sa iba't ibang panig ng mundo.



Walang komento: