Inaakala ng maraming tao na anumang uri ng pagsamba ang iukol sa Diyos ay pahahalagahan at tatanggapin Niya. Ito ang dahilan kaya ayaw ng iba na umanib sa relihiyon. Naniniwala silang nagagawa nila ang pagtawag at pagsamba sa Diyos kahit wala silang kinaaaniban. Ang iba naman ay nasisiyahan na sa kinabibilangan nilang relihiyon nang walang anumang pagsusuring ginagawa kung sila'y nasa mali o nasa tama.
WALANG KABULUHAN ANG NAKASALIG SA UTOS NG TAO
Wasto ba ang paniniwalang ang lahat ng uri at paraan ng pagsamba sa Diyos ay pinahahalagahan at tinatanggap Niya? Ganito ang sabi ng Diyos:
" 'Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin; Ang kanilang itinuturo ay utos ng tao' . " (Mateo 15:9, New Pilipino Version)
Maraming nagsasabi na sila ay sumasamba sa Diyos. Ang Diyos daw ang kanilang taimtim na sinasamba. Subalit gaano man karangya at kaganda ang paraan ng kanilang pagsamba ay pinawawalang-kabuluhan ng Diyos kapag ang kanilang itinuturo at sinusunod bilang saligan ng kanilang pagsamba ay ang aral at utos ng tao. Sinabi pa ni Apostol Pablo na:
" Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman. " Colosas 2:23
Alin ang sinasabi rito ni Apostol Pablo na pagsambang kusa, may anyo ng karunungan, pagpapakababa, at pagpapakahirap sa katawan ngunit walang anumang kabuluhan? Doon din sa talatang ating sinipi ay idinugtong niyang,
" (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao? " Colosas 2:22
Anumang paglilingkod na may kalakip na pagpapakahirap sa katawan, na ipinatutungkol pa sa Diyos ngunit ang sinusunod ng nagsasagawa noon ay utos ng tao ay waleg ibubungan kabanalan.
Dahil dito, ano ang kabawal-bawalan ni Apostol Pablo? Buong giting na sinabi niya :
" Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan. " Tito 1:14
Lubhang mapanganib na isalig sa aral at utos ng mga tao ang paglilingkod sa Diyos. Yaon ay ikasisinsay sa katotohanan at ikaliligaw ng landas. Ikahuhulog ito sa pagtataglay ng maling pananampalataya at kung magkagayon ay hindi ikapagmamana ng kaharian ng Diyos (Gal. 5:19-21).
Ang Pinagmumulan Ng Mga Aral At Utos Ng Tao
May pinagmumulan ang mga aral at utos ng tao. Maaaring ito'y ginawa o nilikha ng lider ng isang relihiyon at pagkatapos ay siyang ipinapatutupad sa kaniyang mga nasasakupan bilang batayan ng kanilang pananampalataya. Maaari namang ang gayong aral ay pinag-usapan at pinagtibay ng isang kapulungan o konsilyo ng matataas na lider ng isang relihiyon at buong higpit na ipinatutupad sa kanilang mga kaanib. Anumang aral na nilikha ng sinumang tao o ng anumang kapulungan o konsilyo na wala sa Biblia o salungat sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia, ay tinatawag na ARAL AT UTOS NG MGA TAO.
May pagkakataon naman na ang Banal na kasulatan ay isinisinsay ng isang tagapangaral. Ang nilalaman ng mga talata nito ay binibigyan niya ng sariling pakahulugan na salungat sa kahulugang itinuturo ng ibang talata. Ang gayong pagtuturo ay mali at sinsay sa katotohanan; nauuwh sa haka, opinyon, at pala-palagay -- hindi na mula sa Diyos at kay Cristo. Ang gayon ay Tinatawag rin na ARAL AT UTOS NG TAO.
Sa gayong uri ng aral at tagapangaral ay may sinabi si Apostol Pedro na ganito:
" Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila. " 2 Pedro 3:16
May mga tao naman na hindi man lider ng relihiyon o kaya'y wala namang kinaaanibang Iglesia gayunman ay may sariling pilosopiya. Nanghahawak sila sa kanilang sariling karunungan at kaalaman. Kung minsan, ibinabatay nila ang kanilang pananalig sa mga sali't saling sabi. ng mga tao. Hindi sila nanghahawak sa Biblia. Pagka ganito ang uri ng tao, ang lahat ng kanilang sasabihin at itinuro ay pawang ARAL AT UTOS NG TAO. kaya,may babala si Apostol Pablo:
" Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo . " Colosas 2:8
MGA RELIHIYONG NAGBABATAY SA ARAL NG TAO
Mayroon bang lider o puno ng relihiyon na gumagawa ng batas o aral para sa kaniyang mga nasasakupan? Mayroon. Ito ay mababasa natin sa aklat na pinamagatang. " The Visible Church" na sinulat ni Rt. Rev. John Sullivan. Ganito ang sinasabi sa pahina 2 :
" The Pope. The supreme ruler of the church on earth is the Pope, who is the Bishop of Rome, ... He has authority over all Catholics. He may make laws for the whole Church and for any part of it ."
Sa Pilipino :
" Ang Papa. Ang pinakamataas na pinuno ng Iglesia sa lupa ay ang Papa, na siyang Obispo ng Roma, ... May kapangyarihan siya sa lahat ng mga katoliko. Makagagawa siya ng mga batas para sa buong Iglesia at sa alinmang bahagi nito. "
Tangi sa Papa ng Iglesia Katolika, sinu-sino pa ang gumagawa ng aral na sinusunod ng mga katoliko? Sa "The Catholic Encyclopedia, Vol. IV, p. 423 " Ay ganito ang nakasulat:
"1. Definition - Councils are legally convened assemblies of ecclesiastical dignitaries and theological experts for the purpose of discussing and regulating matters of church doctrine and discipline. The terms council and synod ar synonymous ... The constituent elements of ecclesiastical council are the following: --
"a) A legally convened meeting of
"b) members of the hierarchy, for
"c) the purpose of carrying out their judicial and doctrinal functions,
"d) by means of deliberations in common,
"e) resulting in regulations and decrees invested with the authority of the whole assembly. "
Sa Pilipino :
"1. Kahulugan - Ang mga konsilyo ay legal na tinipong mga kapulungan ng matataas na pinuno ng Iglesia (Katolika) at ng mga dalubhasang teologo upang pag-usapan at isaayos ang mga bagay na ukol sa doktrina at pamamalakad ng iglesia. Ang mga salitang konsilyo at synod ay may iisang kahulugan... Ang mga bagay na bumubuo sa isang konsilyo ng iglesia ay ang mga sumusunod:
"a) Isang legal na tinipong kapulungan ng
"b) mga kaanib ng pamunuan ng iglesia, ukol
"c) sa layuning pagpapatupad ng kanilang mga tungkuling ukol sa batas at doktrina,
"d) sa pamamagitan ng masusing pag-aaral na sama-sama,
"e) na ang nagiging bunga ay ang mga alituntunin at mga kautusang pinagkalooban ng kapangyarihan ng buong kapulungan. "
Sa nabanggit na aklat-katoliko, sinasabi na ang konsilyo ng Iglesia Katolika ay gumagawa rin ng aral o doktrina para sa kanilang Iglesia. Ang mga matataas na pinuno na nagkakatipon sa kanilang konsilyo ang nag-uusap at nagsasaayos ng mga bagay na ukol sa doktrina at pamamalakad ng kanilang Iglesia.
Dahil sa ang mga aral ng Iglesia katolika ay nilikha lamang ng Papa at ng matataas na pinuno nito, sino, kung gayon, ang sinusunod ng mga Katoliko? Sa kanilang munting aklat na pinamagatang "Maikling Katesismo Ng Aral Na Kristiano ", sa Pahina 50, ay ganito ang sinabi:
"178. Ano ang tawag sa mga taong sumusunod sa Santo Papa at sa mga obispo?
" Ang mga sumusunod sa Santo Papa at sa mga Obispo na parang kanilang pinuno at ama ng kaluluwa ay tinatawag na mga katoliko at sila ang mga kaanib na bumubuo ng Santa Iglesya Katolika. "
Sa harap ng katotohanang ito, hindi makaiiwas ang Iglesia Katolika na tanggaping aral at utos ng mga tao lamang ang sinusunod ng kanilang mga kaanib. At kung magkagayon, mapipilitan silang tanggapin na hindi sa Diyos at kay Cristo sila naglilingkod, kundi sa gumawa ng mga aral na kanilang sinasabing pagkilala nila sa Diyos ay nauuwi lamang sa pagpapanggap. Ito ang sinabi ni Apostol Pablo na:
" Sila'y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni't ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. . . " (Tito 1:16)
Mayroon din ba namang nagtuturo ng mga aral at utos ng mga tao sa pamamagitan ng pagsinsay na ginagawa sa mga talata ng Banal na Kasulatan? Mayroon. Isang halimbawa nito ay ang mga tagapangaral na nagtuturo na hindi raw kailangan ang Iglesia sa kaligtasan. Ang kailangan laman daw ay tanggapin si Cristo bilang pansariling tagapagligtas at yaon daw ay sapat na.
Ito ang itinuro ng mga Protestante. Sa ganang kanilag, hindi na kailangan ang Iglesia. Si Cristo lamang daw ang kailangan nila. Sa hindi nila pagtuturo ng buong katotohanan ay pinapaghiwalay nila si Cristo at ang Iglesia. Ganito ba ang kabuuan ng katotohanang itinuro ng Biblia? Hindi. Sapagkat sinasabi sa Biblia na :
" At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia...." (Colosas 1:18)
Si Cristo at ang Iglesia ay "Isang taong bago" sa kabuuan, ayon kay Apostol Pablo(Efeso 2:15). Gaano kahalaga ang Iglesiang katawan ni Cristo? Sa Efeso 5:23 ay ganito ang nakasulat:
Efeso 5:23
" Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang tagapagligtas nito. " (Magandang Balita)
Kaya papaanong paghihiwalayin si Cristo at ang Iglesia? Ang Iglesia ang ililigtas ni Cristo, kaya, kailangan ng tao si Cristo at kailangan din niya ang Iglesia.
Samakatuwid, nasisinsay ang ibang tagapagturo sa paggamit ng mga talata ng Banal na Kasulatan dahik pinangahasan nilang bigyan ang mga ito ng sariling pakahulugan. Nauuwi sila sa mga haka,palagay, at opinyon. Sa kabuuan ay ARAL AT UTOS NG TAO ang kanilang itinuturo.
Maaaring ang kanilang naituro ay kulang sa kabuuan ng katotohanang dapat malaman ng tinuturuan. Maaari din namang labis sa nararapat o kaya'y salungat sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Banal na Kasulatan. Tungkol dito,sinabi ng Diyos:
" Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan. " Deuteronomio 12:32
Mahigpit din ang tagubilin ni Apostol Pablo na : "Huwag magsihit sa mga bagay na nangasusulat... "(1Cor.4:6). Ang dapat na maging saligan ng tao sa pagsamba at paglilingkod ay ang mga utos at salita ng Diyos. :
" Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay " Kawikaan 6:23
Mayroon nang mga utos at aral ang Diyos. Kaya, bakit gagawa pa ng aral at utos ang tao? Makahihigit pa ba ang aral ng tao sa aral ng Diyos?Kailangan bang palitan ang aral ng Diyos ng aral at utos ng tao? Dapat malaman ng lahat na ang mga aral at utos ng Diyos ay nakasulat sa Biblia, na "siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya...." (Roma 1:16)
Kaya, iwan ang maling aral na utos lamang ng tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento