KUNG MAYROONG PANAHON na ang mga tao ay totoong nalilito ukol sa relihiyon ay walang iba kundi ang ating panahon, sapagkat sa panahong ito ay totoong napakaraming relihiyong nakatatag at patuloy pang may mga bumabangon. Ang lalo pang nakalilito sa mga tao ay ang bawat isa’y nagsasabi na sila ay totoo at sila ay may kaligtasan. Ang tao tuloy ay nahuhulog sa paniniwalang walang maling relihiyon, kundi ang lahat naman ay tinatanggap ng Diyos at patungo rin sa Diyos sapagkat lahat naman daw ay kumikilala sa Diyos at sa Kaniya rin ipinatutungkol ang kanilang mga pagsamba. Toto okaya na pare-parehong sa Diyos ang lahat ng relihiyon? Pare-pareho kayang kay Cristo ang lahat ng mga iglesia? Tinatanggap kaya ng Diyos ang lahat ng paglilingkod at pagsambang ipinatutungkol sa Kaniya?
ANG RELIHIYON O IGLESIANG HINDI SA DIYOS
Ang matibay na katunayan na hindi lahat ng nagpapatungkol sa Diyos ng pagsamba ay tinatanggap Niya ay sina Cain at Abel. Ganito ang pahayag ng Biblia sa Genesis 4:1-5:
“At nakilala ng lalake si Eva na kaniyang asawa; at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, Nagkaanak ako ng lalake sa tulong ng Panginoon. At sa muli ay ipinanganak ang kaniyang kapatid na si Abel. At si Abel ay tagapagalaga ng mga tupa; datapuwa't si Cain ay mangbubukid ng lupa. At nangyari nang lumalakad ang panahon ay nagdala si Cain ng isang handog na mga bunga ng lupa sa Panginoon. At nagdala rin naman si Abel ng mga panganay ng kaniyang kawan at ng mga taba ng mga yaon. At nilingap ng Panginoon si Abel at ang kaniyang handog: Datapuwa't hindi nilingap si Cain at ang kaniyang handog. At naginit na mainam si Cain, at namanglaw ang kaniyang mukha.”(Genesis 4:1-5)
Pansinin na si Cain at Abel ay kapuwa nagsagawa ng pagsamba at paghahandog sa Diyos, at kapuwa sa Diyos ipinatungkol ang kanilang pagsamba at paghahandog. Subalit, hindi sila parehong tinanggap ng Diyos. Si Abel at ang kaniyang handog ang pinaging-dapat ng Diyos, at si Cain at ang kaniyang handog ay hindi pinaging dapat ng Diyos. Kaya, hindi nga sapagkat pare-parehong sa Diyos din ipinatutungkol ang pagsamba at paglilingkod ay pare-pareho ng tatatanggapin ng Diyos. Dahil dito, kahit pa lahat ng relihiyon o iglesia ay nagpapatungkol ng pagsamba sa Diyos, subalit ang katotohanan ay hindi lahat ay pare-parehong sa Diyos. Kung paanong may pagiging-dapatin, tiyak din na may hindi pagiging-dapatin kahit na sumasamba at naglilingkod din sa Diyos.
Maging ang Panginoong Jesucristo ay nagpapatunay na hindi lahat ng tumatawag sa Kaniya ng Panginoon at nagsasagawa rin ng paglilingkod sa Kaniyang pangalan ay pagiging-dapatin. Ganito naman ang Kaniyang pahayag sa Mateo 7:21-23:
“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga sumusunod lamang sa kalooban ng Ama sa langit. Sa huling araw, marami ang magsasabi,'Panginoon, Panginoon, nanghula kami sa pangalan mo, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga kababalaghan.' Sasabihin ko naman sa kanila, 'Lumayas kayo sa harapan ko, mga manggagawa ng katampalasan! Hindi ko kayo nakikilala.'” (Mateo 7:21-23 NPV)
Ang tinitiyak ng Panginoong Jesucristo na pagkilala sa Kaniya at kahit pa paglilingkod sa Kaniyang pangalan na hindi Niya pagiging-dapatin ay ang hindi naman sumusunod sa kalooban ng Diyos. Kaya, kung ang isang relihiyon o iglesia ay hindi naman ginaganap ang kalooban ng Diyos na nakasulat sa Banal na Kasulatan o Biblia, bagkus ay nilalabag pa ito ay hindi rin pagiging-dapatinsa Araw ng Paghuhukom.
Ang isa pang tiniyak ng Biblia na hindi pagiging-dapatin ay ang sumusunod lamang sa mga aral at utos ng tao. Ganito naman ang sinasabi sa Mateo 15:9:
“Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin; Ang kanilang itinuturo ay utos ng tao.'” (Mateo 15:9 NPV)
Ang pagsambang salig lamang sa utos at aral ng tao ay walang kabuluhan sa Diyos. Kaya ang alinmang relihiyon o iglesia na ang sinusunod ay mga aral at utos lamang ng tao, ang gayun ay tiyak na hindi pagiging-dapatin ng Diyos.
Sino pa ang tiniyak ng Biblia na huwad? Sa Isaias 40:9 ay ganito ang nakasulat:
“Tingnan ninyo, silang lahat ay huwad! Nauuwi sa wala ang kanilang mga gawa; ang mga imahen nila'y mga hangin lamang at kaguluhan.” (Isaias 41:29 NPV)
Ang kabilang din sa mga huwad na relihiyon ay ang mga naglilingkod at sumasamba sa mga imahen o sa mga rebulto o larawan, o ang mga gumagamit ng mga imahen o ng mga rebulto at larawan. Ang sabi ng Biblia patungkol sa kanila ay “Tingnan ninyo, silang lahat ay huwad!”
Samakatuwid, ang relihiyon o iglesia na hindi sa Diyos at hindi pagiging-dapatin kahit pa sabihing nagsasagawa rin ng paglilingkod o pagsamba at sa Diyos din ipinatutungkol ay ang hindi sumusunod bagkus ay lumalabag sa kalooban ng Diyos, ang salig lang sa aral at utos ng tao ang ginagawang paglilingkod, at ang mga naglilingkod sa mga imahen o gumagamit ng mga rebulto at larawan sa pagsamba sa Diyos. Ito ang mga huwad na relihiyon o huwad na iglesia.
IISA LAMANG ANG TUNAY NA RELIHIYON O IGLESIA
Sinasabi naman ng iba na hindi raw mahalaga ang relihiyon. Subalit, ang hindi mahalaga ay ang mga huwad na relihiyon sapagkat gaya nga ng sinabi ng Diyos patungkol sa kanila, walang kabuluhan ang kanilang pagsamba o paglilingkod na ipinatutungkol sa Kaniya. Subalit, ang tunay na relihiyon ay mahalaga. Bakit mahalaga at alin ang tunay na relihiyon? Sa I Timoteo 3:15-16 ay ganito ang nakasulat:
“Upang hindi man ako makarating agad ay malaman mo rin ang dapat ugaliin sa sambahayan ng buhay na Diyos, sa iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan. Napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:..” ( I Timoteo 3:15-16 MB)
Mahalaga ang tunay na relihiyon sapagkat siyang “haligi at saligan ng katotohanan.” Ang tunay na relihiyon ay ang kinaaniban ng mga apostol – ang Iglesia na sambahayan ng buhay na Diyos. Samakatuwid, ang tunay na Iglesia ay siya ring tunay na relihiyon. IIsa lamang ang tunay na Iglesia at ito ang itinatag ng Panginoong Jesucristo:
“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” (Mateo 16:18)
Ang sabi ng Panginoong Jesucristo ay “itatayo Ko ang Aking Iglesia” at hindi Niya sinabing “Aking mga iglesia.” Samakatuwid, iisa lamang talaga ang tunay na Iglesia na itinayo ng Panginoong Jesucristo na ito rin ang tunay na relihiyon na kinaaaniban ng mga Apostol. Ang sumusunod na mga talata ay lalong nagpapatunay na iisa lamang talaga ang tunay na Iglesia, ang tunay na relihiyon:
“May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo; Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.”Efeso 4:4-6
Ang sabi ng iba ay hindi raw mahalaga ng relihiyon o iglesia, kundi ang magkaroon ng relasyon o kaugnayan kay Cristo. Sino ba ang pinatutunayan ng Biblia na may relasyon o kaugnayan kay Cristo? Ito’ maliwanag na sinasagot sa Efeso 5:32:
“Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito - ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko.” Efeso 5:32 MB
Ayon sa Biblia ang Iglesia ang may kaugnayan o relasyon kay Cristo – si Cristo ang ulo at ang Iglesia ang Kaniyang katawan (Col. 1:18). Kaya, totoong mahalaga ang magkaroon ng relasyon kay Cristo, subalit ang pinatutunayan ng Biblia na may relasyon kay Cristo ay ang Iglesia. Pansinin din na sapagkat ang Iglesia na itinayo ni Cristo ay itinulad sa katawan na si Cristo ang ulo, kaya minsan pa’y pinatutunayan sa atin na iisa lamang talaga ang tunay na Iglesia na katawan ng ulong si Cristo, kung paanong iisa lamang talaga ang katawan ng bawat ulo.
Ang sabi naman ng iba’y hindi raw mahalaga ang relihiyon o iglesia sapagkat si Cristo ang Tagapagligtas. Hindi tayo tumututol na ang Panginoong Jesucristo ang Tagapagligtas, subalit hindi maaaring pawalang-halaga ang Iglesia sapagkat ito ang pinatutunayan ng Biblia na ililigtas ni Cristo:
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” Efeso 5:23 MB
Kung paanong si Cristo ang pinatutunayan ng Biblia na Tagapagligtas, ang Iglesia naman ang pinatutunayan ng Biblia na siyang ililigtas ng ating Panginoong Jesucristo.
Samakatuwid, iisa lamang ang tunay na Iglesia, ang tunay na relihiyon, at napakalahaga nito sapagkat ito ang may kaugnayan kay Cristo at pinatutunayan ng Biblia na siyang ililigtas ng ating Panginoong Jesucristo.
ANG TUNAY NA RELIHIYON O IGLESIA
Alin ang iisang tunay na Iglesia na siya ring tunay na relihiyon na kinaaaniban ng mga apostol? Ganito ang patotoo ng Biblia na nakasulat sa Roma 16:16:
“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.”(Roma16:16 NPV)
Ang “iglesya ni Cristo” o ang “Iglesia ni Cristo” ang relihiyong kinaaaniban ng mga apostol tulad ni Apostol Pablo at ang iisang tunay na Iglesia na katawan ng punong si Cristo.
Sinasabi ng iba na hindi raw ang Iglesia ni Cristo ang tunay na Iglesia o ang tunay na relihiyon, subalit bakit ito ang malinaw na nakasulat at mababasa sa Biblia? Sabi ng iba ay sila raw ang tunay na iglesia o relihiyon, subalit bakit hindi sila ang nakasulat at mababasa sa Biblia? Diyata’t kung alin ang wala sa Biblia (tulad ng Iglesia Katolika, Metodista, Baptista at iba pa) ang tunay, at ang nasa Biblia (ang Iglesia ni Cristo) ang hindi tunay?
Kung ang Biblia ay totoo o katotohanan, ang kinasusulatan ng mga salita ng Diyos, kaya ang malinaw na nakasulat at mababasa sa Biblia (ang Iglesia ni Cristo) ang tiyak na tunay o totoo, ang iisang tunay na Iglesia o ang iisang tunay na relihiyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento