Isang TAOS PUSONG pagkilala ng buong Iglesia sa mga NAMAMAHALA nito. Muli, sa pagsapit ng Oktubre 31 ay isang biyayang kaloob ng Dios sa pagsapit ng ika 58 taon ng pagkasilang ng kapatid na Eduardo V. Manalo.
Nang papagpahingahin na ng Dios ang tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, ang kapatid na Erano G Manalo, nakakatawag-pansin at marahil ay ipinagtataka pa ng Iba ang nakikita nilang walang pasubaling pagsunod at pagpapasakop ng mga kaanib sa humalili sa kaniya sa pamamahala rito, ang kapatid na Eduardo V. Manalo. Palibhasa, mula pa nang una, ang pagkilala ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa Namamahala sa Iglesia ay hindi tulad ng karaniwang pagkilalang iniuukol ng ibang tao patungkol sa kanilang namiminuno, na nababatay lamang sa katangiang panlabas, impluwensiya o popularidad-mga katangiang maaaring makamit ng sinuman sa sariling pagsisikap. Ang pagkilala ng mga kaanib sa Iglesia sa Namamahala rito ay pagkilala sa banal na karapatang kaloob ng Dios sa kaniya. Tulad ng ipinagunita ni Apostol Pablo kay Timoteo nang sabihin niyang,
"....yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo" ( 3 Tim.3:14, MBB)
Taglay din ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang gayong pagkilala sa Namamahala sa kahit anong panahon.
KINASANGKAPAN PARA MAPABILANG SA MGA TINAWAG NG DIOS
Kinikilala ng mga kaanib sa Iglesia na ang karapatang tinataglay ng SUGO NG DIOS sa mga huling araw, ang Kapatid na Felix Y. Manalo, ay tinaglay rin ng humalili sa kaniya, si Kapatid na Erano G. Manalo, at ngayon ay ipinagkaloob din sa kasalukuyang Namamahala, si Kapatid na Eduardo V. Manalo. Sila ang mga kinasangkapan upang mapabilang ang mga tao sa mga tinawag ng Dios sa tunay na Iglesia. Ang pangangaral ng salita ng Dios ay karapatang kaloob sa mga sinugo Niya (Roma 10:15) at ang kanilang pangangaral ay ang paraan ng pagtawag ng Dios sa mga tao (2 Tes.2:15; 14, NPV). Ang mga tinawag ng Dios ay nagiging bahagi ng iisang katawan o Iglesia ni Cristo (Col.4:15,18 MB; 1Cor.12:28; Roma 16:16,NPV).
Pansinin na ang mga kinasangkapan sa pagtawag o pangangaral tulad ng mga apostol at mga guro o tagapagturo noon, ay nanggagaling sa tunay na Iglesia at dito rin inilalagay ang mga bunga ng kanilang pangangaral na siya ring mga ililigtas ng Panginoong Dios (Gawa 2:47).
UPANG MANATILING KAISA NG DIOS AT NI CRISTO
Hanggang ngayon, sa ilalim ng kasalukuyang Namamahala, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, ay patuloy na nakararating ang pangangaral ng mga salita ng Dios sa Iglesia ni Cristo. Ang mga aral ng Dios na itinuturo ng Sugo at itinaguyod ng Kapatid ng Erano G. Manalo nang siya'y nabubuhay pa ang patuloy niyang inihahatid sa Iglesia lalo na sa panahon ng mga pagsamba. Tunay nga, hindi hahayaang maputol o malagot ang kaugnayan ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa Pamamahala. Sinisikap ng mga ulirang kaanib na makapamalagi sa biyayang natamo nila, ANG PAGIGING SA DIOS AT KAY CRISTO (Juan 17:9-10), sa paraang itinataguyod nila ang turo ng Biblia upang magkaroon ng pakikisama o pakikipagkaisa sa Ama at sa Kaniyang Anak na si Jesus ay dapat silang makipagkaisa o makisama sa Namamahala na nagpapahayag ng mga salita ng Dios :
" Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig, upang makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama at sa Kanyang Anak na si Jesus-Cristo. " 1Juan 1:3, MB
SA IKAKABUTI, IKATITIBAY AT IKALILIGTAS
Lubusan ang pagpapasakop ng mga kaanib sa Namamahala ng Iglesia ni Cristo magpahanggang ngayon sapagkat ang Namamahala ang pinagkatiwalaan ng Dios na mangalaga sa Iglesia :
" Sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang mga paghihirap ni Cristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim sa paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod. " 1 Pedro 5:1-2, MB
Sinasampalatayanan din ng mga kaanib sa Iglesia na sa kanilang ikabubuti at ikatitibay ang pagpapasakop sa Namamahala :
" Pasakop kayo sa mga nangangasiwa sa inyo. Sila'y may pananagutang magbantay sa inyo, at magbibigay-sulit sila sa Dios ukol dito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kung hindi, sila'y mahahapis, at hindi ito makakabuti sa inyo. " Hebreo 13:17, MB
" Sapagka't bagaman ako ay magmapuri ng marami tungkol sa aming kapamahalaan (na ibinigay ng Panginoon sa ikapagtitibay sa inyo, at hindi sa ikagigiba ninyo) ay hindi ako mapapahiya." 2 Corinto 10:8
Kung papaano noon, gayundin naman ngayon ay dama ng mga kaanib ang malaking paghahangad ng KASALUKUYANG PAMAMAHALA na sila ay maligtas kung kaya ang Iglesia ay patuloy na iginagayak sa nalalapit na pagsalubong sa Panginoon. Natutupad sa Namamahala ang sinabi ni Apostol Pablo:
" Pinagtiisan ko ang lahat ng mga bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magtamo rin sila ng kaligtasang mula kay Cristo Jesus, at ng walang hanggang kaluwalhatian. " 2 Timoteo 2:10, MB
AMING NAKITA ANG MABUTING HALIMBAWA
Ang pangangaral ng Namamahala na inilagay ng Dios sa Iglesia ay may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo na nagpapalakas ng loob at umaaliw sa mga nawawalan ng pag-asa. Kaya naman tinatanggap ng mga kaanib ang kaniyang pangangaral bilang tunay na salita ng Dios. Ang bisa ng Kaniyang ipinangangaral ay unang-unang nakikita sa kanilang pamumuhay. Kapag sinabi niyang pagbutihin ng mga kaanib ang kanilang pamumuhay nang maging kalugod-lugod sa Dios ay gayon ang matututuna mula sa kaniyang halimbawa. Nakikita ng mga kaanib kung paano siya namumuhay sa piling ng mga hinirang ng Dios. Hindi siya gumagamit ng pakunwaring papuri. Hindi siya naghahangad ng kapurihan. Nagpapagal at gumagawa siya araw at gabi para sa kapakanan ng Iglesia. Huwaran siya sa katapatan sa pagtupad ng tungkulin at ganap sa pakikitungo sa mga kapatid. Naririnig ng mga kaanib na kasama silang lagi sa kaniyang pananalangin. Sinasabi rin niya ang sinabi ni Apostol Pablo sa unang Iglesia :
" Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin.
" Ang Mabuting Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito'y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin para sa inyong kabutihan.
" Alam ng Diyos at alam din ninyo na sa aming pangangaral ay hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri o ng mga salitang nagkukubli ng masakim na hangarin. Hindi kami naghahangad ng papuri ninyo o ninuman, bagamat may katwiran kaming maghintay niyon bilang mga apostol ni Cristo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, itinalaga namin ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Mabuting Balita. Hindi lamang iyan, pati na aming buhay ay inihahandog namin, kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin. Tiyak na natatandaan pa ninyo, mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi para hindi kami maging pasanin ninuman samantalang ipinahahayag namin sa inyo ang Mabuting Balita. Saksi namin kayo at gayon din ang Diyos na kami ay tapat, mabuti, at ganap sa pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. Tulad ng alam ninyo, kami'y parang naging ama ng bawat isa sa inyo. Pinalalakas namin ang inyong loob, inaliw kayo at hinimok na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na humirang sa inyo upang makahati sa kanyang kaharian at kaluwalhatian. Ito pa ang lagi naming ipinagpapasalamat sa Diyos: ang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupat ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyong mga sumasampalataya.
" Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon--pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa aminupang kayo'y maging kalugod-lugod sa Diyos."
1 Tesalonica 1:2,5; 2:5-13; 4:1, MB
IBIBIGAY ANG SARILI
Walang sukat maigaganti ang mga kaanib sa Namamahala sa kaniyang pagmamalasakit at pagmamahal kundi ang laging ilakip sa mga panalangin ang Pamamahala , tulad ng itinuro ni Apostol Pablo :
" Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,
At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,
Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain. " Efeso 6:18-20
Wala bang halimbawa sa Biblia na katangi-tanging pakikisama o pakikipagkaisa sa pangangasiwa? Kapanatikuhan ba na matatawag ang ganito?
" At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios. "
2 Corinto 8:5
Hindi kapanatikuhan kung makikita man ang mga kaanib ng Iglesia ni Cristo ngayon sa lubos at walang pasubaling pagpapasakop sa Namamahala sapagkat gaya ng nailahad na, aral ito ng Banal ng Kasulatan. Mabuting tularan ang ipinakitang halimbawa ng mga unang Cristiano na ibinigay na ang kanilang sarili una sa Panginoon at sa Namamahala sa kanila, at ito ay sa KALOOBAN NG DIOS..
MULI, KAMI PONG LAHAT AY MALUGOD NA BUMABATI NG "MALIGAYANG KAARAWAN" SA MAHAL NA KAPATID, na EDUARDO V. MANALO.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento