Maliwanag na mababasa sa Biblia ang mga katangian ng tunay na Diyos kung kaya't hindi dapat pagkamalang Diyos ang sinomang hindi naman nagtataglay ng mga katangiang iyon. Ang maraming pagtatalo sa kasalukuyan tungkol sa kung tunay na Diyos ba o hindi ang Panginoong Jesucristo ay maaring lutasin sa pamamagitan ng paghahambing na itinuturo ng Biblia na mga katangiang taglay ng Diyos sa mga katangiang taglay ng ating Panginoong Jesucristo.
Totoong may mga katangian ang ating Panginoong Jesucristo na hindi taglay ng sinumang tao. Halimbawa itinuro ng Biblia na si Cristo ay BANAL at hindi siya NAGKASALA (Juan 10:36; 1 Ped. 2:22) samantalang ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12). At si Cristo ay:
" binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan upang sa pangalan niya ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa....."(Filip.2:9-10)
Na ito ay hindi ginawa sa ibang tao. Si Cristo ay ginawa ng Diyos na Panginoon at Tagapagligtas (Gawa 2:36; 5:31)mga karapatan at katangiang hindi ipinagkaloob sa ibang tao.
Subalit ang pagtataglay ni Cristo ng mga katangiang ito ay hindi nangangahulugang Siya'y hindi TAO sapagkat napakaraming talata ng Biblia ang nagpapatotoong si Cristo, sa likas na kalagayan, ay TAO (Juan 8:40; Gawa 2:22-23; 1Tim. 2:5).
Kung ang pag-uusapan naman ay ang mga katangian at likas na kalagayan ng TUNAY NA DIYOS, isa lamang sa mga ito ang hindi taglay ng sinuman ay hindi na siya maaaring kilalaning Diyos, lalo na kung higit sa isa sa mga ito ang hindi niya taglay.
ANG TATLO SA MGA KATANGIAN NG DIYOS
1.) * Sa 1 Corinto 8:6 ay maaring ipinahayag ni Apostol Pablo na ang tunay na Diyos ay isa lamang, ang Ama. Ganito ang sabi niya:
1 Corinto 8:6
" Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya. "
Malinaw na kapag higit na sa isa o may mga kasamang iba pang diumano'y diyos din, ay hindi na tunay na Diyos. Malinaw rin na kapag hindi ang Ama na pinagmulan ng lahat ng bagay, ay tiyak din na hindi ito ang tunay na Diyos.
Kung si Cristo ang tunay na Diyos, disin sana'y ipinakilala ng Biblia na Siya ang Ama na pinagmulan ng lahat ng bagay. Subalit si Cristo ay ipinakikilala ng Biblia na Anak ng Diyos, hindi ang Ama (Mat.4:17). Si Cristo mismo ay nagpakilalang Siya ang Anak at nilinaw din Niyang hindi Siya ang Ama gaya ng ipinahihiwatig ng ipinahayag Niya nang manalangin Siya sa Ama at sinabing
"Ama........ Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay " ( Juan17:1,3)
2.) * Sinabi sa Efeso 4:6 na ang iisang Diyos at Ama ay sumasa ibabaw ng lahat. Ganito ang nakasulat sa talata:
Efeso 4:6
" iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.[MBB]
Sabihin pa, ang sinumang nasa ilalim ng iba ay tiyak nang hindi siyang sumasa ibabaw ng lahat at kung gayon ay wala sa kaniya ang katangian ng tunay na Diyos.
Si Cristo ba ay sumasa ibabaw ng lahat? Sa Biblia ay sinasabi ang ganito :
Efeso 1:20-22
" Na kaniyang [ng Diyos] ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan,
Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating: At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, "
Ang talatang ito ay pinakahuluganan ng iba na isang katunayang si Cristo ang Diyos na sumasa ibabaw ng lahat gayong malinaw naman na may gumawa sa Kaniya upang malagay Siya sa kaibaibabawan ng lahat ng nilalang.
Ang naglagay sa Kaniya sa kaibaibabawan ng lahat ng nilalang at nagpasuko ng lahat ng bagay sa ilalim ng Kaniyang mga paa ay hindi kasama sa susuko at paiilalim sa Kaniya. Manapa si Cristo mismo ay susuko sa nagpasuko ng lahat ng bagay sa ilalim ng Kaniyang mga paa, gaya ng nilinaw ni Apostol Pablo:
1 Corinto 15:27-28
" Ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa lahat. " [MBB]
Ang Diyos ang gumawa upang ang lahat ay mapasailalim ng mga paa ni Cristo; hindi ito nagawa ni Cristo sa ganang Kaniyang sarili lamang. Dito ay walang pag-aalinlangang iba si Cristo sa Diyos. Si Cristo na Anak ay paiilalim sa Diyos. Malinaw na ang Anak ay hindi Diyos. Hindi maaaring, sa isang pagkakataon, ang nasa ilalim ay siya ring nasa ibabaw ng umiilalim sa kaniya.
Si Cristo mismo ay hindi papayag na sinasabi ng iba ngayon na Siya ay kapantay ng Ama. Ang sabi ni Cristo sa Juan 14:28 ay ganito:
Juan 14:28
" Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin. "
Hindi lamang iyon, kinilala rin Niya na ibinigay lamang sa Kaniya ang lahat ng kapamahalaan kaya ito'y napasa Kaniya. Ganito ang mababasa sa Biblia:
Mateo 28:18
" At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. "
Paano magiging Diyos ang taong kaya lamang nagkaroon ng kapamahalaan o kapangyarihan ay binigyan lang nito?
3.) * Ang likas na kalagayan ng Diyos ay ipinakilala ni Cristo mismo sa Juan 4:24:
Juan 4:24
" Ang Dios ay ESPIRITU: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan. "
Palibhasa'y espiritu, ang Diyos ay hindi nakikita. Ang sabi ni Apostol Pablo:
1 Timoteo 1:17
" Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, DI NAKIKITA, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa. "
Itinuro ni Cristo, at malinaw na mababasa sa Biblia, na itinanggi ni Cristo na Siya'y espiritu nang mapagkamalang Siyang gayon ng Kaniyang mga alagad. Ang sabi Niya'y ganito:
Lucas 24:39
" Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin. "
Pinatutunayan dito ni Cristo na iba Siya sa Diyos: ANG DIYOS AY ESPIRITU, samantalang si Cristo ay hindi espiritu. Ang Diyos palibhasa ay espiritu, ay hindi nakikita, samantalang sa talatang ating sinipi ay tatlong beses Niyang nakikita Siya:
" TINGNAN ninyo......hipuin ninyo ako, at TINGNAN.....na gaya ng NAKIKITA na nasa akin "
Talaga na lamang ayaw dumilat ng taong hindi makita ang linaw ng mga katotohanang itinuturo ng Biblia.
1 komento:
Hello po pwede po ba kayong gumawa tungkol sa Exodo 33:23 kase po diba Ang Diyos ay espiritu at ang espiritu ay walang laman at buto. Gusto ko lang po maunawaan sa Exodo 33:23 salamat po❤
Mag-post ng isang Komento