Miyerkules, Agosto 27, 2014

Ang aral ng mga Mormon tungkol kay Cristo





HALOS LAHAT NG pangkatin ng pananampalataya na nagpapakilalang Cristiano ay nag-uukol ng pagkilala at pagsamba sa Panginoong Jesucristo. Subalit mahalagang maging wasto ang pagtuturo at pagkilala tungkol sa Kaniya. Ang may maling pagtuturo ay wala sa katotohanan. At, ang katotohanan ang dapat maging saligan ng paglilingkod ng tao sa Diyos at kay Cristo.



1 Samuel 12:24
" Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo sa kaniya sa katotohanan ng inyong buong puso; dilidilihin nga ninyo kung gaanong dakilang mga bagay ang kaniyang ginawa sa inyo."



Ang Church of Jesus Christ of Latter-day Saints na karaniwang tinatawag na MORMONS CHURCH ay nagpapahayag din ng pananampalataya tungkol kay Cristo.

Ipinanganak daw sa Jerusalem

Ano ang isa sa mga itinuturo ng mga Mormon tungkol kay Cristo? Ayon sa kanila, si Cristo ay ipinanganak ni Maria sa Jerusalem:



Alma 7:10 Book of Mormon, p. 224
" Masdan, siya ay ipinanganak ni Maria sa Jerusalem, na siyang lupain ng ating mga ninuno."



Dito pa lamang ay mali na ang kanilang pagtuturo. Nakasulat sa Biblia na si Cristo ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea. Ayon kay Apostol Mateo:



Mateo 2:1,4-5
" Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi, At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo. At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat ng propeta."


May limang milya ang layo ng Betlehem sa Jerusalem (Unger's Bible Dictionary, p.165). Ang Jerusalem ay ang kabisera ng Israel.


Sa pagsasama raw nina Adan at Maria


Si Brigham Young, kinikilalang propeta ng mga Mormon, ay nagtuturo na si Jesus ay nilalang ni Adan na "Diyos." Nagkaroon daw ng kaugnayan si Adan kay Maria at ang naging bunga raw ay si Cristo Jesus. Ayon kay Ravi Zacharias, ganito ang nasusulat sa Journal of Discourses, Vol 1, pp. 50-51 :

Sa Filipino na:


"Nang ipagdalangtao ng Birheng Maria ang batang si Jesus, nilalang Siya ng Ama sa Kaniyang wangis. Hindi Siya lalang ng Espiritu Santo. At sino naman ang Ama? Siya ang kaunaunahan sa pamilya ng tao ... Si Jesus, na ating nakatatandang kapatid, ay nilalang na nasa laman ng gayon ding katuhan ng nasa halamanan ng Eden na siyang ating Ama sa Langit.
Pakinggan ninyo ngayon, o mga nananahan sa lupa, Judio at Gentil, banal at makasalanan. Nang ating Amang si Adan ay napasa halamanan ng Eden, naparoon siya na may makalangit na katawan, at isinaman si Eba na isa sa kaniyang mga asawa. Tumulong siya sa paglikha at pagsasaayos nitong mundo ... siya ang ating Ama at ating Diyos, at siya ang nag-iisang Diyos kung kanino tayo may kaugnayan. (Investigating the claims of Mormonism, pp. 24-25)



Taliwas sa itinuturo ng Mormon Church, walang sinasabi ang Biblia na si Cristo ay nilalang sa pamamagitan ng pagsasama ni Adan (ang diumano'y "Diyos") at ni Maria. Si Cristo ay nilalang hindi sa pamamagitan ng pag-aasawa kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo:



Mateo 1:18
" Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo."




Salungat din sa aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia na si Cristo ay tawaging Anak ni Adan, na diumano'y ang Diyos. Si Adan na kinikilalang Diyos ng mga Mormons at matagal nang patay nang isilang si Jesus. Itinuturo ng Biblia na si Cristo ay anak ng Diyos na buhay:



Mateo 16:16
" At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay."



Nag-asawa raw sa Cana 


Ipinangaral din ng mga tagapagturong Mormon na so Jesucristo ay nag-asawa sa Cana ng Galilea. Siya raw ang lalaking ikinasal kay Maria, kay Marta na kapatid ni Lazaro, at kay Maria Magdalena. Ganito ang pahayag sa mga sinipi ni Ravi Zacharias sa kaniyang aklat.



"Jesus was the bridegroom at the marriage of Cana of Galilee (Orson Pratt, "The Seer" ,p.159). ... If all the acts of Jesus were written, we no doubt should learn that these beloved women (Mary, Martha, and Mary Magdalene) were his wives." (Journal of Discourses, vol . 2, p.82[Si Jesus ang lahat ng mga ginawa ni Cristo ay isinulat, walang pag-aalinlangan nating malalaman na ang mga minamahal na mga babaing ito (Maria, Martha, at Maria Magdalene) ay kaniyang mga asawa.](Investigating the claims of Mormonism, p.26)



Salungat sa itinuturo ng Biblia ang mga aral na ito ng mga Mormon. Hindi totoong si Cristo ay asawa ni Maria, ni Marta na kapatid ni Lazaro, at ni Maria Magdalena. Hindi rin ang Panginoong Jesucristo ang ikinasal sa Cana ng Galilea. Si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay inanyayahan
lamang na dumalo sa kasalanang yaon:




Juan 2:1-11
"At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus: At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan. At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating. Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin. Mayroon nga roong anim na tapayang bato na nalalagay alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, na naglalaman ang bawa't isa ng dalawa o tatlong bangang tubig. Sinabi sa kanila ni Jesus, Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi. At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap. At nang matikman ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak nga, at hindi niya nalalaman kung saan buhat (datapuwa't nalalaman ng mga alila na nagsikuha ng tubig), ay tinawag ng pangulo ng kapistahan ang kasintahang lalake, At sinabi sa kaniya, Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon. Ang pasimulang ito ng kaniyang mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at inihayag ang kaniyang kaluwalhatian; at nagsisampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad." 


Ang "Ama" ay ipinatutungkol daw kay Cristo



Ayon sa mga tagapagturong Mormon, ang
terminong "Ama" ay tumutukoy sa Diyos, ang Ama, at kung magkaminsan daw ay ipinatutungkol kay Jesus:


"Sa kasulatan ang salitang Ama kung minsan ay ipinatutungkol sa Diyos, ang Ama, at kung minsan naman ay ipinatutukol kay Jesus..."
[He that Receiveth My servant Receiveth Me- Melchizedek Priesthood Personal Study Guide 1979-80, p. 16]






Maling ipatungkol kay Cristo ang salitang "Ama." Hindi kailanman inangkin ni Cristo na Siya ang Ama. Si Cristo ay anak ng Diyos:



Lucas 1:35

" At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios."



Itinuturo ng mga propeta na iisa ang Ama,
ang iisang Diyos:



Malakias 2:10
" Wala baga tayong lahat na isang ama? hindi baga isang Dios ang lumalang sa atin? bakit tayo nagsisigawa ng paglililo bawa't isa laban sa kaniyang kapatid, na nilalapastangan ang tipan ng ating mgamagulang?"



Ipinangaral din ng mga apostol na iisa lamang ang Diyos-ang Ama.


Efeso 4:6
" Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat."



Ipinakilala ng Panginoong Jesucristo na ang Ama lamang ang dapat makilala na iisang tunay na Diyos.



Juan 17:1,3
" Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo."



Sa kabilang dako, ipinangangaral ng mga
tagapagturong Mormon na si Jesucristo ang Lumalang. Siya raw ang tinatawag na walang hanggang Ama sa langit at lupa:

Sa Filipino na:


" Si Jesucristo, bilang Lumalang, ay tinatawag na Ama ng langit at lupa sa lahat ng pagkakataon ... at dahil ang kaniyang mga nilalang ay may katangiang pangwalang hanggan, Siya ay nararapat na tawaging walang hanggang Amang langit at lupa."[He that Receiveth My servant Receiveth Me- Melchizedek Priesthood Personal Study Guide 1979-80, p. 94]







Labag sa aral ng Biblia na si Cristo ay tawaging walang hanggang Ama ng langit at lupa. Ang Panginoong Jesucristo ay hindi maaring maging Diyos na Lumalang sapagkat kabilang Siya sa mga nilalang. Ito ay pinatutunayan ng Biblia:



Colosas 1:15
" Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang."


Itinuturo ng Biblia na ang Diyos ang mag-
isang lumikha ng lahat ng bagay:



Efeso 3:9 (MBB)
" at magpaliwanag sa lahat kung paano
isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na
plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay."



Ang Diyos na Lumalang na lumikha ng lahat ng bagay ay ang Diyos na kinikilala ni Cristo- ang Ama:



Juan 17:3,1
" " Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo."




Ibang-iba ang Cristo na ipinakikilala ng mga tagapagturong Mormon kaysa sa tunay na Cristong itinuturo ng Biblia. Ang ganitong maling pagkakilala kay Jesus ay ipinangamba na ni Apostol Pablo noon pa man:




2 Corinto 11:3-4
" Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo."


Source:

Pasugo Issue: May 2002

Volume 54 • Number 5
ISSN number: 0116-1636 • Page 16-18

Walang komento: