Sa maraming beses at pagkakataon ginagamit ng ilan ang pagkakamali ng pagkaintindi, ang binanggit sa Biblia na ukol kay Cristo, ang sinasabing “ANG LAHAT AY GINAWA SA PAMAMAGITAN NIYA” Ganito ang isa sa pinanghahawakan nila:
Juan 1:3
" Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. "
Ito ay hindi nangangahulugang si Cristo ay ang lumalang, kundi, ang kahulugan nito ay ipamamagitan ni Cristo ang lahat ng bagay. Ganito ang Sabi ng talata :
“Sapagka’t marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, …..” Heb. 2:10
Pinatunayan pa ni Apostol Pablo sa ibang pagkakataon na talagang ang lahat ng bagay na nilalang ay iniukol kay Cristo at sa pamamagitan Niya:
“Sapagka’t sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya.” Colosas1:16
Kailangan ng lahat ng taong nilalang ng Diyos na sila’y ipamagitan ni Cristo sapagkat sa pamamagitan Niya ay papagkakasunduin ang tao sa Diyos:
“At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan. At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama. Gayon ma’y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo’y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya.” Colosas 1:20-22
Kaya, kung sinabi man sa Juan 1:3 na :
“ang lahat ng bagay ay ginawa (o nilalang) sa pamamagitan Niya” (o ni Cristo), hindi ito nangangahulugang si Cristo ay Diyos na MANLALALANG. Ipinakikilala lamang nito na si Jesus ay Tagapamagitan ng tao sa Diyos :
1 Timoteo 2:5
" Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus "
Si Cristo’y hindi Diyos na Manlalalang Ang isa pang katibayan na si Cristo’y hindi Diyos na Manlalalang ay ang katotohanang Siya man ay nilalang din ng Diyos:
“Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” Col. 1:15
Isa ito sa lalong nagpapatunay na mali ang pagkaunawa ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos sa talatang ginamit sa Juan 1:3. Si Cristo ay hindi manlalalang, kundi isa Siyang nilalang. Siya ang panganay sa lahat ng nilalang.
Bakit sinabing si Cristo ang panganay sa lahat ng nilalang gayong hindi naman Siya ang unang taong nilalang? Sapagkat nakilala na Siya nang una bago pa itinatag ang sanlibutan. Siya ang una sa pagkapanukala. Nasa isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang sanlibutan. Ngunit wala pang Cristo sa kalagayan noong pasimula ng paglalang. Inihayag lamang Siya nitong mga huling panahon:
“Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni’t inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.” I Ped. 1:20
Nahayag o nagkaroon ng katuparan ang nasa isip ng Diyos noong una ukol sa pagkakaroon ng Cristo nang Siya ay ipanganak ng isang babae, si Maria na Kaniyang ina:
“Datapuwa’t nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” Gal. 4:4
Paano ngayon sasabihing si Cristo ang Siyang Diyos na Manlalalang? Si Cristo mismo ay hindi papayag sa gayong aral. Manapa, ipinakilala ni Cristo kung sino lamang ang Diyos na dapat sampalatayanan upang makamit ng tao ang buhay na walang hanggan – ang Ama at hindi ang Anak ang iisang tunay na Diyos:
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak: … At ito ang buhay na walang hanggan, na IKAW AY MAKILALA nila na IISANG DIOS NA TUNAY, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”Juan 17:1,3
Hindi ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili na Diyos, kundi “ANAK” at “SINUGO” ng Ama na Siyang iisang Diyos na tunay.
Samakatuwid, nagkakamali sa pagkaunawa at paggamit ng mga talata ng Banal na Kasulatan ang mga nagtuturo at naniniwalang si Cristo ay Diyos. Ang iisang tunay na Diyos ay ang Ama na lumalang ng lahat ng bagay. Hindi si Cristo ang Diyos na lumalang. Si Cristo ay nilalang. At bagama’t Siya ay pinagkalooban ng Ama ng maraming katangian at karangalang wala sa ibang tao, Siya ay tao sa likas na kalagayan. Ito ay isa sa mga aral na dapat panindiganan at sampalatayanan sapagkat ito ay ikapagkakaroon ng buhay na walang haggan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento