Lunes, Abril 28, 2014

Pagrorosaryo

“Saan nagmula ang rosaryo ng mga Katoliko?’’ "Ang rosaryo ay mula pa sa kauna-unahang panahon at halos laganap na matatagpuan sa mga bansang pagano."

.





Maraming katoliko ang taintim na nagdarasal ng rosaryo ito man ay isinasagawa nang mag-isa, o di kaya ay samantalang kasama ang kaniyang sambahayan. Kaugnay nito, itinuturing ng Iglesia Katolika ang unang Linggo ng buwan ng Oktubre bilang kapistahan ng Rosaryo. Saan ba nagmula ang rosaryo at ano ang kahulugan nito sa harap ng Dios?




Ang mga unang gumamit ng rosaryo


Matagal na, bago pa man umiral ang Iglesia Katolika ay may mga gumagawa na ng paulit-ulit na pananalangin na ginagamitan ng mga magkakarugtong na mga butyl o rosaryo:


“ Ang mga Budista ng Malayong Silangan, ang mga Brahman ng India, ang mga Lama ng Tibet, ang matatandang pagano ng Roma, at ang mga mamamayan ng Efeso sa kanilang pagsamba kay Diana (Mga gawa 19:28), pawang umiiral na bago pa ang Iglesia Katolika Romana, ay palagiang gumagamit ng mga butil sa kanilang mga pagdarasal ".
(Roman Catholicism in the Light of the Scripture, page 137)


Natala rin sa kasaysayan ang ganito:


"... Ang rosaryo, gayon pa man, ay mula sa kauna-unahang panahon, at halos laganap na matatagpuan sa mga bansang pagano. Ang rosaryo ay ginamit bilang isang banal na kasangkapan ng mga unang Mehikano. "
(The Two Babylons or the Papal Worship, page 187)



Bago pa man nagkaroon ng Katolisismo ay ginagamit na ng mga Budista, Brahman, Lama, at ng mga pagano ang rosary sa pagdarasal sa kanilang pagsamba sa mga Diyus-Diyusan. Paano at kailan nagsimula ang paggamit ng rosaryo ng Iglesia Katolika?




“… Ang dakilang pamimintakasi kay Maria, ang rosaryo, ay walang linaw na pinasimulan noong ikalabing-isang siglo at nang malaunan ay mapamaraang pinaunlad ni Sto. Dominic at nagkaroon ng anyong kilala natin ngayon na binubuo ng pagbigkas ng dalangin at pagbubulay-bulay ng labinlimang misteryo noong mga panahong isandaang Taong Digmaan. Kaya sa maikling pagbabalik-aral, ay ang mga tanda ng kamangha-mangha pagdaluyong ng pamimintakasi na kapuwa nakasapat upang mailaan sa Birhen ang kaniyang mataas na katayuan sa pagsambang Kristyano na pumapangalawa siya kay Cristo mismo. "
(The book of Mary,page 81)





Ang rosaryo ng mga pagano ay ipinalalagay na pinasimulan sa loob ng Iglesia Katolika noong lamang mga ika 11 siglo. Nang malaunan ay pinaunlad ito ni Dominic at nagkaroon ng anyong kilala ngayon na binubuo ng 15 misteryo. Ito ay ginagawa nilang pamimintakasi o pagdalangin kay Maria.Diumano,bilangpagsambang Cristiano.Hindi maikakaila,ganunpaman, na ang Rosaryo ng Iglesia Katolika ay nagmula sa mga pagano.



Ang Pagrorosaryo




Ang pagdarasal ng rosary ay 150 beses na inuulit ang dasal na patungkol kay Maria:



“… Ang buong panata sa Rosaryo ay binubuo ng labinlimang pangkat ng Aba ginoong Maria, sampu sa bawat pangkat na karaniwang tinatawag na dekada… Ang mga dasalay binibigkas sa bawat butil at krusipiho, ngunit yaong dinarasal sa Krusipiho at sa limang butyl na binabanggit mong palawit ay panimula lamang sa kaniyang sarili at hindi kailangan sa Rosaryo…
“.. Ibig mo bang sabihin, na kapag dinarasal ang buong Rosaryo, ang ‘aba Ginoong Maria’ ay sinasabing 150 ulit? …Mangyari pa,…
(Father Smith Instructs Jackson, page 269-270)




Bukod pa sa 150 ulit na dsal kay Maria ay kasama pa rin sa pagrorosaryo ang 15 ulit na dasal na “ Ama namin” :


" Sa Iglesia ng Kanluran “ Ang Rosaryo,’’ ayon sa roman Breviary,’ ay isang uri ng panalangin na doo’y sinasambitla ang labinlima na tigsasampung Aba Ginoong Maria kasama ng isang Ama naming sa pagitan ng bawat sampu…” 
(The Catholic Encyclopedia, Volume 13, page 184)



Kaya sa kabuuang bilang, ang pagrorosaryo ay binubuo ng 165 na paulit-ulit na dasal sa isang pagkakataon lamang.  Ang 165 ulit na dasal na ito ay ipinag-utos ng mga Papa na  usalin ng mga Katoliko araw-araw sa buwan ng Oktubre:




“.. Si Papa Clemente XI, ay nag-utos na unang Linggo ng Oktubre ang kapistahan ng Rosaryo (naval) ay dapat ipagdiwang sa buong Iglesia. Noong taong 1885, ipinag-utos ni Papa Leo XIII na ang Rosaryo ay usalin araw-araw sa buwan ng Oktubre sa simbahan ng bawat parokya sa buong mundo at nagtagubilin na lahat ng hindi makadadalo sa pananalangin ng Rosaryo sa simbahan ay nararapat na umusal nito na kasama ang kanilang mga sambahayan sa tahanan, o sa pansarili." . (Amigo del Pueblo, page 275).



Mahigpit na tagubilin



Mahalaga ang pananalangin dahil ito ay pakikipag-usap  sa Dios. Subalit dapat itong isagawa nang naayon sa  itinuturo ng Biblia. Kaugnay nito ay may mahigpit na  ipinagbabawal ang Dios sa mga Cristiano. Ayon kay  Apostol Pablo:



Efeso 4:17-18 
“.. Kaya’t ito ang masasabi ko, sa pangalan ng Panginoon: Huwag na kayong mamuhay na gaya ng mga paganong walang kabuluhan ang mga iniisip at nadirimlan ang kaisipan. Dahil wala silang pagkaunawa at matigas ang kanilang puso, hiwalay sila sa Buhay na mula sa Dios.”(salita ng Buhay)



Ipinagbabawal din ng Panginoong Jesucristo sa kaniyang mga Alagad ang panalanging paulit-ulit gaya ng  ginagawa ng mga pagano:



 Mateo 6:7-8 (Ibid)
“.. Huwag kayong manalangin nang paulit-ulit, na gay ang ginagawa ng mga pagano. Akala nila’y diringgin sila dahil sa marami nilang salita. Huwag ninyo silang gayahin, sapagkat bago pa man kayo himingi ay alam na ng inyong Ama kung ano ang inyong kailangan.’’




Nangangahulugan ba ito na ipinagbabawal na ni cristo  ang paulit-ulit na panalangin? Hindi po.. Bagkus ipinag- uutos pa nga ni Cristo na manalangin sa lahat ng oras, o maging mapanalanginin. Anung uri ng panalangin na paulit-ulit ang ipinagbabawal ni Cristo? Ayon sa nasabing talata ang paulit ulit na panalangin sa pamamagitan ng  maraming salita! Samakatuwid ang inuulit sa panalangin ay yaon maraming salita. Sa madaling sabi, ito yung mga  panalangin na kinakabisado at inuulit ng maraming beses! Iyan ang panalanging ipinagbabawal ni Cristo…Ang  panalanging itinuturo ng biblia ay ang panalanging nagmumula sa ating mga puso at hindi bunga lamang ng  pagkakabisado o paulit-ulit na panalangin!.


Bukod sa maling gawing paulit-ulit ang dasal, wala ring mababasa sa Biblia na si Maria ay ginawa ng Dios na tagapamagitan. Hindi rin itinuturo ng Biblia na siya ay dapat dalanginan. Iisa lamang ang Tagapamagitan ng tao sa Dios na ipinag-uutos na dalanginan—ang Panginoong Jesucristo.



1 Timoteo 2:5
" Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus, "


Filipos 2:10
" Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa,"


Hebreo 4:16
" Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan."




Gayun din, ang panalangin ng mga katoliko kay Maria ng 150 ulit ay nangangahulugan ng 150 ulit na pakikipag usap at pagdalangin sa isang taong malaon nang patay. Ito ay malinaw na labag sa utos ng Dios.



Deutronomio 18:10-11
" At ako'y nalabi sa bundok, gaya ng una, na apat na pung araw at apat na pung gabi; at ako'y dininig din noon ng Panginoon; hindi ka lilipulin ng Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa akin, Tumindig ka, lumakad ka na manguna sa bayan; at sila'y papasok at kanilang aariin ang lupain, na aking isinumpa sa kanilang mga magulang upang ibigay sa kanila."



Dahil sa mga katotohanang ito. Hindi mapasususbalian na ang rosaryo ng Iglesia Katolika ay hindi batay sa mga aral  ng Biblia. Dapat na malamn na ang panalangin sa rosaryo  ay tahasang pagsalansang sa utos ng Dios at ng  Panginoong Jesucristo.





Pasugo Issue: June 2002
Volume 54, Number 6
ISSN number: 0116-1636, Page 13-15

Walang komento: