Hindi kaila sa maraming tao, lalong lalo na sa panig ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, na sa kabila ng patuloy na paglaganap ng kahirapan sa buhay at pamumuhay ng tao sa kasalukuyang panahon ay patuloy namang sinisikap ng pamamahala sa loob ng Iglesia Ni Cristo na ang mga lokal ng Iglesia na wala pang kapilya o gusaling sambahan ay maipagpatayo nito at ng mga mayroon na subalit may mga kasiraang dapat ayusin ay maisaayos kaagad. Sa ganitong gawain at kilusan ng Iglesia ay may mga nagtataka. Kaya sa artikulong ito ay tatalakayin natin ang mahalagang dahilan kung bakit sinisikap ng Iglesia, na maipaayos ang lahat ng mga gusaling sambahan nito.
ANG KASALANAN NG ISRAEL
Pinatutunayan ng Banal na kasulatan na isang malaking kasalanan na pabayaan ang gusaling sambahan:
2 Cronica 29:6
" Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod. "
Tinalikuran ng mga Israelita noon ang tahanan ng Panginoon. Ang tahanang tinutukoy ay ang bahay dalanginan o gusaling sambahan (Isa. 56:7)
Ang ginawa nilang ito ay isang uri ng pagsalangsang na napakasama sa paninging ng Panginoong Diyos. Paano ba tinalikuran ng mga Israelita ang tahanan ng Panginoon?
2 Cronica 29:6-7
" Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.
Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsipagsunog ng kamangyan ni nagsipaghandog man ng mga handog na susunugin sa dakong banal sa Dios ng Israel. "
Ang sabi sa talata, isinara ng mga Israelita ang mga pinto ng portiko, pinatay ang mga ilawan, at hindi na nagsipagsunog ng kamanyang ni nagsipaghandng man. Sa madaling salita hindi na sila nagsagawa ng pagsamba sa loob ng bahay ng Panginoon. Nahayag ang matindig galit ng Diyos sa mga taong nagpapabaya sa Kaniyang tahanan nang parusahan Niya sila :
" Ang mga pintuan sa portiko'y ipininid nila. at hindi na nagsunog ng kamanyang.Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dambana ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Iyan ang ikinagalit ni Yahweh sa Juda at Jerusalem. At gaya ng inyong nasaksihan, nakahihiya, nakapangingilabot at kahambal-hambal ang kanilang kinasapitan. Kaya naman nangasawi sa patalim ang ating mga magulang at ang ating mga anak at asawa ay nabihag ng mga kaaway " (II Cron. 29:7-9, MBB)
Papaano pa pinabayaan ng mga Israelita noon ang gusaling sambahan o bahay ng Panginoon? Pinabayaan nilang wasak ang bahay ng Panginoon :
Hagai 1:9-11
" Kayo'y nangaghintay ng marami, at, narito, ang dumating ay kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa ang aking bahay ay nahahandusay na wasak, samantalang tumatakbo bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang sariling bahay.
Kaya't dahil sa inyo, pinipigil ng langit ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang kaniyang bunga.
At ako'y nagpasapit ng pagkatuyo sa lupa, at sa mga bundok, at sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa sumisibol sa lupa, at sa mga tao, at sa baka, at sa lahat ng pinagpagalan ng mga kamay. "
Sinumpa ng Diyos ang Israel dahil sa pinabayaan nilang wasak ang kaniyang templo. Kaya kahit maghangad sila ng masaganang ani ay kakaunti ang kanilang nakamtan at nang iuwi nila ay isinambulat pa ng Diyos. At kahit na kumikita pa sila ay parang nahuhulog sa buslong butas :
" Marami ang inyong inihahasik ngunit kakaunti ang inaani. Kumakain nga kayo ngunit hindi nabubusog. Umiinom kayo ngunit hindi nasisiyahan. Kumikita nga ang mga manggagawa ngunit ang kita nila'y parang nahuhulog sa bulong butas. May mga damit nga kayo ngunit hindi makaalis ng ginaw ". (Hagai 1:6, Ibid.)
Sa kabila ng mga nararanasang ito ng Israel ano ang ipinagawa ng Diyos sa kanila para mawala ang sumpa sa kanilang buhay at pamumuhay ?
" Kumuha kayo ng kahoy sa bundok. Gawin ninyo uli ang templo at doon ko ihahayag ang aking kaningningan. Sa gayon, ako'y masisiyahan ". (Hagai 1:8, Ibid.)
Inutusan sila ng Diyos na itayong muli ang templo. Sapagkat nasisiyahan o nalulugod ang Diyos kapag naitayong muli o naisasaayos ang templo at gaya ng sabi Niya,
". . . doon ko ihahayag ang Aking kaningningan. Sa gayon, Ako'y masisiyahan ".
IPINAAYOS ANG BAHAY NG DIYOS
Upang maipaayos ang templo ng Diyos, paano ito pinagtalagahan ng mga lingkod ng Diyos? Nagtipon sila ng salapi na sagana :
2 Cronica 24:5, 11
" At kaniyang pinisan ang mga saserdote at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, Magsilabas kayo hanggang sa mga bayan ng Juda, at magtipon kayo sa buong Israel ng salapi upang husayin ang bahay ng inyong Dios sa taontaon, at sikapin ninyo na inyong madaliin ang bagay. Gayon ma'y hindi minadali ng mga Levita.
At nagkagayon, nang dalhin ang kaban sa kawanihan ng hari, sa pamamagitan ng kamay ng mga Levita, at nang kanilang makita na maraming salapi, na ang kalihim ng hari at ang pinuno ng pangulong saserdote ay naparoon at inalisan ng laman ang kaban, at kinuha, at dinala uli sa dakong kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginawa araw-araw, at nagtipon ng salapi na sagana. "
Ginugol nila ang mga salaping natipon sa pagpapagawa ng templo sa paraang umupa sila ng mga kartero, karpintero at panday na magkukumpuni ng mga kasiraan sa sambahan. Kaya ang isinasagawa ng Iglesia Ni Cristo sa kasalukuyang panahon ay hindi isang bagong bagaya. An. pagpapatayo at pagsasaayos ng mga gusaling sambahan ay kalooban o utos ng Diyos. Ipinagpapatuloy ng Iglesia Ni Cristo ang gawain ito.
ANG TAGUBILIN UKOL SA PAGSAMBA
Sapat na bang nakapagtayo ng gusaling sambahan o naisaayos ito kung may kasiraan? Itinagubilin ng buong higpit ng mga apostol sa mga unang Cristiano na huwag pabayaan ang pagkakatipon :
Hebreo 10:25
" Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw ".
Mahigpit na itinagubilin na huwag pababayaan ang mga pagkakatipon o pagsamba sapagkat napakabigat na kasalanan ang magagawa ng sinomang magpapabaya. Parusa sa Araw ng Paghuhukom ang naghihintay sa mga nagpapabaya sa pagsamba :
Hebreo 10:26-27 MBB
" Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! "
Mabigat ang parusang inilaan ng Diyos sa sinumang magpapabaya sa pagsamba sapagkat mabigat na kasalanan sa paningin Niya ang hindi pagtatalaga sa mga pagsamba. Bakit itinuturing ng Diyos na mabigat na kasalanan ang pagpapabaya sa pagsamba at sa gusaling sambahan? Sapagkat ang katumbas ng pagpapabaya ay pagtalikod o pag-urong at ang sinomang umurong ay nagbabalik sa kapahamakan :
Hebreo 10:36-39
" Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.
Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.
Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.
Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa ".
Ang umuurong ay nagtatakuwil sa Panginoon. Ito ay napakalaking kalapastanganan laban sa Kaniya at nagbabala Siya na iuunat Niya ang Kaniyang kamay laban sa kanila :
Jeremias 15:6
" Iyong itinakuwil ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay umurong: kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinatay kita; ako'y dala na ng pagsisisi ".
Kaya hindi pinababayaan ng mga Iglesia Ni Cristo ang pagsamba sa Diyos na isinagawa sa gusaling sambahan upang hindi sapitin ang parusa ng Diyos. Anu-ano ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa mga magtatalaga sa pagsamba? Sila'y giginhawa na parang puno ng palma at matatag sa bahay ng Panginoon :
Awit 92:12-14
" Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma. Siya'y tutubo na parang cedro sa Libano.
Sila'y nangatatag sa bahay ng Panginoon; sila'y giginhawa sa mga looban ng aming Dios.
Sila'y mangagbubunga sa katandaan; sila'y mapupuspos ng katas at kasariwaan. "
Samantala, ang masama at pabaya sa pagsamba at sa tahanan ng Diyos ay parang ipa na itataboy ng hangin at hindi makakatayo sa paghatol :
Awit 1:4-6
" Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.
Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak ".
Samakatuwid, walang dahilan upang itigil ang pagtatayo ng mga gusaling sambahan at lalong walang dahilan para tumigil ang mga Iglesia Ni Cristo sa pagtatalaga sa pagdalo sa mga pagsamba o pagkakatipon sapagkat ito ang magiging susi ng pagtatamo ng katatagan at kapayapaan sa buhay na ito at higit sa lahat ng biyayaeg kaligtasan pagdating ng Araw ng paghuhukom.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento