Bagaman patuloy ang kasamaan sa mundo ay nagsisikap ang maraming tao na makagawa ng mabuti at ng kabanalan. May iba't ibang palagay ukol sa kabanalan. May nag-aakala na kapag gumawa ang tao, iniisip niyang mabuti o kaya'y nagkawanggawa ay nagawa na niya ang kabanalan na hinahanap sa kaniya ng Diyos. Para naman sa iba, anumang relihiyon o iglesia at anumang rituwal nito ay katanggap tanggap sa Diyos at ikakabanal. Ngunit, ang dapat sangguniin ng tao ay ang Diyos sapagkat Siya ang tanging makapagtuturo kung papaano mababanal ang tao sa Kaniyang paningin.
BAKIT MAHALAGA ANG MABANAL?
Roma 3:10-12
" Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios;
Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa "
Ayun sa Biblia, lahat ng tao ay nagkasala (Roma 3:23) maliban sa Panginoong Jesucristo (1ped. 2:21-22). na tinatawag ng Biblia na "Banal ng Dios" (Juan 6:69)
Ang panginoong Jesucristo ay banal sapagkat Siya ay pinabanal ng Diyos o ng Ama (Juan 10:36).
Sa panig ng taong nagkasala, kung siya ba ay gumawa para sa kaniyang sarili ng mga gawang inaakala niyang matuwid o banal ay mababanal na kaya siya? Ganito ang sagot ng Biblia :
Tito 3:5
" Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo. "
Hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran o "KABANALAN" na ginagawa ng tao sa ganang kanyang sarili ay siya'y tunay na ngang mababanal at maliligtas dahil walang kakayahan ang tao na baguhin ang sarili niya :
Jeremias 13:23 MBB
"Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan."
Kahit anong gawin ng Tao ay siya'y duming di hamak dahil sa kaniyang mga kasalanan (Isa.64:6, Ibid.).
Ang lalo pang mabigat, ang tao'y nakatakdang mamatay dahil sa kaniyang mga kasalanan ayon sa pahayag ng Panginoog Jesucristo :
Juan 8:24
" Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan " .
Kamatayan ang itinakdang kabayaran ng kasalanan :
Roma 6:23
" Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin "
Ngunit bukod sa kamatayan na pagkalagot ng hininga, may isa pang kamatayan na kahustuhang bayad sa kasalanan--ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy( Apoc. 21:8). Ito ang kaparusahang haharapin ng lahat ng nagkasalata--pahihirapan sa Apoy at asupre araw at gabi magpakailan-kailanman (Apoc. 14:10-11) .
ANG TANGING MAKALILINIS SA KASALANAN
Ano ang nalalabing pag-asa ng tao upang siya ay mapatawad at maligtas? Ano lamang ang itinalaga ng Diyos na lilinis sa kasalanan upang ang tao'y ariing banal? Ganito ang itinuturo ng Biblia :
Hebreo 9:14, 22
" Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay?
At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran ".
Ang dugo lamang ng Panginoong Jesucristo ang itinalaga ng Diyos na lilinis sa mga gawang patay o kasalanan upang ang tao'y ariing-ganap o mabanal(Cor. 6:11) at makapaglingkod sa Diyos na buhay o sa tunay na Diyos. Maliban dito ay walang kapatawaran. Kaya, hindi matutubos ang tao sa kaniyang PAGPEPENITENSIYA,PAGKUKUMPISAL sa pari, PAGDARASAL SA HARAP NG LARAWAN, at iba pang inaakala niyang mga gawang makababanal.
Paano makikilala ang mga taong nalinis sa kasalanan at inaring-ganap sa pamamagitan ng dugo ni Cristo? Ayon sa biblia, ang tinubos ng dugo ni Cristo ang inaring-ganap o banal :
Roma 3:24-25
" Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:
Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios "
Papaano matutubos ang tao sa kaniyang kasalanan upang siya'y ariing banal? Ang Iglesia Ni Cristo ang tinubos ni Cristo :
Gawa 20:28
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng
Espiritu Santo upang maging mga katiwala, upang pakanin ang IGLESIA NI CRISTO na binili niya ng kaniyang dugo.”(Lamsa Translation)
Samakatuwid nasa Iglesia ni Cristo ang mga inaring banal at nagkaroon ng karapatang maglingkod sa tunay na Diyos sapagkat sila ang nasaklaw ng pagtubos ni Cristo.
ANG HIWALAY KAY CRISTO
Dahil dito, may magagawa bang kabanalan ang tao kung siya ay hiwalay kay Cristo? Itinuro ng Panginoong Jesucristo :
Juan 15:5,4
" Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. "
" Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin. "
Ang mga hiwalay kay Cristo ay hindi makapagbubunga katulad ng Sanga na hiwalay sa puno. Ang bungang tinutukoy ay ang bunga ng kabanalan :
Filipos 1:11
" Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito'y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios ".
Hindi magagawa ng tao na magbunga ng kabanalan kung hiwalay siya kay Cristo. Hindi rin nangangahulugan na sapat nang tanggapin si Cristo sa kaniyang puso o kaya'y magpakita ng debosyon sa kanyang relihiyon upang maging kay Cristo at mabanal sapagkat ayon sa Biblia, nasa Iglesia ang mga pinapaging banal sa pamamagitan ni Cristo :
"Sa iglesiya sa Corinto,alalaon baga'y sa mga binanal dahil sa pakikipag-isa kay Cristo Jesus,kasama ng mga hinirang ng Dios sa lahat ng mga dako na tumatawag sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon nating lahat " (1 Cor.1:2,NPV)
Dahil dito, ipinag-utms ng Panginoong Jesucristo :
Juan 10:9
" Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan. "
Ang mga taong pumasok kay Cristo ay ang mga sangkap o miyembro na sama-sama sa isa't-isa sa iisang katawan na kay Cristo--ang IGLESIA NI CRISTO; Sila'y hindi sekta-sekta o nasa iba't ibang relihiyon. (Roma 12:4-5 ; Icor. 12:27; Col. 1:18; Rom.16:16).
Kaya tiyak na ang mga sanga ng puno na si Cristo ay ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Nasa Iglesia Ni Cristo rin ang makapagtuturo ng ikababanal--ang Pamamahalang inilagay ng Diyos. Ganito ang patotoo ni Apostol Pablo :
Colosas 1:24-25, 28
" Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia "
" Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios "
" Na siya naming inihahayag, na pinaaalalahanan ang bawa't tao at tinuturuan ang bawa't tao, sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang bawa't tao "
Ang mga salita ng Diyos ang ikababanal kung tatalimahin (Juan 17:17 ; 15:3 ; I Ped. 1:22) .
Kaya napakahalagang matiyak ng tao kung siya'y nasa tunay na Iglesia Ni Cristo, at kung tunay na mga salita ng Diyos ang kanyang sinasampalatayanan. Sa ganito, ayon sa panukala ng Diyos, magagawa niya ang kabutihan o kabanalan na manghahatid sa kaniya sa Diyos at sa kaligtasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento