Lunes, Hunyo 9, 2014

Galacia 1:11-12 Dios ba si Cristo?




Mula sa talata ng Galacia 1:11-12, ay kadalasan nang ginamit ng mga naniniwala na Dios ang katangian ni Cristo at hindi tao. May mababasa kasi mula sa mga talata na ang tinanggap na aral ay hindi mula sa Tao. Paano nila ito inunawa? Ating sipiin ang nilalaman nito :



Galacia 1:11-12
" Sapagka't aking ipinatatalastas sa inyo, mga kapatid, tungkol sa evangelio na aking ipinangaral, na ito'y hindi AYON SA TAO. "
" Sapagka't hindi ko tinanggap ITO SA TAO, ni itinuro man sa akin, kundi aking tinanggap sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo. "



Kung gagamitin lamang agad ang pansariling unawa, ay tiyak mahuhulog talaga ang ilan sa maling pagtuturo. Sapagkat nakasulat raw " HINDI TINANGGAP SA TAO, KUNDI SA PAMAMAGITAN NI CRISTO" .


Mula po sa talata na binanggit, ito ay tungkol sa "EBANGHELYO O SALITA" Kung saan ipinangaral ng Apostol Pablo. At ang sabi'y SA PAMAMAGITAN NI CRISTO.


Ngayun, Ang aral ba at turo ni Cristo na kanilang tinanggap, kangino po ba ito galing? Ganito po ang paglilinaw :



Juan 7:16
" Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. "



Malinaw po, na ang aral o turo ni Cristo ay mula roon sa nagsugo sa Kanya. .Anu po ba ang katumbas nito?




Juan 8:40
" Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng KATOTOHANAN, na aking NARINIG sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham. "



Kaya po pala ang aral at turo ni Cristo ay hindi mula sa kanya sapagkat ito'y mula sa nagsugo sa kanya na ito ang kanyang NARINIG na siyang katotohanan. Ano po ba itong KATOTOHANAN na kanyang narinig mula sa Diyos?




Juan 17:17
" Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan. "



Ang KATOTOHANAN ,ito po ang mga SALITA ng Diyos. Samakatuwid, ang SALITA na natanggap ng mga Apostol mula kay Cristo, ito'y hindi sa Kaniya kundi doon sa Diyos na nagsugo sa Kaniya. Dito pa lang, ay tiyak na tiyak na kung bakit hindi sa TAO tinanggap. Sino po ba itong Diyos na kung saan KINARINGGAN at pinanggalingan ng mga SALITA na itinuro ni Cristo na hindi sa Kaniya?



Juan 14:24
" Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin. "



Samakatuwid, ang Diyos kung saan Narinig ni Cristo ang Salita na kaniyang ituro na ito'y hindi sa kanya, ito'y walang iba kundi ang AMA. Na ang sabi mula sa Gal.1:12 ay sa "PAMAMAGITAN "ni Cristo.


Ngayun, ayun rin sa turo ni Apostol pablo, totoo bang sa PAMAMAGITAN ni Cristo makakarating ang katotohanan Mula sa Diyos, patungo sa mga tao?
At itinuro din ba na ang Diyos na yun ang iisang Diyos? Ganito ang pagtuturo ng Apostol Pablo :



1 Timoteo 2:5

"Sapagkat iisa ang Diyos, at tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos. " (MBB)



Kung gayon, Ito'y ang "Ama" na Siyang IISANG DIYOS kung saan sa kanya nanggaling ang aral o turo ni Cristo na bilang Tagapamagitan ay makakarating ang Aral patungo sa mga tao sa pagsusugo at pangangaral ng mga Apostol. hindi po pala maaaring magkasalungat ang pahayag sa Galacia 1:11-12, Sapagkat binanggit ,na si Cristo ay TAO bilang isang tagapamagitan upang sa pamamagitan Niya ay matanggap ang SALITA mula sa IISANG DIYOS na ayun sa Juan 14:24 ay ay walang iba kundi ang AMA.


Mapapatunayan rin ba mula sa iba pang talata ng Biblia na ang ibinigay ni Cristo sa mga Apostol na SALITA ay totong hindi sa kanya? Narito :


Juan 17:14, 18
" Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.
Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan. "




Ang sabi po ni Cristo :


"Ibinigay ko sa kanilang ang IYONG SALITA"


Nagpapatunay na talagang ang kanyang turo sa mga Apostol ay totoong hindi mula sa Kanya, kundi mula sa Iisang Diyos na walang iba kundi ang Ama. Mahalagang malaman ang katotohanan at na hindi mula sa maling turo at sariling pang-unawa. Napakahalaga ang ukol sa Bagay na ito, sapagkat ang pagkilala at pagsunod sa tunay na Diyos katumbas ng pagtanggap ng BUHAY NA WALANG HANGGAN :



Juan 17:1, 3

" Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; parangalan mo na ang iyong Anak upang maparangalan ka niya. Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo." (MBB)


Kausap po ng Panginoong Jesucristo ang Ama sa pagkakataong yan. Kaya po, ang ikapagtatamo ng buhay na walang ay ang pagkilala sa tunay na aral. na Gaya ng pagkilala ayun sa talata :


1. Ang makilala ang AMA na Iisa at tunay na Diyos

2. Ang makilala si Cristo na isinugo ng AMA na Siyang tunay na Diyos.



Kaya, Sana'y sa mga nagsusuri, at patuloy pa na nagsusuri. Buksan niyu po ang puso at isipan sa katotohan na ito ang ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan. Kaya, ang Iglesia Ni Cristo ay walang sawang nanghihikayat at nang-aakit ng maraming tao upang malaman ang katotohanan na dapat sampalatayanan, Sapagkat gaya ng sabi ng Biblia, ito po ay mahalaga sa ikapagtatamo ng BUHAY NA WALANG HANGGAN.



Walang komento: