Lunes, Hunyo 16, 2014

Apocalipsis 4:11 Si Cristo ba ang Dios?





Ang patuloy na pangangaral ng mga bulaang tagapangaral ay ang pagligaw sa maraming isipan at panananampalataya ng tao. Ang iilang talata na naman ay kanilang minamali sa pag-intindi upang madaya ang ilan sa maling aral lalo na sa pagka Diyos umano ng Panginoong Jesucristo. Isa na naman sa talata ang kanilang ginamit na nakasulat sa Apocalipsis 4:11. Ganito po ang nakasulat :



Apoc. 4:11
" Marapat ka, Oh Panginoon namin at Dios namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng kapurihan at ng kapangyarihan: sapagka't nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw, at nangalikha. "


ang kanila lamang tiningnan rito ay ang bahagi lamang na "Tumanggap". Malinaw raw na ang Dios ay may tinanggap, gaya ng kapangyarihan,kaluwalhatian at kapurihan. Si Cristo raw talaga ito. Paano nila iniiugnay? Narito :



Apoc. 5:12
" Na nangagsasabi ng malakas na tinig, Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala. "



Malinaw raw na si Cristo yung tinutukoy na Dios na tumanggap. Kita po ninyo kung paano makapanlinlang ang mga bulaang tagapangaral para lamang pangatwiran na Dios si Cristo, iniugnay ang dalawang talata.


Subalit, may dapat tayong mapansin. Ang kanila lamang tinindigan ay si Cristo ito, paano na ang mga naniniwala sa trinity, at naniniwala sa pagka Dios rin ng Ama, itsapuwera nalang rin pala sa kanila sapagkat talagang si Cristo nga raw yung tinutukoy sa Apoc. 4:11. Kita nyu ang kapalpakan ng aral nila. Ngunit, dahil sa ating pagnanais na malinawan ang maraming nagsusuri, ay atin itong lilinawin kung sino ba talaga ang Dios na tinutukoy sa nasabing talata.


Ayun sa nakasulat sa Apoc.4:11. Binanggit po na "NILIKHA MO ANG LAHAT NG BAGAY". Dito palang malinaw na talagang isa lang ang tinutukoy na lumikha sa pagkasabing "NILIKHA MO". . Siya lamang ang lumikha ng LAHAT NG BAGAY ayun sa talata. Ating tiyakin kung talagang sino ito. Ganito po ang paglilinaw :



Nehemias 9:6
" Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang; ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na nangaroon, ng mga dagat at ng lahat na nangaroon, at iyong pinamalaging lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo. "




Ang sabi ng Biblia, "Ikaw lamang ang Panginoon". Samakatuwid, tumutukoy lamang ito sa isang panginoon na kung saan Siya lamang ang lumikha ng lahat ng bagay. Ito ay walang iba kundi ang AMA :




Malakias 2:10
" Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? " [MBB]



Ang iisang Panginoon na lumikha ay ang Ama, Siya ang iisang Dios na lumikha. Ganito rin ang patotoo ng ibang talata :


Isaias 64:8
" Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. "


Samakatuwid. Ang gumawa ng lahat na iisang Dios ay walang iba kundi ang AMA. Siya ang totoo binanggit at tinutukoy ayun sa talata ng APOC.4:11 kung saan pinagkamalan ng mga bulaang tagapangaral na si Cristo raw umano ang tinukoy sa talatang yan. At ang tinutukoy na Cordero ayun sa APOC. 5:12 ay ito si Cristo :



Juan 1:29
" Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan! "


Siya ang Cordero ng Dios, at hindi ang "Cordero na Dios".


Ang Iglesia ni Cristo po ay sumasang-ayon na ang Panginoon Jesucristo ay binigyan ng kapamahalaan at kapangyarihan sapagkat ito ay totoong nakasulat sa Biblia (Mat.28:18; Efe.1:20-22). At ang nagkaloob sa Kaniya ay ang tunay na Dios. Subalit, ang Anak(Cristo) rin ay isusuko ang lahat doon sa nagkaloob at nagbigay sa Kaniya na walang iba kundi ang Dios (1Cor.15:26-28).


At ang totoo at tunay na Dios, makapangyarihan sa lahat(Gen.17:1) kaya totoo walang nagbigay sapagkat Siya na bago paman ang lahat (Awit 90:2),at walang Dios sa kanya na gumawa at yumari (Deut.32:39).


Ngayun. Bakit po ang sinabi ng parehong talata ng Apoc.4:11 ; 5:12 ay may binangit na ibinigay ang kapurihan,kapangyarihan,kaluwalhatian.? Ito po ay hindi tumutukoy na gaya ng pagbibigay ng Diyos ng diriktang pagkakaloob sa kaninumang pinagkalooban, kundi ito ay pagbabalik lamang ng kapurihan. .Na gaya ng pananalangin kung saan pagbibigay ng pagpupuri. At hindi sa pagkaloob ng Mismong kapangyarihan. At ito ay mababasa sa mga kasunod na talata :




Apoc. 5:13
" At ang bawa't bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man. "



Apoc. 1:6
" At ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa kaniyang Dios at Ama; sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan kailan man. Siya nawa. "



At kung babalikan ang Talata na ating pinag-aral ay ganito ang ating matutunghayan :


Apoc. 4:11
“Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nilalang mo at pinapanatili.” [MBB]



Apoc. 5:13
" At narinig kong umaawit ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,

“Ibigay sa nakaupo sa trono, at sa Kordero, ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, magpakailanman!” [MBB]


Tandaan po nating lahat, kahit kaylan ay hindi inangkin ni Cristo na Siya ang ating kikilalanin na Dios,bagkus pinabatid at pinakilala pa Niya bago Siya pumaroon sa langit upang makapiling ang Dios na dapat na ating kikilalanin. Ganito ang Kaniyang sinabi :


Juan 20:17
" Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS. "


Ang sinabi po ni Cristo INYONG DIOS. . Ito ang Dios na kikilalanin ng Kaniyang mga alagad. .Kung saan Siya ang Dios na kinikilala ni Cristo. Napakalinaw po ng pahayag ni Cristo. Mahalaga na malaman ng tao na ang AMA lamang ang tunay at iisa na Dios sapagkat, ito ito ay sa ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan :



Juan 17:3
" Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo." [MBB]



Kausap po ni Cristo ang Ama sa pagkakataong iyan, at kanyang ipinahayag ang tunay na kahalagan ang pagkilala sa tunay na Dios. Sapagkat, ito ang ikapagtatamo ng tunay na buhay.


Sana ay naging Malinaw po sa lahat, sa mga nagsusuri at patuloy na nagsusuri.

Walang komento: