Ang pagiging Iglesia Ni Cristo, ay susi at daanan lamang sa pagtahak patungo sa pagkamit ng tunay na Pangako ng Dios. Nais ng Dios, na maisip at mapahalagahan ng Tao ang Kanyang Buhay hindi sa materyal na Buhay na ito, kundi sa pakinabang na maibibigay ng Dios kung tunay at lubos na maisasagawa ng tao ang kalooban ng Niya.
Ang Pamilya, dito unang nagsisimula at nabubuo ang mga pangarap at mithiin. Mula sa mga magulang hanggang sa pinakabunso ay laging inaasam-asam na magkaroon ng katiwasayan at kapanatagan sa kanilang buhay. Kaya naman, lubos nilang pinaghahandaan ang kanilang kinabukasan na maipunla ng maayos at matatag.
Kasama at kaakibat ng bawat tao, lalo sa mga kaanib sa tunay na Iglesia ang makasagupa ng suliranin na minsa'y nakakabagabag sa buong sambahayan. Subalit hindi nalilimotan ang katangiang dala-dala at inaasahan na makita sa bawat isa na gaya ng sinabi:
2 Pedro 3:14 " Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na WALANG DUNGIS AT WALANG KAPINTASAN sa paningin niya. "
Ganito lagi ang inaasahan sa paningin ng Panginoon doon sa Kaniyang mga hinirang habang hinihintay ang napakalapit ng matamo na kaligtasan. Walang nakakaalam kung alin ang mauuna, pagkalagot man ng hininga at may mauuna mang kasama sa sambahayan na papanaw o ang muling pagparito ng Panginoon, PANATAG ang loob sapagkat may pangako ang Panginoon sa mga hinirang Niya:
Awit 49:10,12,15, MB
" Ang lahat ay mamamatay ... Dumakila man ang tao, di niya maiiwasan, Tulad din ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay ... Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan, Aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan."
Lahat ay nakatakda sa kamatayan(pagkalagot ng hininga) subalit hindi pababayaan ng Dios ang mga sa Kaniya at aagawin sa kamay ng Kamatayan(dagat-dagatang apoy).
Kaya, ang mga kaanib sa loob ng Iglesia Ni Cristo ay walang sawang pinapaalalahanan ng Pamamahala at halos walang pahinga upang lalong masinop at madala sa mataas na uri ng paglilingkod at maiharap ng walang dungis sa muling pagparito ng Panginoong Jesus. Laging inihahabilin ng Pamamahala mula sa turo ng Banal na Kasulatan na iudyok ang pananaw ng buong sambahayan gaya halimbawa ng sumusunod:
1. LAGING MANALANGIN at LAGING ISAGAWA ANG PAGPAPANATA sa sambahayan at sariling panata.
2. Makiisa ag lumahok sa gawain na inilunsad ng Pamamahala
3. Igayak ang sarili at buong sambahayan sa lubusang PAGBABAGONG BUHAY.
4. tibayin ang Pananampalataya, pagibig at pagasa
5. At isapusong lagi ang mga utos ng Dios.
Pinapangunahan ng Pamamahala ang bawat kaanib ukol sa mga bagay na ito upang hindi matangay sa pain at layunin ng diablo. Sapagkat gaya ng sabi walang nakakaalam sa sasapitin ang tao:
Jer. 10:23, MB
" Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay; at walang makakatiyak ng kanyang sasapitin. "
Wala ring sapat nakaalaman at kakayahan ang tao upang maiseguro ang kaligtasan ng kaniyang buhay. Napakaikli at may hangganan ang kaniyang natatanaw, na maaaring sa kaniyang panukat ay tama ngunit magbubunga pala ng kaniyang kasawian at kapahamakan [ Kaw. 14:12, MB].
Ganito ka positibo at pagsisikap nila na higit na mapangunahan ang buong kaanib at sambahayan sa loob ng Iglesia, upang laging maingatan ang kahalalan at makapanatiling hanggang sa sapitin ang BAYANG BANAL na pangako't laan sa mga tunay na mananampalataya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento