Sabado, Mayo 23, 2015

Sagot sa mga Kumakalaban sa Pamamahala: Ukol sa Coffee Table Books

“The Story of the Coffee Table Book”?

SAGOT SA MGA “NAGSASALITA NG MASAMA” LABAN SA PAMAMAHALA NG IGLESIA:

“MAY KATIWALIAN NGA BA SA COFFEE TABLE BOOKS?”



Ukol sa pagsisiwalat ng katotohanan, ang sabi ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang Kapatid na Felix Y. Manalo:

“…Kung hahalungkatin ninyo – Hindi ugali sa akin na ang mali ng isang tao ay ibunyag ko. Iyan ang ayaw ko. Bakit? Magkakasala ako noon. Hindi ko ugali iyan. Ibinubunyag ko ito (ang maling aral o itiinuro) sa kapakanan ng kaluluwa ng lahat ng tao, sa pagsunod sa Diyos – ipangaral mo ang Ebanghelyo…Ito ang aking ginagawa. PERO HALUKAYIN KO PA ANG ISANG TAONG NAGKAMALI AT SIYANG AKING IPANGARAL…IYAN AY HINDI GAWA NG ISANG MABUTING MINISTRO, NANG ISANG MABUTING TAO.” (Manalo, Felix Y., “Kung Nasaan Ngayon ang mga Patay,” Recorded Sermon, Amin ang pagbibigay-diin)

Hindi ang ibig sabihin nito ay ipagwawalang-kibo na natin ang “mali” na ginagawa ng isang tao, kundi may tamang proseso para rito. Ang maling “proseso” na binabanggit ng Sugo na ayaw niya niyan ay ang halungkatin ang “mali” ng iba at siyang ipagsigawan sa mga tao. Ang isa sa tinutukoy niya na “mali” ay ang ugaling “maghanap ng butas,” “mapanilip sa mali ng iba,” o ipinipilit na pasamain ang isang tao sa pagsisigawan ng kaniyang diumano’y “kamalian” subalit hindi naman pala kayang patunayan, kaya lumalabas na naninira lamang.

Nagtatago sina “Antonio Ebanghelista” at ang kaniyang mga kasama sa pagsasabing “mahal na mahal daw nila ang Ka Eduardo, kaya hidi raw sila lumalaban sa Pamamahala, kundi doon lamang sa katiwalian na namamayani sa Iglesia.” Subalit, hindi po ba’t ilang beses nang sinabi ng Tagapamahalang Pangkalahatan na “WALANG KATIWALIAN O CORRUPTION SA IGLESIA”? Kaya, ang patuloy nilang pagsisigawan na mayroon daw katiwalian o corruption sa Iglesia ay hayag na PAGLABAN sa Pamamahala ng Iglesia. Kaya, masasabing isang “PAGTATAGO” lamang ang pagsasabing hindi raw ang Pamamahala ang kanilang kalaban, sapagkat alam nilang hindi sila papansinin ng mga kapatid kung tuwiran nilang sasabihin na sila’y lumalaban sa Pamamahala. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pandaraya?

Isa-isa nating siyasatin ang mga sinasabi nilang “katibayan” daw na “may katiwalian” sa Iglesia (na maliwanag naman na tuwirang paglaban sa sinasabi ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na “walang katiwalian sa Iglesia”).

Isa sa sinasabing “katunayan” daw ng “katiwalian” at may paglabag daw sa tuntunin ng Iglesia lalo na ang tuntunin sa Pananalapi ay ang sinasabing “pagbebenta” ng coffee table book ng kasaysayan ni Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na Eraño G. Manalo. Alamin natin ang kanilang akusasyon ukol dito at isa-isa nating sagutin:

(1) Ipinipilit nilang sapilitan daw sa mga ministro at manggagawa ang pagbili ng coffe table book:

“Ang Coffee Table Book (FYM + EGM) ay inilunsad ng Kapatid na Glicerio B. Santos Jr. “sa atas daw ng Tagapamahalang Pangkalahatan” upang pakinabangan ng lahat ng mga kapatid na malaman ang kasaysayan ng mga unang namahala sa Iglesia. Ito ay kaniyang unang ipinakita noong nagdaang Video Conferencing ng lahat ng mga Ministro at Manggagawa at itinatagubilin na dapat ang lahat ng Lokal ay magkaroon ng File nito na kukunin sa pondo ng Lokal. Dapat ang lahat ng mga Ministro at Manggagawa at estudyante ay magkaroon din nito. Dapat lahat ng mga Maytungkulin ay magkaroon din nito. HINDI NAMAN DAW MASAMA NA ANG BAWAT KAPATID AY MAGKAROON NITO. Ang halaga po ng isang aklat ay Php 1,500 kaya ang dalawang aklat ay nagkakahalaga ng 3,000 dito sa Pilipinas subalit mas mahal pa sa abroad dahil $50 ang isa. Hindi ito maaaring bilhin ng pa-isa-isa, kailangan ay magkasama ang dalawa o isang pares lagi. Automatic bawat tulong ito linggo-linggo hanggang sa mabuo ang Php 3,000. Sa Lokal ay sisimulan na rin itong ibenta subalit sa Pamamagitan ng “Tanging Handugan”. Ipapaliwanag ko sa inyo kung paanong nililinlang nila ang Iglesia sa pamamaraang naisip na ito ng Ka Jun.”

Sapilitan nga ba sa mga ministro at manggagawa ang pagbili ng coffee table book ukol sa kasaysayan ng Kapatid na Felix Y. Manalo at Kapatid na Eraño G. Manalo?

Dito ay nakapagtataka na inaangkin ng bumabatikos na ito na siya ay isang ministro, subalit sasanihin niyang “sapilitan” ang pagbili ng coffee table book. Bakit po? Alam na alam ng lahat ng mga kapatid lalo na ng mga kamag-anak at malalapit sa mga manggagawa na ang isa sa mga itinuturing ng mga ministro at manggagawa na “malaking kayamanan” ay ang kaniyang mga aklat. Isang kultura at kalakaran sa mga ministro at manggagawa ang lubhang pagpapahalaga sa pagbili, pagkolekta at pag-iingat ng mga aklat referencia at iba’t ibang salin ng Biblia. Ganito rin ang pagpapahalaga ng mga ministro at manggagawa sa mga leksiyon, PASUGO at mga lathalain ng Iglesia.

Mayroon ngang mga estudiante pa lamang ay tinitipid na ng husto ang kaniya allowance para lamang makabili ng mga aklat referencia at iba’t ibang salin ng Biblia. Kasama talaga sa itinatabi o sa budget ng mga manggagawa at ministro ang ukol sa gugulin sa pagbili ng mga aklat referencia at iba’t ibang salin ng Biblia. Natuto ang mga ministro at manggagawa sa itinuro ni Kapatid na Eraño G. Manalo na “Ang isa sa pinaka-kayamanan ng ministro ay ang kaniyang mga aklat.”

Kung ganito ang pagpapahalaga ng mga ministro at manggagawa sa pag-iipon sa mga aklat referencia, hindi ba’t lalo nang higit na malaki ang pagpapahalaga ng mga ministro at manggagawa sa mga aklat na may kinalaman sa Ka FYM at Ka EGM? Kaya ang lahat ng tunay na ministro ay hindi pinipilit sa pagbili ngcoffee table book ukol sa Ka FYM at Ka EGM sapagkat sila mismo ang may malaking pagpapahalaga ukol dito! Walang tunay na kapatid ang tututol sa pagsasabing tiyak na malulungkot pa nga ang isang tunay na ministro kapag hindi siya nagkaroon ng sipi ng mga aklat na ito. Alam kasi ng mga tunay na ministro na hindi lamang ito isang mahalagang koleksiyon, kundi magagamit sa pagtuturo ukol kay Ka FYM at Ka EGM sa mga anak at apo, at sa mga kapatid sa pananampalataya.

Nagpapasalamat nga ang mga ministro at manggagawa sa Pamamahala dahil “bawas tulong” ito sapagkat mabigat kung babayaran ng buo sa isang pagkakataon. Sa paraang ito ay nagkaroon ang mga ministro at manggagawa ng NAPAKAHALAGANG aklat na ito sa NAPAKAGAANG paraan.

Nakapagtataka po na nag-aangkin siya (na kumakalaban sa Pamamahala na ayaw lang tuwirang aminin) na siya’y ministro na naglilingkod sa Tanggapang Pangkalahatan, subalit itinuturing niya itong sapilitan at minamasama niya ang magaang paraan ng pagbabayad nito?


(2) Ipinipilit nilang sapilitan daw sa mga kapatid ang pagbili ng coffe table book:

Ukol dito ay ganito ang kanilang akusasyon:

“Nararamdaman na ito ng Tagapangasiwa, Ministro at Manggagawang, maytungkulin at mga Kapatid na nananatiling tapat sa Diyos. Ramdam natin kung gaano kapangahas na ang Ka Jun Santos para haluan ng pagnenegosyo ang banal na Pagsamba at Handugan. Kung paanong ginagamit pa nya ang banal na kasaysayan ng Sugo at Ka Erdy para pagkakitaan ang libro ukol sa kanila at IPIPILIT ITONG IBENTA SA MGA KAPATID.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Sapilitan nga ba o ipinipilit sa mga kapatid ang pagbenta ng coffee table book? Tunghayan ninyo ang mismong sinasabi nila:

“…HINDI NAMAN DAW MASAMA NA ANG BAWAT KAPATID AY MAGKAROON NITO…”

Sila mismo ang nag-highlight nito. Ang mga salitang ito na “HINDI NAMAN MASAMA NA ANG BAWAT KAPATID AY MAGKAROON NITO” ay nangangahulugan bang sapilitan o pinipilit ang lahat na bumili? Alam nating HINDI.

Kapansin-pansin na para PALABASIN na “sapilitan” ang pagbili ng coffee table book ay may isinama silang “kopya” ng talaan ng mga kinuhang sipi sa bawat lokal sa Japan. Subalit, kung mag-iisip lamang na mabuti, ito mismo ang katunayan na hindi ITO SAPILITAN! Pansinin ninyo:

“MINISTRO 22…
“AYABE KYOTO 2…
“CHIBA 15…
“FUKUI-KEN 3…
“FUKUOKA-SHI 3…
“GIFO 10…

Hndi na natin itinuloy dahil sa hahaba tayo, ngunit mapapansin natin na kung “sapilitan o ipinipilit sa LAHAT” ay lalabas na dalawa (2) lang ang mga kapatid sa Lokal ng Ayabe Kyoto? Tatlo lang ba ang mga kapatid sa Fukui-Ken at Kukuoka-Shi? At kahit labin-lima ang nakatala sa Chiba, subalit iyon nga lang ba ang bilang ng mga kapatid dito? Sampu lang ba ang mga kapatid sa Gifo? Bagamat sa Tokyo ay 50 copies, subalit maniniwala ba kayo na gayon lang ang bilang ng mga kapatid dito o kalahati ito ng bilang ng mga kapatid doon? Ang totoo ay nakararami sa mga lokal ay mababa sa pito (7) ang kinuhang sipi, at anim na lokal ang isa lang ang kinuhang sipi! Hindi ba’t pinatutunayan lamang nito na KUSA at hindi sapilitan ang pagkuha ng sipi ng coffee table book? Dahil dito ay nagppasalamat ako sa inyo (Antonio Ebanghelista at mga kasama) sapagkat kayo pa ang nag-provide sa amin ng ebidencia na hindi nga ito sapilitan!


(3) Hinaluan daw ng negosyo ang banal na pagsamba at Handugan:

Inaangkin ng mga “Kumakalaban sa Pamamahala” na ang “coffee table book” daw ay “negosyo” kaya hinaluan daw ng negosyo ang banal na pagsamba at Handugan:

Nararamdaman na ito ng Tagapangasiwa, Ministro at Manggagawang, maytungkulin at mga Kapatid na nananatiling tapat sa Diyos. Ramdam natin kung gaano kapangahas na ang Ka Jun Santos para HALUAN NG PAGNENEGOSYO ANG BANAL NA PAGSAMBA AT HANDUGAN. Kung paanong ginagamit pa nya ang banal na kasaysayan ng Sugo at Ka Erdy para pagkakitaan ang libro ukol sa kanila at ipipilit itong ibenta sa mga kapatid.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Dalawa ang ating sasagutin dito: (a) tunay bang hinahaluan ng negosyo ang pagsamba; at (b) negosyo ba ang coffee table book.

Totoo bang hinahaluaan ng negosyo ang pagsamba dahil sa coffee table book?

Aba, kung magkagayon ay lalabas na sa panahon pa ng Kapatid na Eraño G. Manalo ay “hinahaluan ng negosyo” ang pagsamba! Tandaan na sa panahon ni Kapatid na Eraño G. Manalo, siya mismo ang nagpasiya, na ang PASUGO, HIMNARIO, at birth certificate ay sa panahon na may pagsamba ito “binabayaran.” Alam natin na HINDI ito paghahalo ng negosyo sa pagsamba sapagkat ang mga ito ay HINDI NEGOSYO.

Negosyo ba ang coffee table book?

Pagsinabing “negosyo” ay “kinokomersiyo.” Hindi kailanman “kinomersiyo” ang coffee table books na ito – hindi ito ipinagbibili kung kani-kanino at kung saan-saan. Bakit ginugugulan? Hindi sapagkat ginugugulan ay komersiyo o negosyo na, kung magkagayon ay papaano ang PASUGO, Himanario, birth-certificate? Ang “gugol” dito ay para “to compensate” sa naging gugol sa paggawa nito. Tandaan na ang negosyo ay hindi sapagkat “ginugulan” kundi may “pagpapatubo” o “profit income.” Kaya gumugol man subalit hindi naman sa layunin magpatubo kundi “to compensate” sa naging gugol sa paggawa, ay hindi maituturing na negosyo.

Siguro ang itatanong nila ay “kung hindi negosyo at hindi nagpapatubo bakit P1,500 ang halaga ng coffe table book na ito?” Nakapagtataka na nag-aangkin na siya’y ministro ngunit mukhang hindi siya nakabili ni minsan ng isang aklat o kahit isang salin ng Biblia? Ang karaniwang textbook ngayon ng isang nag-aaral sa elementary ay nasa P400-500 na. Ang Dating salin ay nagkakahalaga ng P600-700 na. Eh ang isang “coffee table book”? Kung halagang P1,500 at mas mababa pa ay higit na manipis at maliit kaysa sa coffee table book ni Ka FYM at Ka EGM, subalit kung kasukat (ka-level ika nga) sa quality at size, ganito ang halimbawa:

National Geographic Simply Beautiful Photographs, price 27.50 pounds (P2,000+)
Visions of Earth, price 25.00 pinds (P1,800+)
Celebrity Pets by Edward Quinn (teNeues), $75.00 (P3,000+)
(see Amzon books)

Kaya, HINDI NEGOSYO ang “coffee table books” na ito.


(4) May “anomalya raw ukol sa “paraan ng pagbabayad” sa coffee table books

Ukol sa “paraan ng pagbabayad” sa coffee table books ay ganito ang kanilang akusasyon:

“…Sa Lokal ay sisimulan na rin itong ibenta subalit sa Pamamagitan ng “Tanging Handugan”. IPAPALIWANAG KO SA INYO KUNG PAANONG NILILINLANG NILA ANG IGLESIA SA PAMAMARAANG NAISIP NA ITO ng Ka Jun.” (Amin ang pagbibigay-diin)

Kaya nila sinabing may panlilinlang sa “paraan ng pagbabayad” dahil AYON SA KANILA ay ganito raw ang “paraan ng pagbabayad sa lokal”:

(1) Pababayaran nila ito sa mga kapatid na ito daw ay nakasobre na pang-Tanging Handugan at ihuhulog din sa Tanging Handugan Box na parang karaniwang Tanging Handugan. (2) Ang sobre nila ay lalagyan nila ng salitang “COFFEE TABLE BOOK”(3) Pagkatapos pagdating ng bilangan, ihihiwalay ang mga sobreng ito at “ibubukod ng pagbibilang” at HINDI isasama sa talaan ng P-13 (Talaan para sa Tanging Handugan). (4) Magkakaroon ng bukod na P-13 form na pagtatalaan ng mga Tanging Handugang ito SUBALIT HINDI ITO ISASAMA sa iba pang P-13 Form AT HINDI RIN ISASAMA SA OPISYAL NA RESUMEN NG P-13 FORM, gagawa na lamang ng sariling talaan ang Lokal para sa denomination at resument para dito. (5) Ang perang malilikom na ito ay HINDI ISASAMA SA OPISYAL NA RESIBO NG P-1 o yung tinatawag na RESIBO OPISYAL SA PAGSAMBA na opisyal na pinagtatalaan ng lahat ng salaping nagugugol sa panahon ng pagsamba. (6) HINDI RIN ITO ISASAMA SA SOBRE NG IE-ENTREGO sa Tanggapan ng Central. Ito ay bukod na bibilangin at BUKOD NA SOBRE na ipapadala sa Tanggapan ng Ka Jun Santos.”

Iginigiit nila na ang “bayad” sa coffee table books ay sa Tanging Handugan ihuhulog, ngunit hindi isasama sa P-13, hindi isasama sa opisyal na resibo, kundi nakabukod na sobre at ipadadala sa tanggapan ni Ka Jun Santos.

Kaninang umaga (May 3, 2015), binanggit ko sa mga maytungkulin sa Pananalapi habang “nagbibilang” ang sinasabing ito ng grupo nila Antonio Ebanghelista na “paraan daw ng pagbabayad sa coffee table books na “ang “bayad” sa coffee table books ay sa Tanging Handugan ihuhulog, ngunit hindi isasama sa P-13, hindi isasama sa opisyal na resibo, kundi nakabukod na sobre at ipadadala sa tanggapan ni Ka Jun Santos.” Ano ang kanilang naging reaksiyon? GALIT NA GALIT. Ang sabi ng Ingat-Yaman ng lokal, “Napakasinungaling ng mga taong iyan.”

Tinanong ko kung bakit? Ang sagot nila ay ito:

Bakit inihulog sa Tanging Handugan? “Ganon po talaga ang kalakaran kapag hindi naka-indicate sa resibo opisyal, inihuhulog sa Tanging Handugan na nasa sobre ang pangalan at kaukulan. Ito po ay sa gayon ay tiyak na walang likuman na nangyari kundi kusa na sila mismo ang naghulog.”

Hindi raw po itinala sa P-13 form? “Talagang hindi po isasama dahil ang P-13 ay pondo ng lokal o pondo ng distrito. Ang gugol sa coffee table books ay hindi gayon. Kaya bakit doon itatala? Mali nga na doon itala.”

Bakit po hindi itinala sa Rcibo Opisyal bagkus ay ipinadala ng direkta sa tanggapan ni Ka Jun Santos? “Sinungaling siya!” Sabi ng Ingat-yaman. “Tayo ang may pinakamalinis at pinaka-tansparent pag ang pinag-uusapan ay pananalapi.” Dagdag pa ng ingat-yaman na napag-alaman ko na isa palang nagtatrabaho sa bangko. Ipinakita niya ang Resibo Opisyal at ang sabi niya, “Iyan po maliwanag na nakatala sa Resibo Opisyal sa bahaging “refund” na naka-indicate pa na ‘coffee table books.’ At hindi lang po iyan, nakatala pa iyan dito sa Refund slip, na nakasulat ang halaga, petsa ipinasok sa Resibo Opisyal at ang serial number ng resibo opisyal.”

Pagkatapos nito ay sama-sama na sinabi ng mga maytungulin sa pananalapi na naroon na “Wala lang alam sa tuntunin sa pananalapi” ang madadaya niya at mapapaniwala sa kasinungalingang iyan.” Dagdag ng auditor ng lokal, “Alam ninyo, hindi iyan tunay na ministro dahil kung ministro iyan ay alam niyang pumasok iyan sa resibo opisyal dahil isa siya sa lumalagda sa resibo opisyal.”

Buong pagkakaisa silang sumang-ayon na walang nalabag na tuntunin at pinatunayan nilang walang bagong bagay sa ginawang iyan dahil iyan din daw talaga ang tuntunin. Dagdag pa nila na lahat ng maytungkulin sa pananalapi ay makapagpapatotoo na WALANG TUNTUNIN SA PANANALAPI ANG NALABAG.

Pagkatapos nito ay nakadama ako ng awa sa mga “Kumakalaban sa Pamamahala.” Natakpan na ang kanilang mga mata sa katotohanan kaya ang ginagawa na lamang nila ay naghalukay ng maghalukay ng “mali” para ma-justify ang kanilang “tisod” laban sa Pamamahala. Muli ay naalala ko ang sinabi ng Sugo:

“…Kung hahalungkatin ninyo – Hindi ugali sa akin na ang mali ng isang tao ay ibunyag ko. Iyan ang ayaw ko. Bakit? Magkakasala ako noon. Hindi ko ugali iyan. Ibinubunyag ko ito (ang maling aral o itiinuro) sa kapakanan ng kaluluwa ng lahat ng tao, sa pagsunod sa Diyos – ipangaral mo ang Ebanghelyo…Ito ang aking ginagawa. PERO HALUKAYIN KO PA ANG ISANG TAONG NAGKAMALI AT SIYANG AKING IPANGARAL…IYAN AY HINDI GAWA NG ISANG MABUTING MINISTRO, NANG ISANG MABUTING TAO.” (Manalo, Felix Y., “Kung Nasaan Ngayon ang mga Patay,” Recorded Sermon, Amin ang pagbibigay-diin)

Mga kapatid, yamang tayo po ang nasa kahalalan pa kaya tayo ang may karapatang lumapit sa Ama, magkaisa po tayong idalangin sa Ama na sana’y muli nilang makita ang katotohanan at maalis na ang “tisod” sa kanilang mga puso na siyang dahilan kaya halukay sila ng halukay ng “mali” at para sa kanila ay pawang mali” na ang lahat kahit ito pala ang tama. Sana ay kaawaan ng Diyos na makapagbalik-loob sila.

PRISTINE TRUTH


Source:


http://theiglesianicristo.blogspot.com/2015/05/sagot-sa-mga-kumakalaban-sa-pamamahala.html?m=1




Walang komento: