Miyerkules, Pebrero 25, 2015

Bakit hindi humaharap sa mga debate ang PAMAMAHALA?




Matagal ng paulit-ulit na tanong ng marami, lalo na sa panig ng ADD (Ang Dating Daan). Upang kanilang maunawaan, ay bigyan po natin ng iilang tugon ukol dito. Ganito ang sabi ng maraming isip na nasa INBOX din natin:


" Bakit hindi kailan man lumaban sa debate ang Pamamahala sa Iglesia sa hamon ni Soriano na puno sa puno? bakit ang ihaharap ninyo ay mga ministro at hindi ang founder nyu !.... "


SAGOT:

Maraming beses na po nasagot ng IGLESIA NI CRISTO ang issue na ito. Inuulit po namin, HINDI po "PUNO NG IGLESIA" ang pamamahala ng Iglesia ni Cristo, kundi ang kinikilala namin ay si Cristo:


Juan 15:5" AKO ANG PUNO NG UBAS, KAYO ANG MGA SANGA: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. "

SINO RAW? Ang sabi, ang TANGING PUNO ng tunay na Iglesia ay si "CRISTO" lamang. Napakalinaw po ng PAHAYAG ng Biblia kaya pala hindi ito alam ng ating mga kaibigan sapagkat sila'y hiwalay kay Cristo at hindi sila ang mga sanga ni Cristo, ano ang sabi sa hiwalay kay Cristo?

" sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. "

Ganito pa ang ibang patotoo ng Biblia:

Hebreo 3:6 DATAPUWA'T SI CRISTO, gaya ng anak AY PUNO SA BAHAY NIYA; NA ANG BAHAY NIYA AY TAYO, kung ating ingatang matibay ang ating pagkakatiwala at pagmamapuri sa pagasa natin hanggang sa katapusan. "

Malinaw na si CRISTO lamang ang PUNO ng BAHAY, at ang BAHAY niya ay TAYO. At ang BAHAY sa kabuuan ay ito ang IGLESIA [1 Tim.3:15]. Ang mga tao na miyembro dito ay marami, at sila ay tatawagin sa isan lamang na KATAWAN [1Cot.12:27; Roma 12:5] . At siyempre ang KATAWAN ay ang Iglesia parin [Col.1:18].

Kung gayon:

● PUNO - Cristo
● MIYEMBRO/SANGA/BAHAY/KATAWAN - TAYO



Malinaw na po ngayon sa LAHAT at nauunawaan na natin na ang tunay na kinikilalang PUNO ng tunay na Iglesia ay walang iba kundi si Cristo. Kung ang ibang relihiyon na ang kanilang puno ng kanilang Iglesia gaya ng ADD na si Mr. Eli Soriano, ay patotoo lamang na maling pagkilala nila sa tunay na PUNO na walang iba kundi si Cristo.


Puntahan natin ang ukol sa pagharap ng debate. Sa totoo po nito, simula't simula ng pagsisimula ng pagbangon ng Iglesia ni Cristo noong 1914 ay nagsisimula lamang sa iisang tao, na si kapatid na Felix Manalo. Noon ay hindi pa gaanong malawak at malaki ang naaabot ng Iglesia ni Cristo, at ang Kapatid na Felix ay sumabak sa iba't ibang uri ng debate mula sa hamon ng iba't ibang relihiyon sapagkat nais nilang hadlangan ang pangangaral ng kapatid. Samakatuwid, ang pamamamahala sa pagsisimula ng Kapatid na Felix mula noong pagbangon ng Iglesia ay nakaharap na sa mga public debate, sapagkat isa sa madaling paraan noon ng pakikinig ng tao upang maikumpara ang mga aral sa iba't ibang relihiyon.


Sa patuloy na pagtatagal ng Iglesia ay mas lalong lumawak ito hanggang sa nakarating sa ibayong dagat, sa iba't ibang bansa na dati'y wala pang Iglesia ni Cristo, Kaya naman sa kapanahunan mula sa Pamamahala ng Kapatid na Erano G. Manalo ay laganap na ang Iglesia sa napakaraming bansa. Kaya naman sa patuloy na pagdami ng kaanib ay nagkaroon naman ng iba't ibang tungkulin sa loob ng Iglesia kasama na rito ang patuloy na pagdami ng mga Ministro at Manggagawa upang magkaroon ng kaagapay at katulong ang Pamamahala sa patuloy na pagsinop sa kabuuan ng Iglesia. Kaya naman natupad ang sabi sa Biblia na maglalagay ng iba't ibang tungkulin na may ibat ibang gampanin kung saan kanilang gagampanan :



Roma 12:4 Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:

Roma 12:5" Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa. "

Roma 12:6" At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya "

Roma 12:7" O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo "

Roma 12:8" O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya. "


Kaya, ang tunay na IGLESIA ay tunay at totoong isinasagawa ang lubos na kaayusan sa lahat ng panahon [1Cor. 14:40], lalo na sa mga gampanin sa loob ng Iglesia sa patuloy na paglawak nito. Kaya sa mga kabilaang hamon ukol sa "DEBATE" ay may itinalaga din naman ang Iglesia na sila ang may basbas/tungkuling haharap sa anumang hahamon sa Iglesia ukol dito.

PANGUNAHING LAYUNIN/GAWAIN NG PAMAMAHALA


Kung gayon, ano ang pangunahing gawain at layunin ng Pamamahala ? Ang layuning madala ang Iglesia sa kaniyang sakdal at nagniningning sa kaluwalhatian lalo na sa paghahanda sa araw ng muling pagparito ni Cristo. Sa patnubay at kapangyarihan ng katotohanan na nakasulat sa Biblia na ang isa sa mga PANGUNAHING DAHILAN NG PAGLALAGAY NG DIOS NG PAMAMAHALA SA IGLESIA AY PARA SA IKATITIBAY NITO [ Efeso 4:11-12; 2Cor. 10:8].


Laging walang sawa sa pagpapaalaala sa lahat ng mga kaanib sa Iglesia na habang papalapit ang dakilang araw na iyon ng ating kaligtasan, nasasaksihan nating natutupad ang ibinabala sa Banal na Kasulatan na lalong lulubha ang mga kahirapan at kasamaan sa mundo. Ito'y magiging sanhi rin ng PANLALAMIG NG PAGIBIG NG MARAMI at KAWALANG SIGLA sa paglilingkod sa Dios [Mat. 24:7,12]


Tunay nga na sa mga huling araw, ang pinakamahigpit na kalaban "ang diablo" ay gagamit ng bawat pandaraya at lahat ng masasamang kaparaanan UPANG PINSALAIN ANG PANANAMPALATAYA NG MGA TUNAY NA CRISTIANO. Alam na alam niyang kakaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kaniya upang kaniyang maisakatuparan ang pinakamapinsalang layunin "ANG MAHADLANGAN ANG MGA LINGKOD NG DIOS SA PAGTATAMO NG KALIGTASAN" [Apoc.12:12]. Upang lalong maipakita ang pagiging desperado o kawalan ng pag-asa ng ating kaaway na lalong nag uumigting sa pagsisikap na maisagawa ang kaniyang pangunahing layunin ay itinulad siya ng Biblia sa "LEONG UMUUNGAL...GUMAGALA NA HUMAHANAP NG MASISILA NIYA " [1Ped. 5:8] . Ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang alisin ang mga salita ng Dios sa puso ng mga sumasampalataya [Luc.8:12].



Dahila dito, upang mapalakas ang kakayahan ng mga kaanib sa Iglesia na maipagsanggalang ang kanilang pananampalataya laban kay satanas, ay BUONG SIGASIG AT WALANG KAPAGURANG dumadalaw sa mga lokal ng Iglesia sa BUONG MUNDO ang Tagapamahalang Pangkalahatan, at nagtuturo ng buong karunungan sa bawat isa sa pamamagitan ng leksiyong espirituwal na buong alab niyang itinuturo sa mga pagsamba. Walang tigil ang paghikayat niya sa lahat ng mga hinirang ng Dios na " MAKIPAGLABANG MASIKAP DAHIL SA PANANAMPALATAYA " [Judas 1:3], o " MAKIPAGBAKA... NG MABUTING PAKIKIPAGBAKA SA PANANAMPALATAYA " upang makapanangan sila "sa buhay na walang hanggan" [1Tim. 6:12]



Samakatuwid, ang isip at layunin nila lalo na ngayong NAPAKALAKI ng LAWAK na naabot ng Iglesia ay ang MADALA SA MATAAS na uri ang Iglesia, sa lalong ikatitibay ng PANANAMPALATAYA ng lahat ng kaanib. Kaya ang pag-iisip ng maling isipan kung bakit hindi lalaban ang Pamamahala sa debate ay mga maling paratang. Kaya nga upang matugunan ang kanilang hamon ay NAGLAGAY ang Pamamahala na tutugon doon at dala ang PANGALAN ng IGLESIA kung sakaling haharap sa anomang hamon at WALANG inuurungan ang Iglesia Ni Cristo kung sakaling may maglakas ng loob na haharap dito, sapagkat mas lalong maihahayag ng Iglesia ni Cristo sa hindi pa kaanib kung ano nga ba ang tunay na aral na dapat sampalatayanan ng tao, upang siya'y mapabilang sa tunay na ililigtas pagdating ng araw ng muling pagbalik ni Cristo.


2 komento:

Unknown ayon kay ...

Tama po

Richmondelaran ayon kay ...

Maraming Salamat po sa pagmamahal mo sa amin di nagsasawa kami patuloy pa na magabayan at iniibig mo ipinaPanalangin SALAMAT PO AMING TAGAPAMAHALANG PANGKALAHATAN