Ginagamit ito minsan ng mga SDA o Seventh Day Adventist Church na talata upang pagtakpan ang kanilang pinaniwalaang SABBATH na umanoy hindi nawala o hindi lamang raw para sa mga Israel ang utos upang tuparin ang pagsasabbath, kundi maging sa panahon raw ngayon ay ipinapatuad. Mula sa comment box ay nagpahayag ang isang kaanib ng SDA na kaniya namang natutunan raw sa SDA. Gumamit po sila ng talata. Ganito ang sabi ni Kenny Arevalo Golez:
" ano sabi sa mateo 5:17 kahit kautusan ng Dios ay hnd mawawala"
Bakit raw ipinawalang bisa ng Dios, e hindi nga naman nawawala ang utos ng Dios. Siyasatin natin ang laman ng talata na ito, at ng sa ganun ay mas lalo pang makatulong at maunawaan ng mga SDA , gaya ni Mr. Kenny. Ganito ang laman ng talata ating sipiin :
Mateo 5:17" Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. "
Malinaw nga naman na nakasulat diyan na "AKOY NAPARITO HINDI UPANG SIRAIN, KUNDI UPANG GANAPIN".
May mga dapat po tayong mapansin:
1. Si Cristo ay may KAUTUSAN NA GAGANAPIN, ang tanong ukol ba sa SABBATH IYON?
2. Hindi po sinabi na LAHAT ng kautusan ang gaganapin ni Jesus
Huwag agad magkunklusyon sapagkat may ipinahayag po si Cristo na URI NG KAUTUSAN na Kaniyang gaganapin sa kaniyang pagparito. Upang maging mas malinaw, ANONG KAUTUSAN iyon? Ganito ang Kaniyang paglilinaw:
Lucas 24:44" At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang MATUPAD ANG LAHAT NG MGA BAGAY NA NANGASUSULAT TUNGKOL SA AKIN sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit. "
Malinaw po na ang mga kautusan na tinutupad ni Cristo ay yaong mga KAUTUSAN lamang ukol sa Kaniya na ang sabi: " MATUPAD ANG LAHAT NG MGA BAGAY NA NANGASUSULAT TUNGKOL SA AKIN ". Mga bagay na PATUNGKOL at NAGING HULA sa Kaniya at hindi ang LAHAT ng kautusan. Bawat PANAHON ay may iba't ibang kautusan na doon napailalim ang tao. Kaya ang Dios ay nagsasalita sa Tatlong panahon :
Hebreo 1:1-2
" Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan "
1) PANAHON NG MGA MAGULANG o PATRIARKA(Mula sa panahon ni Eva’t Adan hanggang sa panahon ni Moises)
2) PANAHON NG MGA PROPETA o PANAHON NG BAYANG ISRAEL (Mula sa panahon ni Moises hanggang sa paglitaw ni Juan Bautista)
3) PANAHON NI CRISTO o PANAHONG
CRISTIANO (Mula sa paglitaw ni Juan Bautista hanggang sa Muling Pagparito ni Cristo sa Araw ng Paghuhukom)
Kaya, ang ginanap ni Cristo ay ang KAUTUSAN na nasa Kaniyang kapanahunan o sa panahong Cristiano. Lahat ng naabot ng panahong Cristiano ay napasailaim na sa kautusan ni Cristo:
1 Corinto 9:21" Sa mga walang kautusan, ay tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako walang kautusan sa Dios, KUNDI NASA ILALIM NG KAUTUSAN NI CRISTO, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan. "
Galacia 6:2" Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, AT TUPARIN NINYONG GAYON ANG KAUTUSAN NI CRISTO. "
Ang iniutos sa mga Cristiano ay ang matupad ang Kautusan na pinairal at ginananap ni Cristo mula sa Dios. Dito napailalim ang mga Cristiano. Bagaman may uri ng kautusan na mula rin panahon LUMANG TIPAN na patuloy na ipinapatupad sa panahon natin gaya nga HUWAG KUMAIN NG DUGO [ Gen. 9:4 ; Deut. 12:23 BMBB; Gawa 15:20, 23, 29; 21:25]. HUWAG MAGASAWA NG HINDI KAPANAMPALATAYA [Deut. 7:3-4; 2 Corinto 6:14-15]. Ang mga iyon ay mula sa lumang tipan subalit patuloy na ipinapatupad parin sa panahong Cristiano.
Kaya sa pakikipag-usap natin sa ating kaibigang si Kenny, naitanong natin sa kaniya kung may ALAM ba silang aral na mula naman sa lumang tipan na pinawalang bisa na sa panahong Cristiano, dahil ang sabi nila, hindi daw nawawala ang kautusan ng Dios ayon sa Mat.5:17. Kung gayon e talagang naninindigan silang lahat, NA LAHAT NG KAUTUSAN ay hindi nawawala mula sa lumang tipan. Wala po ba talagang kautusan na hindi nawala o pinawalang bisa? Meron po gaya ng sumusunod:
1. Mula noon ay ipinagutos sa lahat ng mga lalaki ang Pagtutuli [Levitico 12:3] subalit hindi na ipinatupad sa mga Cristiano ng mga Apostol [Mga Gawa 15:1-32].
2.Noon din ay may batas na NGIPIN sa NGIPIN at MATA sa MATA [Levitico 24:20] subalit tiniyak naman ni Cristo na hindi na ganun ang batas ngayon [Mateo 5:38-39].
3. Ang utos at Pagbabawal saPagkain ng mga Hayop na walang biyak ang Paa at hindingumunguya (Gaya ng Kamelyo at Baboy, at iba pa ) at ng mga lamang tubig na walang palikpik at walang kaliskis [Levitico 11:3-8, 10] subalit sa panahong Cristiano ay pinayagan na makain na pinakita kay Apostol Pedro [Mga Gawa 10:9-15].
4. At itong ukol sa SABBATH na ipinag-utos lamang sa mga Israelita upang ipag-alala ang pagkaalipin mula sa lupain ng egipto at silay inilabas sa pamamagitan ng makapangyariahang kamay ng Dios [ Exodo 20:8-11; Deut.5:15]. Subalit dahil sa marami parin ang nagsasabbath sa panahong Cristiano, gaya ng mga Fareseo, ay ipinayo ni Apostol Pablo na Huwag ng umayon doon:
Colosas 2:16 “Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath:”
Bakit anong dahilan bakit hindi na tayo makikiayon doon?
Gal.4:9-11 “ Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, BAKIT MULING NANGAGBALIK KAYO DOON sa mahihina at WALANG BISANG MGA PASIMULANG ARAL, NA SA MGA YAOY NINANASA NINYONG BMAGBALIK SA PAGKAALIPIN? IPINANGINGILIN NINYO ANG ANG MGA ARAW, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon. Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng WALANG KABULUHAN”
Nakakalungkot lamang isipin gaya ng sinabi ng mga apostol, na MASASAYANG LAMANG ANG PAGPAPAGAL. sapagkat yun ay wala ng BISANG ARAL na ninanasa ang pagbalik sa dating pagkaalipin. Ito ang dahilan kaya ang tunay na Iglesia ay hindi na nangingilin pa sa sabbath sapagkat wala na itong kabuluhan sapagkat Israelita lamang ang inutusan nito mula sa kanilang kapanahunan.
Kung maninindigan silang HINDI pala nawala ang LAHAT ng kautusan kasama ang sabbath, dapat pati ang kaparusahan sa lalabag nito ay ipapatupad din nila. Ano ang parusa? Ganito ang sabi:
Exo.35:2 “Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin. ”
Ang kaparusahan ay "PAPATAYIN". Matindi nga ang parusa, kung hindi nga PINAWALANG BISA ANG LAHAT NG KAUTUSAN. Ano ang maaaring malabag sa araw ng sabbath? Ganito ang mga palatuntunan:
1. Huwag gumamit ng Apoy [ Exodo 35:3]
2. HUWAG UMALIS [Exo.16:29]
3. HUWAG BUMILI [Neh.10:31 NPV]
Nasusunod po ba nila iyan kapag nangingilin sila? Tiyak hindi, at kung hindi tiyak ang Kaparusahan na PAPATAYIN, hindi rin nila magagawa iyon. Hindi rin pala naniniwala ang mga SDA sa parusa noon ng kamatayan sapagakat sabi pa ni Mr. Kenny:
"Gawa lng ni moises yan ang hnd sumnd sa araw ng sabbath ay papatayin. Panakot sa israelita iyan."
Gawa lang daw bilang "PANAKOT".? Turo seguro ng SDA iyon sapagkat yun ang natutuhan nila. Hindi po iyon gawa gawa lamang ni moises sapagkat may PINATAY NA AYON SA BIBLIA na LUMABAG SA SABBATH [ Bilang 15:32-36]. Maling aral at turo ang isiping ganun, Kaya mali po na isiping LAHAT NG KAUTUSAN ay hindi pinawalang bisa ayon sa Mateo 5:17 sapagkat kautusan lamang ni Cristo ang ginanap Niya sa Kaniyang kapanahunan na ipinapatupad po sa atin. Sapagkat ang SABBATH ay ginawang TANDA para lamang sa Israelita at hindi kasama ang Cristiano:
Ezekiel 20:10" Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang. "
Ezekiel 20:11" At ibinigay ko sa kanila ang aking mga PALATUNTUNAN, at itinuro ko sa kanila ang aking mga KAHATULAN, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon. "
Ezekiel 20:12" Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, UPANG MAGING TANDA SA AKIN AT SA KANILA, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila. "
Ang "KANILA" na tinutukoy ay ang mga Israelita na inilabas ng Dios ayon sa mga naunang talata. Kaya po napakalinaw ang aral ukol dito. Sana'y buksan ng marami lalo na ng mga kaibigan nating SDA na iwan na po ang dating wala ng bisa na aral upang hindi mauwi sa walang kabuluhang pagpapagal.
Patotoo po na maling pagkaunawa ng MATEO 5:17 na WALANG KAUTUSAN NG DIOS na pinawalang bisa na, sapagkat nilinaw na ang kaututusan sa panahon ni Moises ay HANGGANG SA PANAHON LAMANG ni Juan Bautista :
Lucas 16:16 MBB05
“Ang Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at ang lahat ay nagpipilit na makapasok dito. "
Nasa panahong Cristiano na tayo at KAUTUSAN NI CRISTO ang marapat na sundin. .
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento