Alin po ba ang tunay na Iglesia Ni Cristo sa kabila ng napakaraming nag-aangkin at nagpakunwari lalo na sa panahon ngayon? Atin po itong masisiyasat at mababasa sa Biblia ang mga katangian nito na dapat nating hanapin at suriin sa alinmang Iglesia na nag-aangkin na ito ang tunay na Iglesia ni Cristo.
Ang ilan sa palatandaan sa tunay na Iglesia na itinayo ni Cristo ay ang :
1. ANG PANGALAN
2. ANG KARAPATAN SA PAGPAPALIWANAG
3. at ANG ARAL NA IPINAPAHAYAG
TINATAWAG SA PANGALAN
Bakit po ba na ating natitiyak na mayroong PANGALAN ang ikakilala sa mga nakay Cristo? Sa Juan 10:3 ganito ang sabi:
Juan 10:3" Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: AT TINATAWAG ANG KANIYANG SARILING MGA TUPA SA PANGALAN, at sila'y inihahatid sa labas. "
Malinaw nga pinatutunayan mula sa Biblia na mayroong PANGALAN na itinatawag sa mga tupa ng ating Panginoong Jesucristo. Ang MARANGAL NA PANGALAN ng ating Panginoong Jesucristo ang itinatawag sa Kaniyang mga Tupa :
Santiago 2:7" Hindi baga nilalapastangan nila yaong MARANGAL NA PANGALAN NA SA INYO'Y ITINATAWAG? "
Gawa 4:12" At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't WALANG IBANG PANGALAN SA SILONG NG LANGIT, NA IBINIGAY SA MGA TAO, na sukat nating ikaligtas. "
Saan natipon ang mga tupa ni Cristo at sa ano namang paraan sila tinawag sa pangalan ng ating Panginoon Jesucristo? Ating mababasa ang kasagutan :
Gawa 20:28" Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo upang maging mga katiwala, upang pakanin ang IGLESIA NI CRISTO na binili niya ng kaniyang dugo.”[Lamsa Translation]
Ang tupa ni Cristo na tinawag sa Kaniyang Pangalan ay napaloob sa isang KAWAN at hindi hiwa-hiwalay sa iba't ibang organisasyon at sekta. Ang KAWAN na ito ay tinawag na Iglesia Ni Cristo, sunod sa Maluwalhating Pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.
Kaya, anomang uri ng IGLESIA na hindi itinawag sa Pangalan na Iglesia Ni Cristo ay hindi ito ang Iglesia na kay Cristo. Subalit, hindi ibig sabihin na sapat nang tawagin lang na Iglesia Ni Cristo ang isang Iglesia upang ito ay kilalanin na tunay at totoong kay Cristo. Ang Pangalan ay isa lamang Palatandaan.
ANG SUGO ANG NAGPAPAHAYAG
Maliban sa Pangalan, ano pa ang palatandaan sa tunay na Iglesia ni Cristo? Ang KARAPATAN sa nagpapahayag sa Iglesia na itinayo ni Cristo ang isa pang palatandaan sa tunay na Iglesia. Ang una at siyang higit sa lahat na nagtuturo sa tunay na Iglesia ay ang ating Panginoong Jesucristo. Nagpahayag rin ang mga Apostol sa Iglesia. Ano ba ang kanilang karapatan? Sa Juan 20:21 ay ganito ang sinabi:
Juan 20:21" Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo. "
Malinw dito na SINUGO ng Diyos ang mga nagpapahayag sa Tunay na Iglesia. Si Cristo isinugo ng Diyos; sa katunayan Siya ang higit sa lahat sa mga sinugo ng Diyos. Ang mga Apostol Niya isinugo din naman.
2 Corinto 5:20" Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios. "
Sa Iglesiang itinayo ng ating Panginoon Jesucristo mayroon isinugo ang Diyos. Kung gayon, ang mga Iglesiang nag-aangkin na sila ang tunay na kay Cristo at sa Diyos subalit walang nagpahayag sa kanila na sinugo, kundi kanila pang minasama ang Iglesiang may kinikilalang sinugo, hindi ito ang tunay na Iglesia Ni Cristo.
Sa bahaging ito dapat nating bigyan ng pansin ang katotohanan na sa Iglesia ni Cristo mahahanap ang mga katangian sa tunay na Iglesiag kay Cristo. Ang tawag nitong Iglesia ay ang Iglesia ni Cristo at ang nagsimula sa mga pagpapahayag nito sa ating bansa nitong MGA HULING ARAW ay ang sugo ng Diyos.
Dapat nating mapansin na sa kayraming mga Iglesiag lumitaw sa mga panahon ito walang kinikilala na sugo ng Diyos na nagpahayag sa kanila. Nanatili ang kanilang akala na kahit sino ay maaaring magpahayag, at ito ang ating nakikitang mga nangyayari ngayon.
Subalit, bakit nga ba na kailangan na ang SUGO ang magtuturo? Hindi ba maaari kung kahit kanino o kahit sino nalang? Ganito ang sagot sa Roma 10:14-15 :
Roma 10:14-15" Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?
At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? ... "
ANG ARAL NA IPINAPAHAYAG AY ANG SALITA NG DIYOS
Ano ba ang katangian sa pagpapahayag ng mga SINUGO MG DIYOS? ganito ang nakasulat sa Juan 3:34:
Juan 3:34" Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios ... "
Ang mga SALITA NG DIYOS ay nakasulat sa BANAL NA KASULATAN [2 Tim. 3:15-17]. Kaya, upang ating matiyak na ang nagpahayag ay tunay na sinugo ng Diyos, dapat nating ihambing ang kanilang mga itinuro sa mga Salita ng Diyos na nasa Biblia. Nasa Biblia ang aral na na itinuturo ng tunay na Sugo ng Diyos; sa ibang bahagi, wala sa Biblia ang itinuro ng hindi Sinugo ng Diyos.
Ano ang isa sa Pangunahing Aral ang itinuturo ng sugo ng Diyos sa mga huling araw? Kaniyang itinuro na ang ISANG TUNAY NA DIYOS ay ang AMA na gumawa ng lahat ng bagay. Iba ito sa itinuturo ng mangangaral sa ibang relihiyon, sapagkat ang kanilang turo ay liban sa Ama, Diyos din daw ang Anak at ang Espiritu Santo. Ito ang ang kanilang tinatawag na doktrina ng TRINIDAD. Alin dito sa dalawang magkaibang aral ang tunay na nasa Biblia? Nandoon ba sa Biblia ang ARAL na ang Ama lamang ang isa at tunay na Diyos? Ganito ang nakasulat sa Malakias 2:10:
Malakias 2:10" Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? ... " [MBB]
Kung ating susuriin at hahanapin sa Biblia ang aral na ang Anak at ang Espiritu Santo ay Diyos din, sang-ayon sa turo ng mga naniniwala sa doktrina tungkol sa trinity, ay mabibigo tayo.sapagkat hindi natin ito mahahanap at makikita. Maging ag terminong trinity man ay hindi masusumpungan.
Kumuha pa tayo ng isa pang patotoo ukol sa tunay na KALAGAYAN ni Cristo. Tunay bang nakasulat sa Biblia na TAO si Cristo? Ganito ang pagpapakilala mismo ng Panginoong Jesucristo :
Juan 8:40" Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, NA TAONG sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios ... "
Sinalita dito ng ating Panginoong Jesucristo, hindi lamang ang malinaw na pahayag na pagkasabi na TAO Siya, kundi pati ang kaibahan Niya sa Diyos. Iba si Cristo sa Diyos, at ito ang pinatunayan Niya sa PAGSALITA Niya tungkol sa KATOTOHANAN na Kaniyang sinalita na Kaniyang NARINIG MULA SA DIYOS.
Kaya kung iba man ang itinuro ng sugo ng Diyos sa mga huling araw sa itinuro sa ibang tagapangaral, ito'y sapagkat ang kaniyang ipinahayag ay ang mga Salita na nakasulat sa Biblia. Habang ang ibang tagapangaral ay may ibang basehan o pinagmulan ang kanilang mga aral.
Ang isa pa sa itinuro ng sugo sa mga huling araw ay ang tungkol sa KAHALAGAHAN sa pagpasok sa Iglesia upang makamit ang kaligtasan. Hindi ito dahil sa ang Iglesia ang magliligtas; si Cristo ang tagapagligtas. Ang tunay na Iglesia ang ililigtas ng ating Panginoong Jesucristo. Isa itong katotohanan na hindi sinang-ayunan ng ibang nagpapahayag, higit sa panahon ngayon. Lagi nating naririnig sa Radyo, Telebisyon, at sa iba't ibang mga lugar na nagmumula sa mga magtataguyod at nangangaral na hindi na raw kailangan ang PAGPASOK sa IGLESIA upang maligtas ang tao. Sapat na raw na sumampalataya kay Cristo upang maligtas. Nakasulat ba sa Biblia na Kailangan ang pagpasok sa Iglesia upang maligtas ang tao? Sa Efeso 5:23 ay ganito ang sabi:
Efeso 5:23" Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. "
Ito ang isa sa MATIBAY na saligan na ang nagpapahayag sa Iglesia ni Cristo ay ang tunay na sugo ng Diyos, dahil ang kaniyang mga itinuro sa mga tao ay ang KATOTOHANAN, ang mga SALITA NG DIYOS na nakasulat sa Biblia.
Kaya, ang tunay na Iglesia matitiyak hindi lamang sa Pangalan nito, kundi pati na rin sa mga aral na sinasampalatayanan nito at sa nagpapahayag sa kanila. Ang tunay na Iglesia na itinayo ni Cristo ay itinawag sa Pangalan na IGLESIA NI CRISTO, tinuruan ng tunay na sugo ng Diyos, ang kanilang aral ay ang SALITA NG DIYOS na nakasulat sa Biblia.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento