Miyerkules, Abril 23, 2014

Araw ng paghuhukom at katapusan ng mundo





Ilan sa pangkatan ng relihiyun, may naniniwala parin at nagtuturo na ang mundo umano ay walang katapusan at di matatapos. May iba namang nagtuturo na itong mundo na ating tinitirhan at lupa na kinatatayuan, ito na raw ang ang gagawing kaharian o paraiso na siyang laan sa mga karapatdapat.



Kaya, ating suriin at titiyakin mula mismo sa Biblia kung anu ang mangyayari sa araw ng paghuhukum, at paano maliligtas kung ito'y darating man. Ayon sa biblia , anu ang tinatawag na pag huhukom o kaarawan ng panginoon? at anu ang maaaring mangyayari rito ? Ganito po ang ating natitiyak :




Zefanias 1:14-15, 18
  “Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga'y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim. Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan, kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan, kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman,…Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” 





Ang Araw ng Paghuhukom ay ang dakilang araw ng kapootan ng Panginoon, na kung saan sa pamamagitan ng pagsupok o pagsunog ng apoy ay gugunawin ng Diyos ang buong sanglibutan .Ang kapangyarihan ng isang tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa araw na iyon:



“ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim”.  Maging ang kaniyang kayamanan: “Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon”.





Sinasabi ng iba na,


 “eh ang sabi diyan ay sa lupa magaganap ang pagsupok sa pamamagitan ng apoy, eh papaano kung ang tao ay gumawa ng tirahan sa labas ng mundo o di kaya ay sa buwan, eh di hindi siya mamamatay?”



May mapupuntahan ba ang tao sa panahong ito na kung saan ay hindi sa mapupuksa? Ating tunghayan ang sabi ng Biblia:



Obadias 1:4
  “Bagaman ikaw ay pailanglang sa itaas na parang aguila, at bagaman ang iyong pugad ay malagay sa gitna ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.”



Maliwanag at malinaw na walang makatatakas sa araw na yaon, dahil sabi ng Diyos kahit na ang tao’y gumawa ng pugad o tirahan sa mga bituin, ay ibababa siya ng Diyos mula roon, kaya hindi siya makaliligtas.  Eh paano naman kung tangkain ng tao na humukay ng malalim at doon naman siya magtago? Ganito ang ating mababasa :





Amos 9:2
  “Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; at bagaman sila'y sumampa hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila.”




Ang salitang “sheol” ay salitang Hebreo na nangangahulugang “balon” o “dako ng mga patay”.  Ang ibig sabihin lamang nito ay hindi makapagtatago ang tao kahit na siya’y humukay pa ng napakalalim at doon siya gumawa ng tirahan niya. Maliwanag na maliwanag na walang magagawa ang tao para takasan ang magaganap na matinding kasakunaang ito na malapit nang dumating, dahil hindi lamang ang lupa ang masusunog kundi maging ang mga bagay na nasa langit:




2 Pedro 3:10,7
  “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog…. Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”




Kitang-kita natin ngayon na hindi makatatakas ang mga tao saan man siya magtungo sa magaganap na pagpuksa ng Panginoon, na ito nga ay ang Araw ng Paghuhukom na siyang paglipol ng Diyos sa mga taong masama. Totoong may paghuhukom at may katapusan ang Mundo. Kapag ito ay matatapos maibabalik pa ba ito na gaya ng paniniwala ng ilan na ito umano ang lupa o itong mundo an. gagawing paraiso? Ganito ang mababasa :




Isaias 24:19-20
“Ang daigdig ay tuluyang mawawasak, sa lakas ng uga ito'y mabibiyak. Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray- suray at kubong maliit na hahapay-hapay, sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay, tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.” [ MB]



Tiniyak, Mawawasak ito, at mawawala at di na babangon pang muli . Kaya isang maling aral at pag-iisip ang walang katapusan o di raw ito mawawasak sa araw ng paghuhukom ang daigdig.


May mga katanungan din na ganito na dapat nating suriin :




  • Magagawa ba ng tao na malaman kung kailan mangyayari ang Paghuhukom?

  • Maaari pa ba siyang makapaghanda upang maiwasan ito?



Binanggit na sa mga talata sa itaas na:


“darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw”



Ito’y mangyayari tulad ng pagdating ng magnanakaw na hindi nagpapaalam o nagsasabi na siya’y darating.  Samakatuwid walang makakaalam kung anong araw at anong oras ito mangyayari, at ito’y nilinaw sa atin ng Panginoong Jesus:




Mateo 24:36
  “Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.”




Walang nakakaalam sa pagdating ng Paghuhukom, kahit ang Anak o ang ating Panginoong Jesu Cristo ay hindi alam kung kailan ito mangyayari.Ang tanging nakakaalam ay ang AMA lamang(Mat. 24:36) ang nagiisa at tunay na Diyos (Juan 17:3,1).





Kaya huwag tayong maniwala doon sa mga taong nagbibigay ng eksaktong petsa gaya nung mga tagasunod ni Nostradamus, ng mga Sabadista, mga Saksi ni Jehovah, Family Radio, at iba pa, dahil hindi po kailanman nila ito malalaman, dahil ang Diyos lamang po ang nakakaalam nito. At dahil sa hindi natin ito malalaman kung kailan mangyayari, ay hindi natin ito mapaghahandaan para ating maiwasan:





Mateo 24:37-39
  “At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.”




Ipinaliwanag ng Panginoong Jesus na ang muli niyang pagparito ay katulad nung panahon ni Noe nang gunawin noon ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng malaking baha.  Sinabi niya na ang mga tao noon ay nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapagaasawa, nang dumating ang baha at nalunod ang lahat ng tao na hindi nakapasok sa daong.Sa madaling salita darating ang Paghuhukom o ang muli niyang pagparito na ang mga tao ay gumagawa ng kaniyang normal na gawain.  Maliwanag kung gayon na walang makapaghahanda dahil walang makakaalam nito.




Eh papaano naman iyong nagsasabi na hindi naman mangyayari ang Paghuhukom at nananakot lang daw ang mga tao na naniniwala dito?  Ano ba ang kasiguruhan na mangyayari ang Paghuhukom?  Basahin natin ang sagot, Ganito :




Hebreo 9:27
  “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;”




Ang ebidensiya na mangyayari ang paghuhukom ay napakalinaw, dahil ang sabi ng Biblia ay:


“kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;” 



Walang tututol sa katotohanang ang tao ay namamatay, kung paanong tiyak ang pagdating ng kamatayan ng isang tao, ay tiyak din ang pagdating ng Paghuhukom, kaya po walang dahilan para hindi po natin ito paniwalaan.




Bukod sa rito’y nagbigay ang Panginoong Jesu Cristo ng mga palatandaan na talagang mangyayari ito, gaya ng ating mababasa:





Mateo 24:3
 “At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?”




Na ang mga palatandaang ito’y ang mga sumusunod:




Mateo 24:6-8
  “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.  Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”




Binanggit ng Panginoong Jesus, ang mga Digmaang kakasangkutan ng mga bansa, at naganap nga ang Unang Digmaang Pandaigdig (1914 - 1918), na sinundan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939 - 1945). Nagkaroon ng pagkakagutom sa ilang mga bansa, at ang paglindol sa iba’t-ibang dako na hanggang sa kasulukuyan ay patuloy na nagaganap na kamakailan lamang ay naganap sa New Zealand, China, at sa Japan na lumikha pa ng malaking pagbaha o tsunami na kumitil ng napakaraming buhay. At ang patuloy na paglaganap at paglala ng kahirapan na kahit na ang malalakas na bansa gaya ng America at ilang mga bansa sa Europa ay nakakaranas na nito ngayon.Kitang-kita na natin na natupad na ang mga ito.  At dahil sa ang mga palatandaan ay natupad na, ano ang ibinabadya nito? Ganito :





Mateo 24:33
  “Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.”




Malinawag at malinaw, kung gayon na dahil sa naganap na ang mga palatandaan, dapat nating malaman na napakalapit na ng Paghuhukom. Maaaring mangyari ngayon, bukas, o sa isang araw, sa isang Linggo, walang nakakaalam.



Ito ngayon ang malaking tanong:  Paano tayo makaliligtas?




Ang Biblia ba ay nagtuturo ng kaparaanan kung papaano tayo maliligtas?


Ang mga Maliligtas sa Paghuhukom




Paano nga ba makaliligtas ang tao pagdating ng nakakatakot na araw na ito ng kapootan ng Panginoon.  Meron bang ipinakikilala ang Biblia na mga makaliligtas sa kapahamakang ito na napakalapit nang dumating?  Ating basahin ang sagot, Ganito :





1 Tessalonica 4:16-17
  “Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay KAY CRISTO ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.”




Ang makaliligtas sabi ng Biblia ay yung mga taong “kay Cristo” o pag-aari ni Cristo.  Sila ang mapalad na makaliligtas sa Paghuhukom, ang mga namatay na kay Cristo ay mga unang bubuhayin, at ang mga daratnang buhay ay hindi na makakaranas pa ng kamatayan kundi sila’y aagawin at isasama doon sa mga muling binuhay at iaakyat kapuwa sa alapaap kasama ng Panginoon at sila’y makakasama niya magpakailan kailanman.





Ang mga kay Cristo ay ang mga hindi madadamay o mamamatay sa pagpuksa ng apoy bunga ng Paghuhukom, dahil bago ito mangyari ay darating si Cristo upang kunin sila. Kaya napakahalaga na ating matiyak na tayo ay tunay na kay Cristo.



Subalit,Lahat ba ng tao ay kinikilala ni Cristong kaniya? Eh paano iyong mga nagsasabi na kumikilala at tumatawag naman daw sila kay Cristo kaya kay Cristo din sila?  Lahat ba ng tumatawag at kumikilala kay Cristo ay kaniya? Tiniyak na Ganito :




Mateo 7:21-23
  “Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.  Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”





Makikita ang katunayan na hindi ang bawa’t tao na kumikilala o tumatawag kay Cristo na Panginoon ang makapapasok sa langit.

Sa madaling salita hindi lahat ng tao na kumikilala at sumasampalataya sa kaniya ay maliligtas.  Sinabi niya na iyon lamang gumaganap ng kalooban ng kaniyang Ama na nasa langit.  At ipinakita din sa talata ang kasawiang sasapitin ng mga taong hindi kay Cristo, na kahit gumawa pa ng kung anu-anong mga dakila at makapangyarihang mga gawa ay balewala kay Cristo sapagkat hindi sila kinikilala ni Cristong kaniya.




Kaya napakahalaga na ating matiyak na tayo ay tunay na kay Cristo sapagkat ang mga kay Cristo lamang ang ililigtas niya pagdating ng araw ng Paghuhukom.




Ang mga Kay Cristo na ililigtas niya




Sino ba ang kinikilala ni Cristo na kaniya?  Ating tunghayan ang malinaw na sagot ng Tagapagligtas na si Cristo:





Mateo 16:18
  “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”




Ang kinikilala ni Cristong kaniya ay ang kaniyang IGLESIA.



Samakatuwid ang dapat gawin ng tao ay ang sikapin na mapabilang sa Iglesiang kinikilala ni Cristong kaniya na ito nga ay angIglesia ni Cristo.



Roma 16:16
  “Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga IGLESIA NI CRISTO.”




Kaya nga hindi naman nagkulang ang Biblia ng pagtuturo kung papaano ang kaparaanan sa kaligtasan at ito’y nilinaw sa atin ng Panginoong Jesus mismo, narito ang dapat nating gawin para mapabilang sa mga taong kinikilala ni Cristo na kaniya:




Marcos 16:15
  “At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.




Napakaliwanag ng sagot ng Panginoong Jesus, kinakailangan na tayo ay mapangaralan ng evangelio o Biblia, kailangan nating sumampalataya sa mga aral nito, at mabautismuhan, at tayo ay maliligtas.



Maaaring sabihin ng iba na “Sila naman raw ay inaralan at nabautismuhan sa relihiyon nilang kinabibilangan”
Subalit ganito ang maging tanong : Ang bautismo bang tinutukoy ay ang bautismo ng kahit na sinong relihiyon o Iglesia?


Ang sagot:

Hindi po dahil nilinaw din kung saan tayo dapat mabautismuhan?  Ating tunghayan ang sagot Ganito po :




1 Corinto 12:12-13
  “Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.  Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.”




Ang taong nagnanais na maligtas sa Araw ng Paghuhukom ay kinakailangang mabautismuhan sa isang katawan, na ang katawang tinutukoy ay ang katawan ni Cristokung saan kinakailangan na tayo ay maging sangkap o maging miembro nito. Alin ba iyong katawan ni Cristo na kung saan dito tayo dapat mabautismuhan? Basahin natin:





Colosas 1:18
  “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.”




Ang katawan ni Cristo na tinutukoy ay ang Iglesia. Ang kaniyang katawan na siya rin ang ulo nito–ang Iglesia ni Cristo.  Dito sa Iglesiang ito na pinangunguluhan ni Cristo dapat mapabilang o maging kaanib ang tao upang siya’y magtamo ng kaligtasan.Ito ang itinuturo na paraan ng Tagapagligtas upang tayo ay makaligtas sa nakatakdang kapahamakan na napakalapit nang dumating.



Dahil ang Iglesia ni Cristo ang ililigtas ni Cristo:




Efeso 5:23
 “Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” [Magandang Balita, Biblia]




At ito ang pinaghandugan niya ng kaniyang buhay:




Efeso 5:25
 “Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito,” [MB]




Ang sinomang nagnanais na makaligtas ay hindi niya kailanman maiiwasan ang pag-anib sa tunay na Iglesia sapagkat ito ang tanging kaparaanang itinuturo ni Cristo na ating Tagapagligtas.  Ang mapapabilang dito ay ang magtatamo ng kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom…




Kaya atin natitiyak, May paghuhukom, may katapusan na magaganap sa mundo, at may paraan para makaligtas rito.

Lunes, Abril 14, 2014

Ang mga Nagpapatotoo tungkol sa Iglesia Ni Cristo










Sa PANAHONG CRISTIANO, ibibilang tayong mga anak ng Diyos kung may kaugnayan tayo sa Kaniyang Anak na si Jesucristo. Upang magkaroon tayo ng kaugnayan kay Cristo, kailangan maging miyembro tayo ng kaniyang Iglesia. Ang kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo ang may relasyon sa Kaniya dahil sa ang Iglesia ay katawan Niya at Siya ang ujo nito (Col. 1:18; Efe. 5:32, MBB).

Kaya, kung sinasabi ng isang tao na siya'y anak ng Diyos o siya'y may relasyon kay Cristo, kailangang mapatunayan muna niyang ang Iglesia o samahang pangrelihiyong kinabibilangan niya ay siyang tunay na kay Cristo sa panahong ito. Ang panginoong Jesucristo na tagapagtatag mismo ng Iglesia, ang mga Apostol Niya, at higit sa lahat, ang Dakilang Diyos, ang mga nagpapatotoo kung alin lamang sa napakaraming iglesia at pangkatan ng pananampalataya ngayon ang iisang Iglesiang itinatag ni Cristo.

Iyon ang iglesiang dapat nating pasukan upang maging totoo at matibay ang ating pagkakatiwalang may relasyon tayo sa Panginoong Jesus, at sa gayon, tayo'y sa Ama na iisang tunay na Diyos.




ANG PATOTOO NI JESUS



Ayon sa Apocalipsis 19:10,

"ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula"


suriin natin kung ang Iglesia Ni Cristo na nagsimula sa Pilipinas ay pasado sa pamantayang ito.


Kung ang Iglesia Ni Cristo ang siya lamang Iglesiang kay Jesucristo, may patotoo ba Siya tungkol dito? May hula(prophecy) ba Siya tungkol sa paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas noong 1914?


Ang totoo, ang pagkakatatag ng Iglesiang ito ay katuparan ng hula ni Cristo na nakasulat sa Juan 10:16 tungkol sa Kaniyang ibang mga tupa:




"Mayroon pa Akong ibang mga tupa. Sila ay wala sa kawan na narito. Kailangan ko din silang pangunahan. Sila ay makikinig sa Aking tinig. Sa hinaharap ay magkakaroon ng isang kawan at isang pastol"(Isinalin mula sa Easy-to-Read Version).


Ipinagpauna ng Panginoong Jesus na mayroon Siyang ibang mga tupa na gagawin Niyang isang kawan. Itatatag Niya sila bilang Iglesia Ni Cristo.

Pinatunayan ni Apostol Pablo na ang kawan ng Panginoon ay ang Iglesia Ni Cristo. Ganito ang sinasabi niya sa Gawa 20:28:



"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong KAWAN na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo"( Isinaling mula sa Lamsa Translation)




Ang pagtitipon ng ibang mga tupa ng Panginoong Jesus upang maging Iglesia Ni Cristo ay mangyayari sa hinaharap o sa darating na panahon. Kaya tinawag Niya silang Kaniyang ibang mga tupa dahil "WALA SILA SA KAWANG NARITO" Na tinutukoy ay ang Iglesi Ni Cristo noong unang siglo.



Hindi nangangahulugang dalawang iglesia ang itinayo ni Crirto. Ang Iglesia noong unang siglo at ang Iglesiang kinabibilangan ng Kaniyang ibang mga tupa ay iisang Iglesia Ni Cristo. Kung paanong iisa ang ulo, si Cristo, iisa lamang ang katawan o Iglesia :




Efeso 4:4
" May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo "



Colosas 1:18
" At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan. "


Ang paglitaw ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas ay muling pagkakatatag sa tunay na Iglesia.
Kailangan ang muling pagtatatag sa Iglesiang nagsimula sa Jerusalem noong unang siglo sapagkat ito ay naitalikod sa pananampalataya noong pumanaw na ang mga Apostol:



Gawa 20:29-30
" Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan;
At magsisilitaw sa mga kasamahan din ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan. "




1 Timoteo 4:1
" Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio, "




Kung paanong ipinagpauna ng Panginoon na ang Iglesia ay ililigaw ng mga bulaang propeta o mga huwad na tagapangaral :



Mateo 24:4, 9, 11
" At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman.
Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.
At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami. "





Hinulaan din Niya ang pagkakaroon ng isang kawan sa hinaharap na panahon o ang muling pagtatatag ng Kaniyang Iglesia.



ANG PATOTOO NG MGA APOSTOL



Nagbigay rin ang mga apostol ng patotoO na ang "ISANG KAWAN SA HINAHARAP" na binubuo ng ibang mga tupa ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas. Ito ang katuparan ng hinulaan ni Apostol Pedro na ikatlong grupo ng mga taong pinangakuan ng Espiritu Santo:



Gawa 2:36, 39
" Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.
Sapagka't SA INYO ANG PANGAKO, at SA INYONG MGA ANAK, at sa lahat ng NANGASA MALAYO, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya. "





Malinaw na ang "SA INYO" ay tumutukoy sa mga Israelita o mga Judio na umanib sa Iglesia noong unang siglo. Ang tinutukoy naman na "SA INYONG MGA ANAK" ay ang mga Gentil na naging Cristiano sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, pangunahin na ni Apostol Pablo na isang Judio :




1 Corinto 4:14-15
" Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang paalalahanan kayong tulad sa aking mga minamahal na anak.
Sapagka't bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka't kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio. "




Kung gayon, ang "MGA NASA MALAYO" ay hindi tumutukoy sa mga Gentil na naging kaanib sa unang siglong Iglesia. Samantalang ang mga Gentil, kasama ang mga judio, ay tinawag noong panahon ng mga apostol :



Roma 9:24
" Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil? "



Ang ikatatlong grupo naman ay tatawagin pa lamang :



"Sa lahat ng nasa malayo, maging ilan man ang tatawaging ng. . . Diyos. "



Tulad ng nabanggit na, iisa lamang ang tunay na Iglesia. Gayunman, ito ay binubuo ng tatlong grupo ng tao. Ang unang dalawang grupo na magkapanahon--ang mga Cristianong Judio at Gentil-- ang bumubuo sa Iglesia noong unang siglo. Ang ikatlong grupo ay MALAYO sa kanila sa panahon at dako. Ganito ang pagkakasalin ni C.H. Rieu sa Gawa 2:39 :



"Sapagkat ang kaloob ay ipinangako sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayong mga panahon at dako, na tatawagin ng Panginoon nating Diyos sa kaniya"(Isinalin mula sa Rieu Translation)



ANG PATOTOO NG DIYOS




Ang malayong dako na mula roon ay tatawagin ang ibang mga tupa ni Cristo ay ang MALAYONG SILANGAN, ayon sa hula ng Diyos sa Isaias 43:5 :



" Mula sa malayong silangan dadalhin Ko ang inyong Lahi, at mula sa malayong kanluran ay titipunin ko kayo "
(Isinalin mula sa Moffatt Translation)



Kabilang sa tinatawag na dako ng mga Gentil ang Roma at Gresya na kapuwa nasa Europa. Ang mga ito ay wala sa Malayong Silangan. Ang Far East o Malayong Silangan ay ang Rehiyon sa ASYA na kinaroon ng Pilipinas (Kenneth Scott Latourette. A Short History of the Far East, p. 290), na rito lumitaw ang Iglesia Ni Cristo sa panahong ito.



Ang binanggit naman na "Malayong mga panahon" ay tumutukoy sa ekspresyong "MGA WAKAS NG LUPA. " Sa panahong iyon tatawagin o dadalhin ng Diyos ang Kaniyang mga anak na lalalaki at babae na mula sa silanganan, sa malayo. Sa Isaias 43:5-6, ay ganito ang nakasulat:




"Huwag kang matakot, sapagkat ako'y sumasaiyo; dadalhin ko ang iyong lahi mula sa silanganan, at titipunin kita mula sa kanluran; sasabihin ko sa hilaga, 'bayaan mo!' At sa timugan, 'Humag mo silang pigilan!' Dalhin mo ang aking mga anak na mula sa malayo, at ang Aking mga anak na babae na mula sa mga wakas ng lupa"(Isinalin mula sa NKJV)



Ang wakas ng lupa ay sa Ikalawang pagparito ni Cristo o Araw ng Paghuhukom( Mat.24:3; II Ped.3:7). Ang panahon bago ang dakilang araw na iyon ay tinawag ni Cristo na "MGA PINTUAN" na ayon din sa Kaniya ay "MALAPIT NA" (Mat. 24:33). Kung gayon, ang "MGA WAKAS NG LUPA" ay ang panahong malapit na ang wakas.



Kabilang sa mga pangyayaring makikita ayon kay Cristo kung ang panahon ay nasa mga wakas na ng lupa ay mga digmaang aalingawngaw :


Mateo 24:6-7
" At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.
Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. "





Ang mga digmaang ito ay mapababalita(Mat.24:6, MB) sa buong mundo sapagkat ang mga digmaang ito mismo ay pambuong mundo.


Sa kasaysayan, may dalawang digmaang pandaigdig, WORLD WAR I(Unang Digmaang Pandaigdig) at WORLD WAR II(Ikalawang Digmaang Pandaigdig), na naganap halos 19 na siglo ang layo sa panahon ng Iglesiang pinamahalaan ng mga Apostol. Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay sumiklab noong Hulyo 27, 1914. Ito ang pagsisimula ng panahong "MGA WAKAS NG LUPA" kung kailan hinulaang tatawagin ng Diyos ang Kaniyang mga anak mula sa MALAYONG SILANGAN. Bilang katuparan ng hulang ito, ang IGLESIA NI CRISTO ay narehistro sa pamamahalaan ng Pilipinas sa mismong Petsang iyon.



Kung gayon, ang kawan na binubuo ng ibang mga tupa ni Cristo ay ang IGLESIA NI CRISTO na bumangon sa Pilipinas noong 1914. Ang Diyos mismo ang nagpapatotoo na ang mga kaanib sa Iglesian ito ay Kaniyang mga anak. Tiniyak ng Panginoong Jesus na sila'y Kaniyang mga tupa o mga alagad, alalaong baga'y tunay na Cristiano. At ang pahayag ng mga Apostol na sila'y tumanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay katumbas ng na rin ng patotoo na ang Iglesia Ni Cristo ay siyang bayan ng Diyos sa panahong ito(Efeso 1:13-14, MB).


Kaya sa Iglesia Ni Cristo nararapat maging miyembro ang lahat ng nagnanais magkaroon ng relasyon sa Panginoong Jesus upang mapabilang sa mga kinikilala ng Diyos na mga anak Niya.



Ayon kay Apostol Pablo , "Kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo "(Roma 8:16-17). Mamanahin nila ang Bayang Banal na doon ay makakapiling nila ang Diyos magpakailanman (Apoc.21:1-4).




Linggo, Abril 13, 2014

Paano nila nilikha ang aral na si Cristo ay Diyos(HULING BAHAGI)






KASAYSAYAN ANG NAGPAPATOTOO na ang pagkakalikha ng aral na si Cristo ay Diyos ay nag-ugat sa kagustuhan ni Emperador Constantino na mapanatili ang kapayapaan ng kaniyang imperyo.  Nalalaman niyang ang Iglesia ay may malaking magagawa upang matupad ang kagustuhan niyang ito.  Kaya naman nang bumangon ang hidwaan sa Iglesia bunga ng pagtatalo ukol sa tunay na kalagayan ni Cristo, si Constantino mismo ang gumawa ng paraan upang magkaayos ang magkalabang panig.  Sa gayon, nabuo ang dogmang si Cristo ay Diyos.



     Ang binuong kredo sa Nicea noong 325 A.D. na nagpapahayag na Diyos si Cristo ay nilagdaan ng mga Obispo.  Ito ang naging opisyal na alituntunin ng pananampalataya ng Iglesia bagaman hindi ito batay sa mga aral na itinuturo ng Biblia.  Sa layunin ng Emperador na malutas ang hidwaang ibinunga ng paninidigan ni Ario sa orihinal na paniniwalang Cristiano na si Jesus ay iba sa tunay na Diyos at mayroon Siyang ibang esensiya sa Diyos kaya hindi maaaring Siya ang Diyos, ginamit niya ang konsilyo ng mga obispo na kung saan ang kaniyang kagustuhan ang nanaig.  Pagkatapos na ito ay maipahayag na alituntunin ng pananampalataya, ang sinomang tututol dito ay nanganganib na mapahamak sa pag-uusig ng estado:



     “Sa sandaling ang ‘Kredo ng Nicea’ ay hayagang nalagdaan ng mga obispo at naipahayag ni Constantino, yaon ay naging opisyal na kredo para sa lahat ng Cristiano.  Ang pagtatatuwa sa pagkadiyos ni Cristo sa anomang kaparaanan ay katumbas na rin ng kusang paghiwalay ng tao sa komunidad ng mga Cristiano at isang krimen laban sa estado. (The Emerging Church, p. 93)




Kaya hindi kataka-taka na ang paniniwalang ito tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo na Siya ay may esensiya na tulad ng sa Ama kaya Siya ay Diyos ay lumaganap at siya ring kinagisnan ng marami sa sangka-“Cristianuhan.”  Subalit sa pagkondena sa paninindigang tao si Cristo at hindi Diyos, na siyang itinaguyod ni Ario at siyang salig at ayon sa Biblia, at sa pagpili sa aral na si Cristo ay Diyos, ang Iglesia na noon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyo at sunud-sunuran sa kagustuhan ng emperador ay nasadlak sa kamalian.  Ganito ang obserbasyon ng isang manunulat tungkol sa pangyayari:



     “Gaya ng isinulat ng isang mananalaysay ng Iglesia, na si Bernard Lohse sa kaniyang Motive im Glauben (Motivation for Belief):  ‘Ipinagunita sa atin ni Ario na si Jesus, tulad ng pagpapakilala sa kaniya ng Ebanghelyo, ay hindi isang Diyos na lumakad sa lupa, kundi isang taong totoo.  Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao ay pinatunayan ni Jesus ang lubos niyang pakikisama sa Diyos’.
     “Walang ibang hinangad si Ario, subalit pinili ng Iglesia ang ibang landas; tulad ng malimit nitong ginagawa, kinondena nito ang tama at iningatan ang mali.”  (The Jesus Establishment, pp. 175-176)



Sa harap ng mga pangyayaring naganap sa konsilyo na kung saan ang sariling kagustuhan lamang ng emperador at hindi ang tama na nasa Biblia ang siyang nakapanaig, ang Iglesia ay natalikod sa tunay at dalisay na aral na mayroon lamang iisang tunay na Diyos, ang Ama.  Si Cristo na Kaniyang Anak ay isinugo Niya.  Kaya,


 “Ang nagtagumpay sa Nicea ay hindi ang Iglesia, kundi ang isang emperador na naniniwala sa diyos na araw bilang isa sa maraming mga diyos, at hindi alintana kung pilipitin man niya ang Cristianismo matugma lamang ito sa kaniyang sariling kaisipan.” (Ibid., pp. 173-174)



Kaya, sa pagkakabuo ng aral na si Cristo ay Diyos ay walang kinalaman ang mga apostol o ang sinumang tapat na lingkod ng Diyos sa Biblia.  Ang may malaking kinalaman dito ay ang Emperador Romano na si Constantino, isang pagano na naniniwala sa maraming mga diyos, na sa kagustuhang matapos na ang hidwaan tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo para sa kapayapaan ng kaniyang imperyo, ay nagpasiyang gawing isang Diyos si  Cristo.


Ibinabala ng mga apostol



Ang pagpasok sa Iglesia ng maling doktrina tungkol kay Cristo sa pamamagitan ni Constantino ay hindi dapat na ipagtaka.  Nang ibabala ng mga apostol ang tungkol sa pagtalikod ng Iglesia sa tunay na pananampalataya at sa mga aral ng Diyos, kasama sa kanilang binanggit ang mga kakasangkapanin upang ito ay maisakatuparan.  Sinabi ni Apostol Pablo sa pulong ng mga obispong taga-Efeso na ipinatawag niya sa Mileto ang ganito:



     “Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.  Mula na rin sa inyo’ylilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Gawa 20:29-30, Magandang Balita Biblia)



Sa magaganap ng pagliligaw sa kawan o sa Iglesia pagkaalis o pagkamatay ng mga apostol, ibinabala ni Apostol Pablo ang pagpasok ng mababangis na asong-gubat na walang patawad na sisilain ang kawan.  Kasama rin niyang ibinabala na mula na rin sa kapulungan ng mga obispong kausap niya, lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang iligaw ang mga alagad.  Kaya, hindi kataka-taka kung  mga obispo rin sa Iglesia ang nag-usap-usap upang mabuo ang aral na si Cristo ay Diyos, bagaman labag ito sa Bibliya.  Hindi rin dapat na pagtakhan kung ang isang pinuno ng estado, tulad ni Emperador Constantino, ang naging kasangkapan upang ito ay ganap nilang mapagtibay at mapagpasiyahan.  Bakit?  Sa Ezekiel 22:27 ay nakasulat ang ganito:



     “Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong gubat kung lumapa ng kanilang biktima.  Sila’y walang awing pumapatay upang yumaman.”(Ibid.)



Ang masasamang pinuno ay itinulad rin ng Bibliya sa mga asong-gubat.  Kaya, may mga pinuno o lider ng estado na talagang magiging kasangkapan upang italikod sa aral ng Diyos at sa tunay na pananampalataya ang Iglesia.  Ang pakikialam ni Constantino sa Iglesia kung gayon ay katuparan lamang ng ibinabala ng mga apostol tungkol sa mga magiging kasangkapan upang makapasok ang maling turo tungkol sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo.



Patuloy ang mga pagtatalo




Sa kabila ng pagpapatibay ng konsilyo sa aral na si Cristo ay Diyos, hindi nito napahinto ang mga pagtatalo at hidwaan tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo.  Manapa, ang pangyayari sa konsilyo ang siya lamang simula ng lalo pang mga mainitan at masalimuot na pagtatalo tungkol sa isyung ito.  Sinasabi sa kasaysayan na:



     “Ang pasiya ng konsilyo ay hindi tumapos sa kontrobersiya kundi bagkus ito lamang ang simula nito.   Ang kalutasan na ipinilit sa Iglesia ng malakas na kamay ng emperador ay hindi kasiya-siya at hindi tiyak kung kalian tatagal.  Ginawa nitong batayan ang imperial na kagustuhan at mga intriga sa korte sa pagpapasiya hinggil sa pananampalatayang Cristiano.” (The History of Christian Doctrines, p. 87)



Kaya, ang konsilyo ay lumikha ng mas maraming mga suliranin kaysa sa hinahangad nitong kalutasan.  Ang mga panahong sumunod pagkatapos na pagpassiyahan ng konsilyo ang pagiging Diyos ni Cristo ay nagbunga ng mas marami pang kontrobersiya s Cristolohiya at Teolohiya gaya ng pinatutunayan ng aklat ng kasaysayan:



     “Ang Konsilyo ng Nicea ay naglatag ng maraming pang-unang halimbawa.  Ito ay tinawag ng emperador, kaniyang inimpluwensiyahan ang pagpapasiya at ginamitan niya ng kaniyang kapangyarihang sibil upang itaas ang kaniyang mga batas sa kalagayang tulad sa batas ng imperyo.  Ipinakilala ng Konsilyo ang isang bagong uri ng ortodoksiya, na sa kauna-uanahang pagkakataon ay nagbigay ng di kawasang pagpapahalaga sa mga terminong wala sa Biblia.  Ang sariling anyo ng pagpapahayag ng kredo ay naimpluwensiyahan ng erehiyang kaniyang idineklarang labag sa batas. …
Ang Nicea ay sinundan ng mahigit sa kalahating siglong di pagkakasundo at kaguluhan sa Iglesia sa Silangan, na manaka-naka ay umaabot sa Kanluran.” (Eerdmans’ Handbook to the History of Christianity, p. 160)




Hindi nalutas ng konsilyo sa Nicea ang kontrobersiya tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo.  Bagaman ang konsilyo ay nagtagumpay na maglabas ng kredo tungkol sa opisyal na doktrina ng Iglesia Katolika, nagpatuloy ang kontrobersiya at mga hidwaan sa isyung ito.  Ang totoo, hanggang sa kasalukuyang panahon, ang pagtatalo tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay namamalagi.  Kung nanghawak lamang ang mga sumunod sa panahon ng mga apostol sa mga aral na kanilang itinuro, tulad ng panghahawak ngayon ng Iglesia ni Cristo sa mga aral na ito, hindi sana sila nahiwalay sa wastong pagkakilala sa kung sino ang tunay na Diyos at kung ano ang likas na kalagayan ni Cristo.  Ganito ang payo ng mga apostol na hindi naman tinupad ng marami sa mga unang Cristiano, kaya sila ay natalikod sa tamang pagkakilala at pananampalataya:



     “Kaya nga, mga kapatid, kayo’y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo’y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.” (II Tes. 2:15)


Source: 

Pasugo God’s Message

April 2004
Pages 16-18




Puntahan ang mga karugtong :


UNANG BAHAGI
IKALAWANG BAHAGI

Paano nila nilikha ang aral na si Cristo ay Diyos? (IKALAWANG BAHAGI)







PINATUTUNAYAN NG KASAYSAYAN  na noong mga unang siglo ay wala pang malaganap na paniniwala na si Cristo ay Diyos.Namamalagi sa marami ang paniniwala na si Cristo ay tao hanggang sa ikaapat na siglo.


Sa unang bahagi ng ikaapat na siglo naganap ang mga mahahalagang pangyayari sa Iglesia na nagbigay-daan upang maisulong ang aral na si Cristo ay Diyos hanggang sa ito ay maging opisyal na aral ng Iglesia Katolika.Ang pangyayari ay uminog sa hidwaan at pagtatalo na namagitan sa dalawang tao na nakilala sa kasaysayan ng Iglesia dahil na rin sa isyung ito tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo.Ganito ang sinasabi sa mga dahon ng kasaysayan:




     “Ang suliranin tungkol sa kaugnayan ng Diyos Ama at ng Kaniyang Anak na si Jesucristo ay kagyat na naging isang malalang suliranin sa Iglesia pagkatapos na matigil sa pag-uusig.  Sa Hilagang Europa, halimbawa, iginiit ni Tertuliano ang pagkakaisa sa esensiya ng tatlong persona bilang siyang tamang pagkaunawa sa Trinidad.  Kaya ang naging sentro ng hidwaan ay sa Silangang bahagi ng Imperyo.
    “
Noong 318 o 319, tinalakay ni Alejandro na obispo ng Alejandria, sa kaniyang mga presbitero ‘Ang Pagkakaisa ng Trinidad’.  Inatake ng isa sa mga presbitero, si Ario, isang asetikong iskolar at bantog na mangangaral, ang sermon sapagkat naniniwala siya na hindi nito napanindigan ang pagkakaiba ng mga persona sa pagkadiyos. …Iginiit ni Ario, sa pagsuporta ni Eusebio ng Nicomedia (iba sa Eusebio ng Caesaria) at ng minorya ng mga naroon, na si Cristo ay hindi nagbuhat sa walang hanggan kundi may pasimula sa pamamagitan ng paglalang ng Diyos bago dumating ang kapanahunan.  Siya’y naniniwala na si Cristo ay may ibang esensiya o kasiyangaan kaysa sa Ama.  Dahil sa kalinisan ng kaniyang buhay at sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, si Cristo ay dapat na ituring na banal.  Subalit naininiwala si Ario na si Cristo ay isang nilalang, nilikha mula sa wala, mababa kaysa sa Ama at may esensiyang iba sa Ama.  Hindi Siya kapantay ng Ama.  Para kay Ario, si Cristo ay banal subalit hindi Diyos.” (Christianity Through The Centuries:  A History of the Christian Church, pp 143-144)




Ang hidwaan nina Ario at ng kaniyang Obispo na si Alejandro tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay nagpapatunay lamang na hanggang sa ikaapat na siglo ay wala pa ring malinaw at pormal na doktrina ukol sa pagiging Diyos ni Cristo. Tinutulan ni Ario ang aral na ito sapagkat naniniwala siya na si Cristo ay iba sa Ama na Siyang tunay na Diyos.  Ayon kay Ario, si Cristo ay nilalang at may pasimula; mayroon Siyang esensiya o kasiyangaan na iba sa Ama at hindi siya kapantay ng Ama.  Pinaninindigan ni Ario ang tamang doktrina na “si Cristo ay banal subalit hindi Diyos.”  Ayon pa kay Ario:



 “…kung ang Diyos Ama at ang Anak ay parehong Diyos, kung gayon ay may dalawang diyos, na nangangahulugang ang Cristianismo ay hindi isang monoteistikong relihiyon”(Ancient Medieval History:  The rise of classical culture and the development of medieval civilization, p. 394).



Ang paninindigan ni Ario tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay tuwirang kasalungat ng paniniwala ng kaniyang obispo “…na mariing naninindigan na si Jesucristo ang Walang Hanggang (Ama) Diyos na nasa anyo ng isang tao at anomang kasalungat na paniniwal ay dapat na ituring na erehiya” (When Jesus Became God, p.56).



Kung paano lumawak ang alitan ng dalawa bunga ng kanilang magkasalungat na paniniwala ay isinalaysay sa mga sumusunod:



   “Ang hidwaan ay naging lubhang mapait na anupa’t ipinakondena ni Alejandro si Ario sa pamamagitan ng isang synod.Si Ario ay nanganlong sa palasyo ni Eusebio, obispo ng Nicomedia,… Dahil sa ang hidwaan ay nakasentro sa Asya Menor, ito’y naging panganib sa pagkakaisa ng Imperyo at gayundin ng Iglesia.” (Christianity Through The Centuries A History of the Christian Church, p. 143)



Ang lumalalang hidwaan sa pagitan nina Alejandro at Ario ay nakarating sa kaalaman ni Emperador Constantino.  Natawagan ng pansin ang emperador sapagkat sinabi sa kaniya ng kaniyang mga tagapayo na ang hidwaan ay magsasapanganib sa pinapangarap niyang kaisahan ng kaniyang imperyo.  Dahil dito, iniutos ng emperador na siyasatin ang kontrobersiya.Kaya, ipinatawag niya ang kaniyang pinakamalapit na tagapayong Cristiano na si Hosius ng Cordova at pinapunta sa Alejandria upang alamin ang mga pangyayari at magbigay ng ebaluwasyon at rekomendasyon sa kaniya.  Dala ang liham ng emperador na nakaukol kapuwa sa magkatunggaling sina Ario at Alejandro, nagsagawa ng pagsisiyasat si Hosius (When Jesus Became God:  The Epic Fight Over Christ’s Divinity in the Last Days of Rome, pp. 46-47, 49).  Ganito ang naging resula ng kaniyang ginawang pagsisiyasat:




     “Nagpasiya si Hosius.  Susulat siya kaagad upang sabihin sa emperador na hindi na maaari ang pagkakasundo.  Ang erehiyang Ariano ay hindi na rin maaaring pahintulutan o mapagbigyan.  Kailangan na itong sugpuin.  Kasabay nito ay magrerekomenda siya ng isang istratehiya upang wakasan ang pagkakabaha-bahagi sa komunidad Cristiano sa pinakamabilis at pinakatiyak na paraan. …Matagal nang pinag-uusapan ng mga obispo sa Silangan na kailangan na ang isang pangkalahatang konsilyo upang harapin ang ilang mga isyu na bumabagabag sa mabilis na lumalagong Iglesia.  Irerekumenda ni Hosius na si Constantino ay tumawag ng isang gayong konsilyo sa tagsibol, na lalong kanais-nais kung doon isasagawa sa isang lunsod na hindi kalayuan sa kaniyang punong himpilan—marahil sa Ancyra (Ankara) na doon ang obispo na si Marcellus ay isang maalab na tagasalungat ni Ario at ng dalawang Eusebio.  Magagamit ng emperador ang konsilyo upang himukin ang mga natitipong obispo na kondenahin ang Arianismo.” (Ibid., pp 64-65)



Ang pagtawag ng konsilyo


Batay sa mungkahi ni Hosius pagkatapos na masiyasat na hindi na maaaring pagkasunduin pa ang magkabilang panig, tumawag si Emperador Constantino ng pangkalahatang konsilyo ng mga obispo. Ganito ang nakatala sa kasaysayan:

   


" Sumunod, tumawag si Constantino ng isang konsilyo ng mga obispo upang lutasin ang hidwaan.  Ang konsilyong ito ay nagpulong sa Nicea sa mga unang araw ng tag-init ng 325.  Tatlong daang obispo ng Iglesia ang dumalo, subalit di lalabis sa sampu ang magmula sa Kanlurang bahagi ng imperyo.  Ang emperador ang namuno sa konsilyo at siyang nagbayad ng mga gugulin nito.  Sa unang pagkakataon, nasumpungan ng Iglesia ang kaniyang sarili na pinangibabawan ng liderato pampulitika ng pangulo ng estado.” (Christianity Through the Centuries:  A History of the Christian Church, p. 143)



Dahil ang nagpatawag ng Konsilyo ay si Constantino sa hangaring pagkaisahan ang kaniyang imperyo, hindi kataka-takang siya rin ang nagbayad ng gugulin ng mga delegadong obispo.  Subalit sa isyu ng doktrina na pinagtatalunan, ang emperador ay walang nalalaman at naiintindihan, gaya ng pinatutunayan ng mga salaysay sa kasaysayan:




 “Ang unang emperador na naging Cristiano, si Constantino ay walang anomang nauunawaan sa mga katanungang pinag-uusapan sa teolohiyang Griyego.  Ang kontrobersiya sa doktrina ng Trinidad ay itinuring lamang niya na isang walang kabuluhang pagtatalo ng mga teologo, na maaaring iwasan sa pamamagitan ng di pagpansin sa lahat ng haka-haka at sa pamamagitan ng sama-samang pamumuhay na may pag-ibig at mabuting samahan  Kaalinsabay nito, ang inaalaala ni Constantino ay kung paano pangangalagaan o panunumbalikin ang katahimikan ng Iglesia.  Tutal, ang Iglesia ay may mahalagang gampanin na tutuparin sa kaniyang imperyo.” (A Short History of Christian Doctrine:  From the First Century to the Present, p.51)


Maliwanag na ang isinaalang-alang ni Constantino ay hindi ang tamang doktrina para sa Iglesia kundi ang kapayapaan at katahimikan ng kaniyang imperyo at ang malaking papel na ginagampanan ng Iglesia para ito ay maisiguro.  Kaya’t ang kaniyang pakikialam ay bunsod ng pangangailangang pampulitika sapagkat ayaw niyang magkawatak-watak ang kaniyang imperyo dahil lamang sa isang isyu ng doktrina na inaakala niyang pwede namang malutas sa simpleng pag-uusap ng mga obispo.  At para maisiguro ang pagdalo ng mga obispo at maisagawa ang kaniyang gusto, ganito ang kaniyang ginawa:



     “…Tinawag ang Konsilyong ito ng Emperador Constantino sa pamamagitan ng mga sulat na may kasamang regalo, ngunit ang mga sulat ay naglalaman din ng pananakot.” (ANG KABANALBANALANG ISANGTATLO:  Ang Diyos ng mga Kristiyano, p. 107)



Mula pa lamang sa pagpapatawag sa mga obispong dadalo sa konsilyo ay ginamit na ng emperador ang kaniyang impluwensiya.  Upang mapuwersa ang mga obispo na tumugon sa kaniyang panawagan, sila ay kaniyang niregaluhan at sinulatan na may halong pananakot.  Kung paano ginamit ng emperador ang kaniyang kapangyarihan upang maimpluwensiyahan niya ang konsilyo ay ganito ang sinasabi ng kasaysayan:



     “Sa unang pagkakataon sa kaniyang kasaysayan, ang Cristianismo sa Imperyo ng Roma ay hindi na siyang pinag-uusig na relihiyon… Sa panlabas na pananaw, ang pagbabago sa situwasyon ay maliwanag na naramdaman ng mga obispo  dahil sa katotohanang hindi na nila kailangan pang kumilos nang palihim o mangailangan pang gumamit ng karaniwang paraan ng paglalakbay upang dalawin ang isa’t-isa.  Ngayon ay mayroon na silang pribilehiyo na dumalo sa konsilyo sa pamamagitan ng transportasyong bigay ng estado, na siyang paraan ng paglalakbay na inilalaan sa mga may ranggong opisyal ng estado.  Sa Nicea, pinagkalooban ng emperador ng matutuluyan ang mga obispo sa kaniyang palasyo.  Doon din ginanap ang mga talakayan at sa harap pa mandin ng emperador. … Madaling maintindihan kung ipinakita man ng mga obispo ang kanilang utang na loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kagustuhan ng emperador. Sa loob ng mahabang panahong pag-uusap na ngayon ay isinasagawa sa Nicea, ang emperador ay ilang beses na nakialam nang personal.” (A Short History of Christian Doctrine, pp. 51-52)


Hindi nagkasya ang emperador na tumawag lamang ng konsilyo.  Hindi siya nasiyahang hayaan na lamang at ipaubaya sa mga obispo ang pag-uusap tungkol sa doktrina na dapat sampalatayanan at itaguyod ng Iglesia.  Siya ay personal na nakialam at ang kaniyang pakikialam sa konsilyo ay umabot hanggang sa pagbuo ng aral na dapat pagkaisahan ng mga obispo.  Sinasabi sa aklat ng kasaysayan na:




     “Ang emperador mismo ang nanguna sa napakahalagang pagpupulong, at siya ang nagpanukala ng salitang pagkakaisahan, ito ay ang homoousios (salitang Griyego para sa ‘mula sa iisang esensiya’), upang ilarawan ang kaugnayan ni Cristo sa Ama (bagaman mas malamang na ang nagmungkahi nito sa kaniya ay si Hosius ng Cordova, isa sa kaniyang mga tagapayo sa mga bagay na may kinalaman sa Iglesia).” (Eerdsman’s Handbook to the History of Christianity, p. 134)


Ang iminungkahi ni Constantino na pagkaisahan ng mga obispo, bagaman wala naman siyang naiintindihan tungkol sa teolohiyang Griyego, ay ang pormula ng doktrina na nagpapahayag na si Cristo at ang Diyos ay may iisang esensiya.  Sa pormulang ito ay malinaw na nais niyang pagkaisahan ng mga obispo ang pagiging Diyos ni Cristo:



     “Ito ang nangyari sa Nicea.  Mga anim na linggo pagkatapos ng pagbubukas ng konsilyo, noong Hunyo 19, 325, iginiit ni Emperador Constantino na ang lahat ng obispo na dumalo ay dapat iendorso ang isang bagong kredo na nagpapahayag na si Cristo ay Diyos at kumukondena kay Ario.  Sinomang hindi lalagda sa dokumentong ito ay ititiwalag at ipatatapon.” (The Jesus Establishment, p. 173)


 Malinaw na kaya nangibabaw ang aral na si Cristo ay Diyos ay hindi dahil sa ito ang tamang aral ng Biblia kundi ito ang ipinilit ng emperador at sinoman sa mga obispong delegadong naroon ang hindi sasang-ayon ay papatawan ng parusang pagtitiwalag at pagpapatapon.  Hindi naman kataka-takang ang igiit ni Constantino ay ang aral na si Cristo ay Diyos upang mapanatili niya ang kapayapaan at kaisahan ng kaniyang imperyo.  Para sa kanila, kung ang mga Emperador  Romano ay nagpapakilalang Diyos, lalo namang dapat kilalaning ganoon ang Tagapagligtas.  Ganito ang sinasabi sa aklat na Challenge of a Liberal Faith:



     “Ang konsilyo ay hindi magkaisa at pagkatapos ng dalawang taon, sa pagkainip sa pagkaantala, si Emperador Constantino ay humarap at nagsalita sa kapulungan, at kaniya silang inutusan na pagkaisahan ang pagka-Diyos ni Cristo (paano nga namang maaangkin ng emperador ang pagiging Diyos kung ito ay itatanggi sa Tagapaligtas?).”(p. 60)


Kaya, kahit pa ang doktrina ay labag sa Biblia, ang kredo tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo ay pinagtibay ng konsilyo at naging opisyal na aral ng Iglesia Katolika:



 “Kaya halimbawa, noon lamang 325 A.D. sa Konsilyo ng Nicea nang ipaliwanag ng Iglesia sa atin na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.” (Discourses on the Apostle’s Creed, p. 206)




Source :


Pasugo God’s Message
March 2004
Pages 16-19




Puntahan ang mga karugtong :


UNANG BAHAGI

HULING BAHAGI

Paano nila nilikha ang aral na si Cristo ay Diyos? (UNANG BAHAGI)









MALIWANAG NA ITINUTURO ng Biblia na tao ang likas na kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo at ang Kaniyang pagiging tao ay nagpapatunay na hindi Siya Diyos.Ito ang aral na itinuro ng ating Panginoong Jesucristo (Juan 8:40) at ng Kaniyang mga apostol (Mat. 1:18; I tim. 2:5; Gawa 2:22; Sant. 5:6, Salin ni Juan P. Trinidad), na siya namang natutuhan at itinaguyod ng mga unang Cristiano.



 Subalit dumating ang panahong may bumago sa aral na ito at ginawang Diyos ang ating Panginoong Jesucristo.  Dahil sa ang aral na si Cristo ay Diyos ay hindi naman matatagpuan sa Biblia, susuysuyin natin sa mga dahon ng kasaysayan sa labas ng Biblia kung paano ito nabuo at naging aral ng mga nagpapakilalang “mainstream Christianity” sa pangunguna ng Iglesia Katolika at mga Iglesiang Protestante.



Paano nga ba nabuo ang aral na si Cristo’y tunay na Diyos, gayong hindi naman ito matatagpuan sa Biblia at hindi ito ang paniniwala ng mga unang Cristiano?  Sino ang ipinakilala ng kasaysayan na unang nagturo ng aral na si Cristo ay Diyos?Ganito ang salaysay sa atin ng isang manunulat na Katoliko:



     “Ang kauna-unahang panahong nalalaman na si Jesus ay diniyos ay pagkatapos ng mga manunulat ng Bagong Tipan, sa mga sulat ni Ignacio, sa pasimula ng ikalawang siglo.” (Systematic Theology, p. 305)



Hindi dapat na ipagtaka kung pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay may lumitaw na ibang aral tungkol kay Cristo—na Siya diumano ay Diyos—sapagkat noon pa mang nabubuhay ang mga apostol ay mayroon nang nangangaral ng ibang Jesus na hindi nila ipinangaral at may ilang kapatid na naaakit na sa gayong mga pangangaral.  Sinabi ni Apostol Pablo:



     “Ngunit nangangamba ako.  Baka mailayo kayo sa inyong tapat at dalisay na pananalig kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.  Pagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumating at mangaral ng Jesus na iba sa Jesus na ipinangaral namin sa inyo, at tinatanggap ang espiritung iba sa itinuro namin sa inyo, at pinaniniwalaan ang ebanghelyong iba sa iniaral namin sa inyo.” (II Cor. 11:3-4, New Pilipino Version)




Ang ganitong obserbasyon ng mga apostol ay binabanggit din ng ilang mga mananalaysay sa kasaysayan ng Iglesia.  Ganito ang nakatala sa Eerdman’s Handbook to the History of Christianity:



     “Kung babasahin natin ang sulat ni Apostol Pablo sa iglesia sa Corinto, malinaw na maraming suliranin ang kinakaharap ng Iglesia sa mismong kalipunan ng kaniyang mga kaanib.  Ang ibang mga sulat ni Pablo ay nagpapakilala rin ng papalagong mga kontrobersiya at pag-aagawan ng kapangyarihan. …  Sinubukan ng ilang mga tao na pagsamahin ang mga paniniwalang Cristiano at di-Cristiano.  Sa unang sulat ni Juan ay binabanggit ang mga minsan ay kasama sa komunidad ng mga Cristiano subalit ngayon ay nangahiwalay.  Kanilang itinanggi ang pagiging totoong tao ni Cristo.” (p. 73)



     Sa panahon pa ng mga apostol ay mayroon nang mga pagtatangkang baguhin ang aral tungkol kay Cristo sa pagtatangging  Siya ay tao.  Sila ay tinawag ni Apostol Juan na mga magdaraya at anti-Cristo:



  “Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya—mga taong hindi nagpapahayag na si Jesu-Cristo’y naging tao.  Ang gayong mga tao ay magdaraya at anti-Cristo.” (II Juan 1:7, Magandang Balita Biblia)




Unti-unting binuo




Ang aral tungkol sa ibang Jesus na hindi itinuro ng mga apostol ay unti-unting ipinasok sa Iglesia.  Una ay may mga nagturo ng aral na tumatangging tao si Cristo.  Nang lumaon ay lumitaw ang aral na Siya ay Diyos sa mga sulat ni Ignacio pagkamatay ng mga apostol.  Gayunman, ang umuusbong na paniniwalang ito ay hindi agad tinanggap ng mga Cristiano noon gaya nang mababakas sa tinaglay nilang kaisipan at paniniwala:



     “Ang karaniwang Cristianismo… ay kumilos sa higit na mga payak na kaisipan.  Ganap na tapat kay Cristo, kinilala nito siya, unang-una bilang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos at tagapaghayag ng isang bagong batas ng simple, marangal at mahigpit na moralidad.  Ito ang palagay ng mga tinatawag na ‘Apostolic Fathers’, maliban kay Ignacio…” (A History of the Christian Church, p. 37)



 Sinasabi rin na




“… maging ang Didache, o ang ‘Ang mga turo ng Labindalawang Apostol’, na pinakamatandang bantayog pampanitikan ng kauna-unahang panahong Cristiano sa labas ng Bagong Tipan,… ay hindi nagtataglay ng pormal na pagpapahayag ng pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesucristo…” (The Divine Trinity:  A Dogmatic Treatise, p. 150)



Kaya maging sa panahong kamamatay pa lamang ng mga apostol ay hindi tinatanggap ng karamihang Cristiano ang aral na si Cristo ay Diyos.  Ang ganitong masidhing pagtutol sa maling aral na ito ay nagpatuloy hanggang sa ikaapat na siglo ayon sa salaysay ng aklat na The Philosophy of the Church Fathers:



     “Ang katotohanan na hanggang noong ika-apat na siglo, ay may mga nasa loob ng Cristianismo na sa kabila ng pagtanggap sa mga sulat ni Pablo at sa ebanghelyo ni Juan, ay tumututol pa rin sa pagiging Diyos ng Cristong eksistido na nong una pa, ay magpapahiwatig na walang makukuha sa mga kasulatang ito na malinaw na katibayan ng paniniwala sa panig ni Pablo at Juan na ang Cristo na eksistido noong una pa ay Diyos sa literal na kahulugan ng salita.” (Vol. I, pp. 306-307)



Maging pagkatapos na pagkatapos ng panahon ng mga apostol, hindi tinanggap ng marami ang aral tungkol sa ‘ibang Jesus’.  Sa mga tinatawag na ‘apostolic fathers,” mga manunulat sa Iglesia pagkatapos ng mga apostol, tanging si Ignacio lamang ang nagturo na si Cristo ay Diyos subalit ang aral na ito ay tinutulan hanggang sa ikaapat na siglo.  Ang pagtutol ng marami sa aral na ito ay sa dahilang hindi ito itinuro ng mga apostol at walang mababasang ganito sa kanilang mga sulat.  Ang pag-iral ng aral na ito sa Iglesia at ang pagkabuo nito ay unti-unti, ayon sa patotoo ng isang paring Katoliko:




“Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus sa impluho ng mga ibang relihiyon.” (At Nagsalita Ang Diyos sa Pamamgitan ng Kanyang Anak, p. 181)



 Sinasabi rin ng manunulat na paring Jesuita na sa unti-unting pagbalangkas ng Simbahang Katoliko ng aral na si Cristo ay Diyos, sila ay naimpluwensiyahan ng ibang mga relihiyon.



Kung paano naimpluwensiyahan




Pagkatapos ng panahon ng mga apostol, ang Iglesia ay nakaranas hindi lamang ng pag-uusig kundi maging ng pagtuligsa ng mga paganong relihiyon.  Ganito ang patotoo ng kasaysayan:



 “Tinuligsa at inusig ng mga pagano ang mga Cristiano.  Nagpakalat sila ng mga bulaang kuwento tungkol sa mga Cristiano, pinaratangan sila ng mga nakapangingilabot na krimen, at nilabo ang mga aral ng Cristianismo.  Bilang tugon, ang ilang Cristiano ay sumulat ng mga aklat.  Sapagkat sa mga aklat na iyon ay ipinagsanggalang ng mga manunulat na iyon ang Cristianismo, sila ay tinawag na mga Apologists.Ang apologist ay isang tao na ipinagsasanggalang yaong pinaniniwalaan niyang katotohanan.” (The Church in History, pp. 15-16)



Sa pagtuligsa ng mga pagano sa mga Cristiano, kasama rito ang pagpapalabo sa mga aral na kanilang sinasampalatayanan.  Sinagot naman sila ng mga tagapagtanggol ng Cristianismo na kung tawagin ay mga apologists.  Ang ilan sa mga sumulat ng tuligsa laban sa kanila na kanilang sinagot ay mga taong ang kaisipan ay nakahilig sa pilosopiya.  Ganito ang sinasabi sa kasaysayan:



     “Kaalinsabay nito, hindi naiwasan ng Cristianismo na magdanas ng maraming nakasulat na tuligsa ng ilan sa pinakamatatalinong tao ng panahong iyon, tulad nina Luciano, Porpirio, at Celso, mga lalaking ang isipan ay nakahilig sa pilosopiya, na nagpukol ng kanilang mga pag-upasala laban sa relihiyong Cristiano.” (The History of Christian Doctrines, p.43)



Sa mga nabanggit na manunuligsa sa mga Cristiano, si Celso ang umatake sa kanilang paniniwala at paninindigan tungkol kay Cristo.  Ang kaniyang mapangutyang tuligsa sa kanila ay nakatuon sa pagsambang iniuukol nila kay Cristo:

  

   “Kaya, iginigiit ni Celso, isang mapangutyang pilosopong pagano ng ikatlong siglo na ang mga Cristiano ay walang karapatang tuligsain ang pagkilala sa maraming diyos sa daigdig ng mga pagano dahil sa ang kanila mismong pagsamba kay Cristo ay poleteistiko.  Kaniyang sinabi, ‘ang mga Cristiano ay walang sinasambang Diyos; wala, ni demonyo, kundi isa lamang patay na tao… Kung ayaw nilang sumamba sa mga diyos ng pagano’, ang sabi niya, ‘bakit hindi na lamang nila iukol ang kanilang pamimintuho sa ilan sa kanilang mga propeta kaysa isang tao na ipinako sa krus ng mga Judio?’” (The Faith of Millions, pp. 98-99)




Pagkalipas pa ng pitumpung taon nasagot  ang tuligsa ni Celso tungkol sa  pagsamba ng mga Cristiano kay Cristo (The Church in History, p. 17).  Ito ay sinagot ng isang apologist ng Iglesia na si Origen, isang teologong isinilang sa Alexandria sa Egipto at nabuhay noong huling bahagi ng ikalawang siglo hanggang sa kalahati ng ikatlong siglo, sa sinulat niyang aklat na “Against Celsus.”  Subalit sa halip na isagot ni Origen ay ang sinabi ni Apostol Pablo na kaya sinasamba ng mga Cristiano si Cristo ay hindi dahil sa Siya ay Diyos, kundi ipinag-utos ng Diyos na Siya ay sambahin (Fil. 2:9-11), sinabi niyang karapa-dapat sambahin si Cristo sapagkat Siya raw ay Diyos.  Nakatala sa kasaysayan ang ganito:



     “Ipinagsanggalang ni Origen, na pinakadakila sa mga unang manunulat Cristiano, ang mga Cristiano sa tuligsa ni Celso.  Ito ay kaniyang ginawa hindi sa pamamagitan ng pagkakaila sa paratang na sila’y sumasamba kay Cristo, kundi sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang Tagapagligtas ay karapatdapat sa gayong pagsamba sapagkat Siya ay Diyos.” (p. 99, Ibid.)




 Ang ipinahayag ni Origen na si Cristo raw ay Diyos ay labag sa turo ng mga apostol at hindi ito ang paniniwala noon ng mga Cristiano sa kaniyang panahon.  Mapapatunayan ito sa pahayag ng isa sa kaniyang mga kakontemporaryo, si Tertuliano, na isang African Latin Theologian na sumulat ng maraming mga aklat tungkol sa aral Cristiano (kung kaya’t kinikilala siya bilang isa sa mga Church Fathers o Ama ng Iglesia Katolika).  Ayon kay Tertuliano, sa kanilang kapanahunan, ikalawa hanggang sa ikatlong siglo, ang paniniwala ng karamihan tungkol kay Cristo ay Siya ay tao at hindi Diyos  Ganito ang ipinapahayag ng tala ng kasaysayan:




     “Sinulat ni Tertulliano (160-230 A.D.), isa sa mga pinakabantog na Ama ng Iglesia, na sa kaniyang kapanahunan, ‘ang mga karaniwang tao ay naniniwalang si Cristo ay tao’.” (Challenge of a Liberal Faith, p. 63)



Sa mga tala ng kasaysayan na ating sinipi ay makikita na sa panahon pa ng mga apostol ay mayroon nang umuusbong na paniniwala tungkol kay Cristo, na iba sa kanilang itinuro.  At ito ay nasundan pa pagkamatay ng mga apostol, sa mga pahayag nina Ignacio at Origen. Gayunman, hindi iyon ang paniniwala ng mga Cristiano noon bagkus ang namamalaging paniniwala ng mga Cristiano hanggang noong panahong iyon ay tao si Cristo.



Source :




Pasugo God’s Message

February 2004
Pages 21-23



Puntahan ang mga karugtong :



IKALAWANG BAHAGI
HULING BAHAGI