"Ang pangalan ay mahalaga"
Ito ang itinatawag at isa sa ikakakikilala ng isang tao, bagay, lugar,o organisasyon.
Nang lalangin ng Dios ang unang tao, siya ay binigyan Niya ng Pangalan-ADAN. Ang babae na ibinigay ng Dios na makasama ni Adan ay binigyan niya ng Pangalan---EVA. Ang mga hayop na nilalang ng Dios ay binigyan din ni adan ng mga Pangalan (Gen. 2:20).
Sa Biblia, malimit na ang Pangalan ay may kahulugan tulad ng pangalang Adan na ang kahulugan ay tao. Ang pangalang Eva ay nangangahulugang ina ng lahat ng nabubuhay (Gen.3:13). Matapos patayin ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, ang ipinanganak ni Eva ay pinangalanang Set na ang kahulugan ay ITINAKDA o KAHALILI. Naaangkop ang pangalang ito sapagkat si Set ang naging kahalili ni Abel. Iilan lamang ito sa mga halimbawa ng mga pangalang ibinigay na may kaugnayan sa mga pangyayari noong una.
ANG PANGALAN NG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO
Ang isa sa mga ikakikilala sa tunay na iglesia na itinatag ni Cristo ay ang pangalan. Ano ang pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo at anu-ano ang ipinakikilala ng pangalang ito? Sa Roma 16:16 ay ganito ang nakasulat :
Roma 16:16
" Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo. "
Sa Bagong Tipan, ang pangalang opisyal na itinawag sa Iglesiang itinatag ni Cristo ay Iglesia ni Cristo. Angkop na angkop ang pangalang ito sa pahayag ni Cristo:
"...itatayo ko ang aking iglesia "(Mat.16:18).
Ipinakilala ng Pangalang Iglesia ni Cristo ang pagmamay-ari ni Cristo sa Iglesia. Ipinakikilala rin nito ang pagkakaugnay ni Cristo at ng Iglesia:
" At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia." (Col.1:18)
Bukod sa mga nabanggit, ipinakikilala rin ng pangalang Iglesia ni Cristo ang kaugnayan nito sa kaligtasan:
Gawa 4:12
" At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas. "
Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa pangalan ni Cristo. Marapat lamang, kung gayon, na ang Iglesia na itinatag Niya ay tawagin na sunod sa pangalang Cristo---Iglesia Ni Cristo---sapagkat ito ang ililigtas ni Cristo:
Efeso 5:23, MBB
" Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. "
PATOTOO NG IBA'T IBANG RELIHIYON
Isang PARING JESUITA na si Francis B. Cassilly ay nagpapatotoo na ang itinatag ni Cristio ay tinawag na Iglesia ni Cristo o church of christ. Ganito ang kaniyang isinulat:
" 5. Si Jesucristo ba ay nagtatag ng Iglesia? Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, kapuwa panlupa at hindi pangkabanalan, mula sa biblia na kinikilalang isang makataong kasulatan, ating nalaman na si Cristo ay nagtatag ng isang Iglesia, na mula sa kauna-unahang panahon ay tinawag na sunod sa Kaniyang pangalan, ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo." [ Religion Doctrine and Pracrice, pp. 442-443]
Maging ang Prorestante na si Myer Pearlman ay nagpapatotoo rin na Iglesia ni Cristo ang itinatag ni Cristo. Tunghayan natin ang kaniyang sunulat:
"....hinulaan ni Cristo ang pagtatatag ng isang bagong kongregasyon o iglesia, isang institusyung sa Dios na dapat magpatuloy ng Kaniyang gawain sa mundo. Mat.16:18. Ito ang Iglesia ni Cristo...." [knowing the doctrines of the bible, p. 349]
Si James E. Talmage ng Mormon Church ay nagbigay rin ng patotoo na Iglesia ni Cristo ang wastong pangalan ng Iglesia na itinatag ni Cristo:
" Ipinagkaloob niya ang kapangyarihan sa Iglesia,ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagtawag sa organisasyon sa pangalang marapat dito---Ang Iglesia ni Cristo...."[The Great Apostasy, p. 12]
Si John Hus na sinundan ng mga repormador ay nagpapatotoo rin na Iglesia ni Cristo ang itinatag ni Cristo:
" ' At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang Aking Iglesia, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi makapananaig laban sa kaniya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang talian ninyo sa lupa ay tatalian sa langit at anumang kalagan ninyo sa lupa ay kakalagan sa langit' . Binabanggit ng Ebanghelyo rito ang tungkol sa Iglesia ni Cristo,ang kaniyang pananampalataya at ang kaniyang pundason at awtoridad. Ang Iglesia ay tinutukoy ng mga salitang,' itatayo ko ang aking iglesia' ." [Forerunners of the Reformation:The Shape of Lateb Medieval Thougt, p. 231]
IBA PANG KATAWAGAN SA IGLESIA
Itinatanong ng iba:
" Kung Iglesia ni Cristo ang pangalan ng tunay na iglesia, bakit sa Bagong Tipan ay may mababasa na IGLESIA NG MGA BANAL? "
Totoong sa Bagong Tipan ay may iba't ibang katawagang gamit upang tumutukoy sa Iglesia ni Cristo. Isa na rito ang "IGLESIA NG MGA BANAL" (1Cor.14:33). Subalit ang katawagang ito ay hindi siyang opisyal na pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo, kundi, tumutukoy lamang ito sa uri ng mga kaanib nito :
1 Corinto 6:11
" At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios. "
Ang "Iglesia ng mga banal" ay katawagang tumutukoy sa uri o katangian ng mga kaanib sa Iglesia, sila ay binanal. Sila ay pinapaging banal kay Cristo (1Cor. 1:2) at tinawag upang mangagpakabanal (Roma 1:7). Sila ay pinili upang maging banal at walang dungis sa pagibig (efeso 1:4).
May mababasa rin sa Bagong Tipan na " IGLESIA NG MGA PANGANAY"( Heb.12:23).
Hindi rin ito tumutukoy sa pangkalahatang pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo. Bagkus,ito ay tumutukoy sa mga judio na panganay o mga unang kaanib sa Iglesia na itinatag ni Cristo. Tinatawag din silang pangunahing bunga (Apoc.14:4). Kaya ang "Iglesia ng mga panganay" ay katawagang tumutukoy sa isang bahagi o lahi ng mga kaanib sa Iglesia---ang mga judio.
Mayroon ding mababasa sa Bagong Tipan na:
"Iglesia ng Galacia" (Gal.1:2)
" Iglesia ng Macredonia" (2Cor.8:1)
" Iglesia ng mga Gentil" (Roma 16:14)
" Iglesia ng Dios na nasa Corinto" (1Cor.1:2)
" Iglesia na nasa Antoquia" (Gawa 13:1)
" Iglesia na nasa Jerusalem" (Gawa 8:1)
At marami pang iba. Ang lahat ng ito ay tumutukoy hindi sa kabuuan ng Iglesiang itinatag ni Cristo, kundi sa mga lokal o mga dako na narating ng Iglesia ni Cristo sa panahon ng mga apostol. Sa katunayan, hindi angkop na tawaging " IGLESIA NG MGA GENTIL" Ang mga Judio na naging kaanb sa Iglesia. Gayundin naman, hindi angkop na ang Iglesia na nasa Jerusalem ay tawaging "Iglesia ng Macedonia" . Ngunit angkop na itawag sa mga kaanib sa Iglesia na itinatag ni Cristo saan man silang dako naroon ang pangalang Iglesia ni Cristo (Roma 16:16).
IGLESIA NG DIOS, ' CRISTIANO'
Sa bagong Tipan, lalo na sa mga sulat ni Apostol Pablo, maraming beses at ulit na tinawag ding "IGLESIA NG DIOS" ang iglesia na itinatag ni Cristo :
1Cor. 1:2; 11:12; 15:9; 2Cor. 1:1; Gal.1:13; 1Tim.3:5,15
Dapat mapansin na sa bawat pagkakataon na ginamit ni Apostol Pablo ang "Iglesia ng Dios", ito ay lagi niyang pinapatungkol sa mga Gentil na kaanib sa IGLESIA NI CRISTO. Ang tinatawag na na GENTIL ay hindi kabilang sa mga israelita at itinuturing na walang Diyos(Efe.2:12).
Dati ay hindi sila bayan ng Dios(Roma 9:24-25,MB) at hindi sila kumilala sa tunay na Dios (1Tes.4:5) sapagkat iniligaw sila ng mga piping Diosdiosan (1Cor.12:2).
Subalit ng sila ay maging kaanib sa Iglesia na itinatag ni Cristo, hindi na sila ibinibilang na TAGA IBANG BAYAN (Efe.2:19) sapagkat sila ay kinikilala na ng Dios bilang bayan Niya (Roma 9:24-25,MB). Samakatuwid, ang katawagang IGLESIA NG DIOS ay ginamit upang bigyang diin sa mga Gentil na umanib na sila ay sa Dios na.
Ang terminong "CRISTIANO" ay ginagamit din patungkol sa IGLESIA NI CRISTO". Ang unang pagkakataon na tinawag na Cristiano ang mga kaanib sa Iglesia ay noong makarating sa Antoquia (Gawa 11:26). Bagaman sa panahon ngayon ito ay ginagamit ng iba para tumukoy sa iba't ibang iglesia o samahang pangrelihiyon na nag-aangking sumampalataya sila kay Cristo, ang salitang "Cristiano" ay nagmula sa pangalang "Cristo" at angkop na ikapit sa mga taong sumusunod sa mga aral o salita ni Cristo [The Compact Dictionary of Doctrinal Words, p.56]
Walang alinlangan na ang pinakaugat ng salitang "Cristiano" ay ang pangalang "Cristo". Subalit dapat maunawaan na, hindi magiging angkop na tawaging Cristiano ang isang tao kung hindi siya kaanib Sa Iglesiang itinatag ni Cristo-Ang Iglesia ni Cristo. Maging ang mga awtoridad Katoliko ay ganito rin ang ipinahayag:
" Sinuman siya at anuman siya, siya na wala sa Iglesia ni Cristo ay hindi isang Cristiano."[ The Papal Encyclicals, p. 39]
" Hindi kita ibibilang na isang Cristiano malibang makita kita sa Iglesia ni Cristo." [ The Cinfession of St. Augustine, p. 117]
para sa karagdagang patotoo e click:
Maliwanag na ang pangalan ng tunay na Iglesia , ang Iglesia sa Bagong Tipan, ay Iglesia ni Cristo. Isa ito sa mga pagkakilanlan sa tunay na Iglesiang pag-aari at itinatag ni Cristo. At yayamang malaki ang kaugnayan ng pangalang ito sa kaligtasan, ito ang Iglesiang dapat na hanapin ng tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento