Mga Pahina

Miyerkules, Enero 7, 2015

PAG-IBIG AT PAGMAMALASAKIT SA KAPATID



Gaano ba kahalaga sa atin ang PAGMAMALASAKIT sa isang Kapatid lalo na sa pananampalataya? DAPAT PO BA TAYONG MAGSAWA SA PAGPAPAALA-ALA? Nais ko muli magbahagi ng PAALAALA sa kabuuan, kung sa paanong ang pagsusumikap ng PAMAMAHALA na walang sawa na igayak ang lahat sa PUSPUSANG PAGBABAGONG BUHAY, ay ganoon nila kamahal ang KAPATIRAN sa buong Iglesia.


Alam natin, na ang isa sa pangunahing aral sa loob ng Iglesia ni Cristo ay ang nauukol sa PAG-IIBIGANG MAGKAKAPATID. Ang pag-ibig sa kapatid ay napaptunayan at nahahayag sa pamamagitan ng GAWA at hindi ng salita lamang. AGREE DIN KAYO, TAMA PO BA? . Hindi nagkakapootan ang magkakapatid na nag-iibiga. Hindi gumagawa ng masama ang sinuman sa kaninuman. Sa halip, ang nakikita sa kanila ay ang pagdadamayan , nagtutulungan ang isa't isa sa abot ng makakaya lalo na sa panahon ng matinding kalamidad.

Subalit, hindi sa gayong paraan lamang natin mapatutunayan ang pag-ibig sa ating mga kapatid. Kung may nakikita tayong NASA PAGSUWAY o hindi nabubuhay nang ayon sa mga aral na itinuro sa atin, mayroon ding inaasahan ang Dios na ating GAWIN.

UNA :

ANO PO BA ANG DAPAT GAWIN KUNG MAY MASUMPUNGAN NA KAPATID NA NASA PAGSUWAY?

Ganito ang sabi ng mga Apostol:

" Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso. " Galacia 6:1


Kung may masumpungan tayong kapatid sa anumang pagsuway, ipakita at ipadama natin sa kaniya ang ating pagibig. HINDI MUMURAHIN AT ANONG MASASAKIT NA SALITA ANG IBABATO. Sa paanong paraan pala? Hindi sa pamamagitan ng pagkunsinti o pagtakip sa kaniyang kasalanan na anupa't tayo ay " MAGTAGO SA PIGING NG PAGIIBIGAN" (Judas 1:12). Bagkus, gaya ng ipinahayag ni Apostol Pablo, " PAPANUMBALIKIN ANG GAYON" at himukin natin na talikuran at iwaksi niya ang mga gawang kadiliman upang siya'y mabuhay nang matuwid at may kabanalan. Huwag natin siyang kamumuhian o lalayuan. Sa halip ay atin siyang kaawaan at matiyagang akayin hanggang sa siya'y makapanumbalik.


Ano pa ang turo ni Apostol Pablo tungkol sa mga sumasalangsang?


" Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan,
At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban. " 2 Timoteo 2:25-26


Ang kapatid po na nasa pagsalangsang o pagsuway ay nasa silo o bihag ng Diablo kaya kailangang siyay KAAWAAN. Dapat nating mauunawaan na hindi rin nais ng Kapatid ang nangyari sa kaniya. Nadaig lamang siya at napagtagumpayan ng silo ng diablo. Paano natin siya maililigtas at mapapalaya sa silo ng diablo?

" SAWAYIN NA MAY KAAMUAN AT PAALALAHANAN NATING MAY PAGIBIG"

Upang madama ang ating buong pusong pagmamalasakit sa kaniya. Huwag natin siyang sumbatan, sigawan, murahin man o kagalitan. Buong giliw natin siyang payuhan na manumbalik sa aral ng Dios.

Napakahalaga ng gawang PAGBABALIK-LOOB ng isang makasalanan. Sa sulat ni Apostol Santiago ay maliwanag din ang ganitong sabi:

" Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y papagbaliking loob ng sinoman;
Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan. " Santiago 5:19-20



IKALAWA

Sa Anong Paraan naman papanumbalikin?

Nagturo si Apostol Pablo tungkol sa pagpapanumbalik sa Kapatid na nakagawa ng kasalanan:


" Ngunit huwag naman ninyo siyang ituturing na kaaway; sa halip, pangaralan ninyo bilang kapatid. " 2 Tes. 3:15, MBB


Huwag ituring na kaaway ang kapatid na nagkasala. Kapag nilayuan, kinamuhian, at itinuring natin siyang kaaway at hindi kapatid, paano natin siya mapanunumbalik? Gaano kasama naman kung ariin natin ang ating kapatid na kaaway at mapoot sa kaniya dahil sa siya'y nagkasala? Ganito ang sabi :


" Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan. " 1 Juan 3:15


Kaya, upang mapanumbalik natin ang kapatid na nasa pagsuway, huwag mawawala ang PAGIBIG natin sa kaniya. Kaawaan at sundin ang tagubilin na "PANGARALAN BILANG KAPATID"


IKATLO

ANO NAMAN ANG GAWIN DOON SA MAHIHINANG KAPATID?

Hindi po lamang ang mga kapatid na nasa pagsuway ang pananagutan ng bawat isa sa atin na akayin upang makapanumbalik. May mga kapatid naman tayong mahina pa sa pananampalataya kaya hindi pa nila lubos na napagtatalagahan ang kanilang paglingkod at pagsamba sa Dios. KAYA, ANO ANG DAPAT GAWIN?

" Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin." Roma 15:1, MB


Huwag po natin silang layuan o kaiinisan kung hindi natin makita sa kanila ang katulad na taglay nating kasiglahan at kalakasan sa pananampalataya. Maging matiyaga tayo sa pagdadala at pagtuturo sa mga kapatid nating mahihina pa sa pananampalataya,sa halip na kayamutan, may ipinamanhik ang mga Apostol na dapat nating sundin :

" At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. " 1 Tesalonica 5:14


Dapat nating pagmalasakitan ang ating mahihinang kapatid. Sapagkat, bilang mga kaanib sa tunay na Iglesia, kasama din naman silang pinamumuhunan ng buhay ng ating panginoong Jesucristo (1 Cor. 8:11).


IKAAPAT

SINO NAMAN ANG KAPATID NA DAPAT ITAKUWIL?

Ganito ang turo ng mga apostol:

" Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo;
Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang sarili. " Tito 3:10-11


Ang kapatid na may maling pananampalataya, kung ayaw magbago, ang sabi ay " PAGKATAPOS ... ITAKUWIL MO." Kaya ang ganito ay iniaalis o tinitiwalag sa Iglesia dahil itinakuwil nila ang tunay na pananampalataya, gaya ng nangyari sa unang kaanib ng Iglesia sa panahon ng Apostol :

" Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito'y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya:
Na sa mga ito'y si Himeneo at si Alejandro; na sila'y aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag mamusong. " 1 Timoteo 1:19-20

Sila ay ibinigay kay satanas upang hindi na makapamusong sa loob ng Iglesia, at amg kahulugan nito ay hindi sila maliligtas. Kaya, kaawaan naman natin ang mga kapatid na nakikita nating nasa pagsuway o mahina sa pananampalataya. Hindi sila maliligtas kung hindi sila makapanumbalik at hindi magpakatatag. Kung sila'y ating pagmamalasakitang papanumbalikin , mapatunayan natin ang pagibig natin sa ating KAPATID NA KAHAYAGAN NG ATING PAGIBIG SA DIOS (1Juan 4:21MB).


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento