Mga Pahina

Miyerkules, Hulyo 9, 2014

SAMPUNG UTOS SA IGLESIA NI CRISTO UPANG MAINGATAN ANG KALIGTASAN







SA PAGGUNITA NATIN NG IKA-100 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo sa buwang ito ang isang leksyun na mahalagang sariwain natin at pagbulayan ay yaong inihanay ng kapatid na Erano G. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia, at itinuro sa mga pagsamba noong unang linggo ng Disyembre 1996. Sa leksyong iyon ay inilahad ang " sampung utos" na dapat sundin ng bawat kaanib sa Iglesia Ni Cristo upang maingatan ang ating pag-asa sa kaligtasan.


Ang kautusang iyon ay hindi naglalayong palitan o baguhin ang sampung utos na ibinigay ng Dios noon kay Moises para sa mga Israelita. Manapa, iyon ay nagsisilbing isang pagpapahayag ng mga pangunahing simulain na itinaguyod ng tunay na Iglesia Ni Cristo sa ikatutupad ng layunin ng Dios na ang buong Iglesia ay maiharap sa Kaniya na nasa uring sakdal, banal at walang batik, at walang anumang dungis sa Araw ng Paghuhukom at sa gayon, bawat isa ay makaasa sa pangakong kaligtasan at buhay na walang hanggan.


(Palilinaw : Maraming utos ng Dios ang itinuturo at laging ipinaaalala ng Pamamamahala sa Iglesia upang maiharap sa Dios ang bawat isa na sakdal at magtamo ng kaligtasan. Ang inilalahad sa seryeng ito ay ang 10 mahahalagang utos na kailangang tuparin ng bawat kaanib sa Iglesia upang maingatan ang karapatan sa kaligtasan. Ang 10 utos na ito ay hindi gawa-gawa lamang kundi ang mga ito'y nakasulat sa Biblia---mga utos ng Dios na may kinalaman sa ikatitiyak ng kaligtasan kaya dapat tuparin)


Kaya sa artikulong ito ay sisimulan natin ang paglalahad ng 'sampung utos' sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo upang maingatan ang karapatan sa pagtatamo ng kaligtasan.



1.HUWAG MANLALAMIG ANG PAGIBIG SA DIOS

Dahil sa pagibig kaya isinugo ng Dios ang Kaniyang Anak na si Jesucristo upang tayo ay sumampalataya at nakipag-isa kay Cristo sa loob ng Iglesia na Kaniyang katawan ay matubos sa kasalanan, magtamo ng karapatang maglingkod sa Dios, at makaasa sa pangakong buhay na walang hanggan(Juan 3:16; Roma 8:1; Gawa 20:28, lamsa translation; Hebreo 9:14). Marapat lamang, kung gayon,na ibigin natin ang ating Panginoong Dios nang buong puso, buong kaluluwa, at buong pag-iisiip (Mar.12:30).


Ang pagibig sa Dios ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos (1Juan 5:3). Kaya sa uri ng ating pagsunod sa Kaniyang mga utos mababakas kung gaano natin Siya kamahal. Kung sa umpisa lamang tayo masigasig sa paglilingkod at habang tumatagal ay nababawasan o naglalaho ang ating sigla sa pagsunod,Nangangahulugan ito ng panlalamig ng ating pagibig sa Dios---ito ay nararamdaman Niya:



".... Ngunit ito ang ipinagdaramdam ko sa iyo: nanlalamig ka na sa akin--hindi mo na ako mahal tulad ng dati. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. "(Apoc. 2:4-5, Magandang Balita Biblia).



Kaya patakaran na sa buhay ng tunay na kaanib sa Iglesia Ni Cristo na pamalagiing maalab ang pagmamahal sa Dios at magpakasigla sa mga paglilingkod sa Kaniya hanggang wakas.


2. HUWAG MABUBUHAY SA LAMAN AT SA LIKONG PAMUMUHAY

Ang hinahanap ng Dios na mag-uukol sa Kaniya ng katampatang pagsamba ay ang mga tunay Niyang mananamba (Juan 4:23). Kaya, bilang mga kaanib ng Iglesia na tinubos ni Cristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo, tinutupad natin ang pagsamba sa Dios nang ayon sa Kaniyang mga kalooban. Nagtitipon tayo sa loob ng Kaniyang templo o bahay sambahan upang handugan Siya ng mga pagpupuri (Awit 5:7; 1Cor. 14:26,15; Heb. 13:15-16). Sa gayong mga pagtitipong ginawa sa pangalan ni Cristo, nangako ang ating Tagapagligtas na sasama Siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo na siyang umaaliw at nagpapalakas sa ating pagkataong loob (Mat.18:20; Gal.4:6; Efe. 3:16-18).


Dakilang biyaya ang nakalaan sa mga tapat na mananamba ng Dios. Subalit sa mga nagpapabaya sa pagsamba, ang nakalaan ay kakilakilabot na wakas sa Araw ng Paghuhukom:


"At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagkakatipon gaya ng ginagawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Kung matapos nating makilala at tanggapin ang katotohanan ay magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang haing maihahandog sa ikapagpatawad ng ating mga kasalanan. Wala nang natitira kundi ang nakapangingilabot na paghihintay sa darating: ang Paghuhukom at ang nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kalaban ng Dios! " Hebreo 10:25-27, MB



Kaya, ang mga tunay na kaanib sa Iglesia sa Iglesia ni Cristo ay may mataas na pagpapahalaga sa Pagsamba sa Dios. Kahit abala tayo sa hanapbuhay o iba pang bagay ukol sa buhay na ito, kahit may SULIRANIN o KARAMDAMAN, o kahit INUUSIG o HINAHADLANGAN ng sinuman, hindi natin kailangan pababayaan ang pagsamba. Saan man tayo makakarating, ang lagi nating unang-unang hanapin at aasamin ay ang makaparoon sa bahay sambahan upang sa banal na pagtitipon ay mahandugan natin ng katampatang pagsamba ang Panginoong Dios na lumalang at humirang sa atin (Deut.12:5; Awit 27:4-5; 100:2-3; Rom. 12:1).



3. HUWAG UMURONG SA PAGKA-IGLESIA NI CRISTO

Sa ating buhay rito sa mundo, hindi natin maiiwasang makasagupa ng mga pagsubok, kahirapan, kapighatian, at pag-uusig. Bagaman alam natin na bahagi na ito ng ating buhay bilang mga lingkod ng Dios, di maikakaila na may mga sandaling pinanghihinaan din tayo ng loob. Minsan, kapag napakabigat na ng suliraning pinapasan, ay naibulalas ng iba na, " AYOKO NA!" " HINDI KO NA KAYA!" o "SUKO NA AKO!".


Gayunpaman, alam natin na hindi tayo dapat sumuko. Ang buhay natin bilang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay maihahalintulad sa isang karera o takbuhin at kailangan tayong magtumulin tungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpalang nakalaan sa atin (Fil.3:13-14).

Huwag tayo tumigil at lalong huwag tayong umurong. Sapagkat, paano natin makakamtan ang gantimpala kung hindi natin tatapusin ang ating takbuhin? Magpatuloy tayo hanggang sa wakas. At upang mapagtiisan natin ang lahat ng hirap, ang pagtutuunan natin ng ating tanaw ay ang dakilang gantimpalang ibibigay sa atin--ang buhay na walang hanggan doon sa Bayang Banal na pinananahanan ng katuwiran at kung saan ay wala nang pagluha, pagdadalamhati, o panambitan man:


Hebreo 10:37-39
" Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.
Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.
Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa. "


4. HUWAG MAWALAN NG PANANAMPALATAYA

Ang kahalagahan ng pananampalataya sa Dios sa ating ikaliligtas ay di-mapasusubalian.
"Ang sumasampalataya", ayon sa Panginoong Jesucristo"... ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalatay ay hahatulan na..." (Juan 3:18)


Ang pangunahing dapat nating sampalatayanan upang magtamo ng kaligtasan ay ang iisang Dios, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at si Jesucristo na ating Panginoon at Tagapagligtas (Juan 14:1). Dapat ding sampalatayanan ang ebanghelyo o mga aral ng Dios at ang Kaniyang mga sinugo upang ipangaral ang Kaniyang mga salita (Mar. 16:15-16; Juan 6:29).


Subalit ang pananampalatayang ikaliligtas ay yaong may kalakip na gawa (Sant. 2:14) sapagkat " sa pamamagitan ng gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang " (Sant.2:24).


Kaya, ang mananampalatayang kaanib sa Iglesia ni Cristo ay matibay na nanghahawak sa mga aral ng Dios. Sa harap ng mga hidwang pananampalataya na naglipana ngayun sa mundo, hindi natin nalilimot o binitiwan ang turo na ating tinanggap mula sa Sugo ng Dios sa mga huling araw, ang kapatid na Felix Y. Manalo.

Higit sa lahat, ibinibuhay natin ang ating pananampalataya sa paraang sinusunod natin ang mga aral ng Dios kahit mangahulugan pa ito ng pagtitiis at pagsasakit.


5. HUWAG MANGABUBUHAY SA LAMAN O SA LIKONG PAMUMUHAY

Hindi walang kabuluhan ang pagkamatay ng Panginoong Jesucristo sa bundok ng kalbaryo. Ibinigay Niya ang Kaniyang buhay sa ikatutupad ng pangunahing panukala ng Dios sa pagliligtas sa Kaniyang Iglesia (Efe.5:23,25,MB). Bagaman banal at walang sala, pumayag si Jesus na mamatay sa krus alang-alang sa atin upang tayo, na mga sumampalataya sa Kaniya at pumaloob sa Kaniyang kawan o Iglesia, ay matubos at mapatawad sa kasalanan.

At yamang inilibing na natin ang dating pagkatao na kalakip ng kamatayan ni Cristo sa pamamagitan ng bautismo, marapat lamang na tayo'y masumpungan bilang kasangkapan ng katuwiran at hindi sa kalikuan (Efe. 4:21-22; Roma 6:13). Hindi na tayo dapat mabuhay pa sa kasamaan o sa imoralidad. Dahil sa tayo'y tinubos na ni Cristo mula sa kasalanan, nananagot tayo sa Dios at kay Cristo na magbagong buhay, kaya't pagsikapan nating lumakad sa isang matuwid at banal na pamumuhay na siyang hinahanap ng Dios sa mga hinirang Niya. Talikdan nating lubos ang paggawa ng kasalanan:



1 Corinto 6:9-10
" O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake.
Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios. "



6. HUWAG SISIRAIN ANG PAG-IIBIGANG MAGKAKAPATID

Magkakaiba man tayo ng lahing pinagmulan, tayong mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay iisang sambahayan sa harap ng Dios (1Tim.3:15,Magandang Balita Biblia). Siya ang ating iisang Ama at tayong lahat ay magkakapatid, mga kasamang tagapagmana ni Cristo Jesus na ating Pangulo at Tagapagligtas (Mat. 23:9,8; Heb. 10:21; Gawa 13:23).

Kaya, marapat lamang na tayong lahat ay mag-iibigang tulad ng tunay na magkakapatid (1Ped. 3:8). Huwag tayong gumawa ng anumang ikasisira nito, tulad ng pagkatha ng kasamaan at paghasik ng pagtatalo laban sa isa't isa(Kaw.3:29-30; 6:19); pandaraya (1 Cor. 6:8), pagdaramot (1 Juan 3:17), paghahatulan at paghihigantihan (Roma. 12:19), lahat ng iba pang masasamang gawa. Sa halip, pakitunguhan natin ng mabuti ang isa't isa. Ang sabi nga ng Panginoong Jesucristo:

" Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo" (Lucas 6:31,MB)


Pawiin natin ang inggit galit, at poot, paghihinala, pagtutungayaw, kasakiman, kayabangan, at iba pang masamang pag-uugali (Col.3:8-9). Sa halip, paghariin at pagyamanin natin sa ating mga puso ay ang pagkakasundo, pag-iibigan,pag-uunawaan, at pagpapatawaran (Filip. 2:2, MB; Efe.4:32).


Malaki ang kinalaman ng pag iibigang magkakapatid sa ikasisiguro ng pagtatamo natin ng gantimpalang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom:


1 Juan 3:14-15
" Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.
Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan."


7. HUWAG PABABAYAANG WASAK ANG SAMBAHAN

Mahalaga sa Dios ang bahay sambahan. Sa pagtatayo ng bahay sambahan ay napararangalan Siya at nagdudulot ito sa Kaniya ng kasiyahan (Hagai 1:8,New Pilipino Version). Sa dakong ito na tinatahanan ng Kaniyang pangalan,ipinangako ng Dios na mamalagi ang Kaniyang PUSO at PANINGIN upang dinggin ang panalangin ng mga hinirang Niya magpakailanman (2Cron.7:13-16).


Di nga ba't labis na ikinagalit ng Panginoong Jesus na makitang ang Templo ay nilapastangan ng mga tao at ginawang pamilihan (Mat. 21:12-13,NPV)? Bilang mga alagad ni Jesus, sadyang napakataas din ng pagpapahalaga ng mga tunay na Iglesia ni Cristo patungkol sa bahay dalanginan o bahay sambahan. Kaya marapat lamang na panatilihin itong malinis, maayos at nasa kalagayang maluwalhati. Kailanman ay hindi natin dapat hayaang maging wasak at sira ang bahay ng Dios sapagkat ito'y lubhang ikinagagalit Niya:


Hagai 1:9, 7-8
" Kayo'y nangaghintay ng marami, at, narito, ang dumating ay kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa ang aking bahay ay nahahandusay na wasak, samantalang tumatakbo bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang sariling bahay.
" Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Gunitain ninyo ang inyong mga lakad.
Magsiahon kayo sa bundok, at mangagdala ng kahoy, at mangagtayo kayo ng bahay; at aking kalulugdan, at ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoon. "


Sapagkat ang Dios na ating sinasamba ay banal, ang paggalang at kabanalan ay nararapat iukol sa Kaniyang bahay magpakailanman (Awit 89:7; 93:5, MB). Kaya, dapat tumulong ang bawat isa sa atin sa pagpapanatili ng klinisan, kaayusan, at kagandahan ng ating mga sambahan, tulad ng ginawa noon ng mga unang lingkod ng Dios (1Cron. 29:15-16). Tumulong din tayo sa pagpapatayo pagpapagawa at pagpapamantini ng mga ito sa pamamagitan ng kusang loob na pag-aabuloy at paghahandog na totoong ikinalulugod ng Dios( 2Cron. 24:11-12; 2Cor. 9:7).



8. HUWAG KALIGTAAN ANG GAWANG PAGBUBUNGA


Inilarawan ng ating Panginoong Jesucristo ang pagkakaugnay sa Kaniya ng mga kaanib ng Kaniyang Iglesia na gaya ng sa mga sangang nakakabit sa puno ng ubas-Siya ang puno at tayo ang Kaniyang mga sanga. Upang makapanatili tayo kay Cristo at makaasa sa kaligtasang igagawad Niya, ang bawat isa sa atin ay hinahanapan Niyang magbunga (Juan 15:1, 4-5). Kung hindi, nanganganib na malagot ang kaugnayan natin sa ating Tagapagligtas:



Juan 15:2, 6
" Ang bawa't sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa't sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga.
Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog. "



Ang sangang nagbubunga ay ang kaanib sa Iglesia na nagbubunga ng mabuting gawa ukol sa Dios (Roma 7:4,MB). At ang isa sa ipinagagawa ng Dios ay ang pag "AGAW" o pagsagip sa ating kapuwa tao mula sa "APOY" o sa kaparusahan sa Araw ng Paghuhukom (Judas 1:23; 2Ped. 3:10,7). Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pag anyaya at pag-aakay sa kanila na pakinggan at sampalatayanan ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo hanggang mabautismuhan sa Iglesia, tulad ng ginawa noon ng mga unang mga alagad (Juan 4:28-30,39-42; Gawa 10:1-6,24-28, 31-33, 44-48; 1 Cor. 12:13; Col. 1:18).


Sa pamamagitan ng aktibong pakikisama sa pagpapalaganap ng ebanghelyo tayo'y napuspos ng bunga ng kabanalan (Filip. 1:5,10-11). At sa pagbubunga ng sagana ay napararangalan natin ang Dios at napatutunayang tayo'y mga tunay na alagad ni Jesus (Juan 15:8).


Tinitiyak ng Biblia na ang mga nagsisipagpagal alang-alang sa ikalalaganap ng ebanghelyo ay nakatala sa aklat ng buhay sa langit, kaya tiyak na sila'y maliligtas (Filip. 4:3; Dan. 12:1)



9. HUWAG IPAGWALANG BAHALA ANG PAGTUPAD SA MGA TUNGKULIN.


Tayong mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay sama-samang sangkap ng iisang katawan ni Cristo; bawat isa ay may bahaging dapat gampanan o katungkulang dapat tuparin(Roma 12:4-8). Na maayos na pagganap ng tungkulin ng bawat bahagi ang ikalalaki at ikalalakas ng buong katawan o Iglesia (Efe. 4:16).



Hindi lamang ang mga ministro,manggagawa diakono, diakonesa, mang-aawit, at iba pa ang inatangan ng bukod na gampanin ang pinagkalooban ng tungkulin sa Iglesia. Bawat kaanib ay may tungkuling maglingkod at makilahok sa mga gawain at aktibidad sa Iglesia.


At sapagkat ang tungkulin ay biyayang kaloob ng Dios (Efe. 4:7), dapat nating pahalagahan ito sa pamamagitan ng matiyagang pagtupad ng ating mga pananagutan na ipinagkatiwala ng Dios sa atin. Totoong kinakailangan at di-maiiwasan ang pagsakripisyo. Ngunit alalahanin natin na ang Dios , na Siya nating pinaglilingkuran , ay hindi liko upang limutin ang ating mga gawa (Heb.6:10-12). Nangako ang Panginoon na gagantimpalaan Niya ng " PUTONG NG KALUWALHATIAN" ang mga uliran Niyang lingkod na nagmamalasakit at nangangalaga sa kawan o Iglesia (1 Ped. 5:1-4; Gawa 20:28). Sa kabilang dako ang nagwawalang-bahala sa tungkulin ay papanagutin ng Dios:



" Sumpain nawa siya na gumagawa na walang bahala sa gawain ng Panginoon..." (Jer. 48:10)

" Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon. " (1Cor.15:58).


10. HUWAG LALABAN SA PAMAMAHALA


" Pasakop kayo sa mga nangangasiwa sa inyo. Sila'y may pananagutang magbantay sa inyo, at magbibigay-sulit sila sa Diyos ukol dito. Kung sila'y susundin ninyo magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kung hindi, sila'y mahahapis, at hindi ito makabubuti sa inyo" Hebreo 13:17, MB



Kilalanin natin na ang Dios ang naglagay ng Pamamahala sa tunay na Iglesia (1Cor. 12:28). Ang kapamahalaang ibinigay ng Panginoon sa nangangasiwa sa Iglesia ay sa ikatitibay at hindi sa ikagigiba ng bawat isa (2Cor. 10:8). Kaya naman dapat tayong maging mapagpasakop sa Namamahala sa Iglesia; igalang at kilalanin ang banal na karapatang ipinagkaloob sa kanila na tayo'y pangasiwaan at pangunahan sa ating mga paglilingkod sa Dios. Sa ating pakikiagkaisa sa kanila ay nakapananatili tayo sa ating pakikisama kay Cristo at sa Dios na ating Ama (1Juan1:3).

Sa kabilang dako, ang sinumang lumaban o sumalungat sa tagapangunang inilagay ng Dios sa Iglesia ay "sumasalungat sa katotohanan", " hindi karapat-dapat ang pananampalataya", at malilipol (1 Tim. 3:8; Blg. 16:1-3,20-21,30-35).


Kaya, patakaran na sa buhay ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang pagpapasakop, paggalang,at pagmamahal sa pamamahala, mula pa sa panahon ng kapatid na Felix Manalo, Sugo ng Dios sa mga huling araw hanggang sa kasalukuyang pamamahala ng Kapatid na Eduardo Manalo, Tagapamahalang Pangkalahatan. Sa ating panalangin sa Dios ay laging kasama sa ating idinudulog ang namamahala sa atin at lahat ng kaniyang kinakatulong sa pangunguna sa atin, gaya rin ng ipinamanhik noon ng mga apostol:



" Sa wakas,mga kapatid ipinalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap sa lahat ng dako at dakilain ng lahat tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyo na maligtas kami sa mga buktot at masasamang tao; sapagkat hindi lahat ay naniniwala sa salita ng Dios" (2Tes.3:1-2, MB)


" Ipanalangin din ninyo ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Mabutinh Balita. " (Efe. 6:19, MB)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento