Mga Pahina

Sabado, Hulyo 12, 2014

Ibong Mandaragit, si Ciro ba?







MAY MGA MANGANGARAL na nagpapaliwanag na si Ciro ang " Ibong Mandaragit" na hinulaan sa Isaias 46:11. Isa na rito si Charles John Ellicott na ganito ang kaniyang Bible Commentary:


" Tumawag ng ibong mandaragit. Ganito inilarawan ni Ciro katulad ni Nabucodonosor sa Jer.49:22; Ezek.17:3. Ang ganitong pag-lalarawan ay bunga ng katotohanang ang sagisag na ginamit ni Ciro at ng kaniyang kahalili ay isang gintong agila (Xen., Cyrop. 7:1, 4; Anab. 1:10, 12), (Ihambing din sa Mat. 24:18; Lucas 17:37.) Ang ' sikatan ng araw' ay kumakatawan sa persia; ang ' malayong lupain' ay maaaring kumakatawan sa Media." (p. 538)


Halos ganito rin ang pagpapaliwanag ng mga Saksi ni Jehova:


" Tinawag niya si Ciro-'mula sa sikatan ng araw,' sa Persia (hanggang sa silangan ng babilonia), at itinayo ang punong-lungsod na paborito ni Ciro: ang Pasargade, at si Ciro ay magiging tulad ng 'ibong mandaragit' sa mabilis na pagsakop niya sa babilonia (Isa.46:10,11). Mapapansin na ayun sa Encyclopedia Britanica (1911, tomo10, p. 454b), ang Hukbong Persiano ay may taglay na agila sa dulo ng isang sibat, at ang araw, na kanilang sinasamba, ay naroon din sa kanilang bandila ... na mahigpit na binabantayan ng matatapang na kawal. " ( Aid to Bible Understanding, p. 409)




Kaya, ayon sa ibang tagapangaral, si Ciro ang hinulaang "ibong mandaragit" sa Isaias 46:11. Gayundin, ang Persia diumano ang tinutukoy na "sikatan ng araw" at ang Media naman daw ang " malayong lupain".




MAY PAG-AANGKIN BA SI CIRO?


Bakit natitiyak natin na ang hula sa Isaias 46:11 ay hindi tumutukoy kay Ciro? Kung susuriin ang Biblia nalalaman ng mga sunugo ng Dios ang mga hulang tumutukoy sa kanilang pagkasugo. Halimbawa, alam ni Juan Bautista kung aling hula ang tumutukoy sa kaniya:


Juan 1:22-23
" Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? "
" Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias. "


Ang isa pang halimbawa ng isinugo na alam niya ang hulang tumutukoy sa kaniyang pagkasugo ay si apostol Pablo. Ganito ang kaniyang pahayag:



Gawa 13:47
" Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa. "




Ang Panginoong Jesucristo, sa maraming pagkakataon ay ipinakikita sa Biblia na alam Niya ang mga hulang tumutukoy sa Kaniyang pagkasugo. Ito ang isang halimbawa:



" At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan, "
" Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, "
" Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon. "
" At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya. "
" At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig. " [Lucas3:17-21]



Samakatuwid, alam ng mga sinugo ng Dios ang mga hula sa banal na Kasulatan na sa kanila natupad. Alam ni Juan Bautista at siya mismo ang nagpaliwanag na siya ang tinutukoy na " tinig na sumisigaw" sa ilang:


Isaias 40:3
" Ganito ang isinisigaw ng isang tinig: “Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang; gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang." (MBB)


Alam din ni Apostol Pablo na siya ang ilaw na inilagay sa dako ng mga Gentil:



Isaias 49:6
" Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa. "

Alam din ng Panginoong Jesucristo at Siya na mismo ang nagpaliwanag na Siya ang hinulaan sa pagsasabing, "Ngayon ay naganap na ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig"(luc.4:21), na natupad sa hinulaan mula sa Isaias 61:1:


Isaias 61:1
" Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo "




Kaya, kung ang " ibong mandaragit" na hinulaan sa Isaias 46:11 ay si Ciro ng Persia, dapat sana'y siya mismo ang nagpapahayag na siya ang tinutukoy ng hula. Subalit, hindi inangkin ni Ciro na sa kaniya natupad ang hulang binanggit.


ANG MGA HULANG NATUPAD KAY CIRO





Walang mababasa sa Biblia na itinuro ni Ciro na siya ang " ibong mandaragit" na hinulaan sa Isais46:11. Aling hula ang binanggit ni Ciro na siya ang kinatuparan? Ganito ang isinasaad sa 2 Cronica 36:23:


2 Cronica 36:23
" Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia: Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit; at kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinomang mayroon sa inyo sa buong kaniyang bayan, sumakaniya nawa ang Panginoon niyang Dios, at umahon siya. "


Sa talatang ito ay walang sinabi si Ciro na siya ang hinulaang " ibong mandaragit". Ang sabi ni Ciro

"Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon."


Sapagkat hinulaan na si Ciro ay magpapasuko ng nga bansa :


Isaias 45:1
" Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan "

Ayon sa hula kay Ciro, siya ay magpapasuko ng mga bansa-kung kaya't sinabi na ang lahat ng kaharian ay ibinigay sa kaniya ng Panginoon. ITO ANG HULA NA NATUPAD KAY CIRO.

Ang isa pang hula na nagkaroon ng katuparan kay Ciro ay ang sinabi niyang :

"Kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng bahay sa Jerusalem."




Mayroon nga bang hula kay Ciro tungkol sa pagpapatayong muli ng templo sa Jerusalem? Mayroon, ang nasa Isaias 44:28:



Isaias 44:28
" Na nagsasabi tungkol kay Ciro, Siya'y aking pastor, at isasagawa ang lahat kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, Siya'y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay. "


Natupad kay Ciro ang hulang ito nang kaniyang sakopin ang Babilonia at payagang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem upang itayong muli ang templo roon.

Sa harap ng mga hulang ito na natupad kay Ciro, wala siyang binanggit na siya ang katuparan ng "ibong mandaragit".


PINAGMULAN NG IBONG MANDARAGIT


Ipinagkamali ng iba na si Ciro ang ibong mandaragit na hinulaan sa Isaias 46:11 sapagkat inakala nila na ang silangan na binanggit sa talata ay tumutukoy sa PERSIA.

Kung susuriin natin, ang silangan na binabanggit sa Isaias 46:11 ay katumbas ng salitang Hebreo na "mizrach" batay sa "Hebrew and Chaldee Dictionary" ng "Strong's Exhaustive Concordance of the Bible" (p.84). Ang isa sa mga kahulugan o tinutukoy ng "mizrach" ay Malayong Silangan.


" Muli, ang salitang kedem ay ginagamit upang maglarawan lamang ng isang dako o bansa na karatig sa gawaing silangan ng isa pang dako; kaya nga, ang salitang silangan ay ginagamit sa mga talatang Gen. 2:8, 3:24, 11:2, 13:11, 25:6 at kaya rin nga ginagamit ito bilang isang pangalang pantangi (Gen.25:6 pasilangan patungo sa lupain ng kedem), na tumutukoy sa lupaing karatig sa silangan Palestina, gaya ng Arabia, Mesopotamia, at Babilonia, sa kabilang dako ang salitang mizrach ay ginagamit para sa malayong silangan ngunit hindi tiyak kung ang tinutukoy ( Isa. 41:2; 43:5; 46:11). " [Smith's Bible Dictionary, p. 153]


Maliwanag na ang salitang Hebreo na mizrach na siyang ginagamit sa Isaias 46:11 ay katumbas ng Malayong Silangan. Hindi maaaring ang Persia ang tinutukoy sa Isaias 46:11 sapagkat ayon na rin sa "Aid to Bible Understanding", ang salitang Hebreo na "kedem" ang siyang ginagamit kapag ang tinutukoy ay ang Persia na pinagmulan ni Ciro, kasama ang Disyerto na Arabia, Babilonia, Asiria, at Armenia.


" Kung magkaminsan ang salitang qe'dhem ay ginamit upang karaniwang tumutukoy sa gawing silangan, gaya ng pagkakagamit sa Genesis 11:2. Sa ibang pagkakataon ito ay nangangahulugang 'silangan' kaunay ng kinalalagyan ng iba pang bagay gaya naman ng pagkakagamit nito sa ekspresyong 'silangan ng Ain' sa Bilang 34:11. At sa iba pang pagkakataon ito ay tumutukoy sa kalaparan ng lupa na nasa silangan at hilagang silangan ng Israel. Dito kasama ang mga lupain ng Moab, at Amon, ang Disyerto ng Arabia, Banilonia, Persia Asiria, at Armenia. " (p.478)



Natitiyak natin kung gayon, na hindi si Ciro ang hinuhulaan na "ibong mandaragit" sa Isaias 46:11, sapagkat wala siyang pag-aangkin na sa kanya natupad ang hula at ang "ibong mandaragit" ay mula sa malayong silangan. Dahil dito, lalong nagtutumibay ang katotohanang ang tinutukoy sa nabanggit na hula ay walang iba kundibang Kapatid na Felix Manalo, ang sugo ng Diyos sa mga huling araw.



Ang iba pang patotoo na hindi si Ciro ang ibong mandaragit, maari nyung bisitahin:


http://www.iglesianicristolahingtapat.blogspot.in/2014/01/isaias-4611-mandaragit-si-ciro-kaya.html?m=1

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento