PAGPANAW,PAGKAWALA, KATAPUSAN. Huling Sandali. Anuman ang itawag sa kamatayan ay hindi nababago ang katotohanang ito ay dumarating sa buhay ng tao sa mundo. Sa itinakdang panahon,hindi ito maiiwasan matatakasan ninuman, MATANDA, BATA, MAYAMAN O MAHIRAP, LALAKE O BABAE. Maari tayong pumanaw dahil sa karamdaman,aksidente, o kalamidad sa daigdig. Hindi tayo imortal.
Ngunit, pagkatapos ng kamatayan ay ano ang mangyayari sa tao? Saan siya patutungo pagkatapos mapugto ang kanyang hininga? At may magagawa ba ang mga naulila na maaring mapakinabangan ng mga yumao?
Ang Biblia ay may itinuturo tungkol sa kamatayan, buhay pagkatapos ng kamatayan at iba pang isyu na nakapaloob dito.
ANG KARUPUKAN NG BUHAY
Tiniyak ng Biblia ang karupukan ng buhay ng tao:
Santiago 4:14
" Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi. "
Maging si apostol Pablo ay ipinaliwanag kung paanong ang kamatayan ay nagudulot ng panganib sa ating buhay:
"Araw-araw ay nabibingit ako sa kamatayan, mga kapatid ... At kami, bakit namin isinasapanganib pa ang buhay namin oras-oras? " 1 Cor.15:31, 30, NPV
Gusto man ng taong pigilin ang kamatayan, siya ay walang kapangyarihan dito (Ecles. 8:8). Hindi maikakaila na walang pinipili ang kamatayan. Ito ay darating saanman at kailanman; madalas ay bigla, masakit at di-inaasahan. At bagaman marami at iba't iba ang paniniwala patungkol sa mangyayari sa tao kapag siya ay namatay, ganito naman ang sinasabi ng biblia:
Ecles. 10:14 MBB
" Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na? "
Kaya ang Dios ang dapat nating paniwalaan tungkol sa mangyayari sa tao kapag siy ay namatay.
BUMABALIK SA ALABOK
Tiniyak din ng Biblia, kung saan nakasulat ang mga salita ng Dios, ang mangyayari sa espiritu, kaluluwa, at katawan na bumubuo sa tao ( 1 Tes. 5:23). Ang kaniyang pisikal na katawan ay nagbabalik sa alabok kung saan ito nagmula:
" Sa pawis ng noo mo manggaling ang iyong kakanin hanggang sa magbalik ka sa lupa, pagkat sa lupa ka kinuha; ikaw ay alabok at sa alabok ka rin babalik " Genesis 3:9, NPV
Ang espirito naman ng tao kapag siya ay namatay ay bumabalik sa Dios na nagbigay nito (Ecles. 12:7, MB). At kapag namatay ang tao ay namamatay din ang kaniyang kaluluwa; hindi rin ito imortal (Ezek. 18:4). Ito ang dahilan kaya ang paniniwala na ang kaluluwa ng taong namatay ay pupunta sa isa satlong istasyon :
LANGIT( kung banal)
IMPIYERNO(kung mkasalanan)
PURGATORYO( kung hindi pa nalilinis na lubos sa kasalanan
Ito ay hindi ayon sa mga aral ng Dios na nakasulat sa Biblia. Wala ring banggit ang Biblia tungkol sa purgatoryo.
Sa ibang banggit ng Biblia, ang mga patay ay nakahiga sa mga libingan at natutulog lamang (Awit 88:5; Lucas 8:52). Ito ay mananatili sa libingan at "DI NA BABANGON; HANGGANG MAWALA ANG KALANGITAN"
Job 14:10-12
''Ngunit namamatay ang tao; siya'y ililibing, mapapatid ang kaniyang hininga at wala nang kasunod. Kung paanong ang tubig ay nawawala sa dagat o ang isang ilog ay natutuyo, gayon ang tao, nahihiga at di nagbabangon; HANGGANG SA MAWALA ANG KALANGITAN, ang tao'y di na gigising o mangangamba pa sa kaniyang pagtulog. '(NIV,NPV)
Mawawala ang langit ma siyang panahon ng pagbangon ng mga patay sa Araw ng Paghuhukom( 2Pedro 3:10,12).
Kaya hindi sinasang-ayunan ng Biblia ang paniniwala na pagkamatay na pagkamatay ng tao ay agad siyang haharap sa hukuman ng Dios. Ang kagantihan ay sa pagparito pa ng Panginoong Jesucristo o sa araw ng Paghuhukom--hindi kaagad-agad. (Mat. 25:31-34,41)
ANG PAGDARASAL PATUNGKOL SA PATAY
Ang pagdaradal patungkol sa patay ay kadalasang ginagawa ng kanilang mga mahal sa buhay at kaibigan. Subalit ito kaya ay ayun sa Biblia? Ganito ang nakasulat tungkol sa kalagayan ng mga patay:
Awit 146:4
" Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip. "
Ecles. 9:5-6
" Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.
Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw. "
Samakatuwid, walang mapapakinabang ang mga patay sa anumang ginagawa ng buhay sapagkat wala na silang malay o pag-iisip. Gaano man kataimtim karami, at kadalas ang pagdarasal ng mga naulila ay hindi ito pakikinabangan ng yumao. Hindi nila nalalaman ang anuman bagay at wala silang anomang bahagi sa anomang bagay na ginagawa para sa kanila; kaya, hindi sila dapat dalanginan o tawagan. Ito ang dahilan kaya walang pagdasal na isinasagawa ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo para sa pumanaw na mahal nila sa buhay. Labag din sa aral ng Biblia ang paniniwala na ang patay ay nagpapakita, nakakausap, at nagpaparamdan (Gen.3:19; Ecles. 3:19-20).
ANG DAPAT GAWIN BAGO ANG KAMATAYAN
Dahil maglalaho ang hininga, mahalagang matupad ng tao ang layunin ng Dios sa pagbibigay sa kaniya ng buhay:
Ecles. 12:13 "...Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos pagkat ito ang buong katungkulan ng tao. " [MB]
Hindi dapat gugulin ng tao ang panahon sa mga bagay na walang kabuluhan----Sa kalayawan, makasariling pangarap at ambisyon, at mga bagay na panlupa lamang. Na kapag kumupas na ang lakad at mapagod na sa paglipas ng panahon ay saka lamang magugunita ng iba na bumaling sa Dios at maglingkod sa Kaniya---- isang bagay na dapat ay ginawa nila nang mas maaga. Maliwanag ang itinuturo ng Banal na Kasulatan:
" Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan panahong hindi mo na madama ang tamis mg mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago magkubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap. Alalahanin mo siya bago manghina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong bisig, bago mawala ang lakas ng iyong tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago ka mawalan ng pandinig, na halos di mo marinig ang ingay ng gilingan, ang huni ng mga ibon at ang himig ng awitin. Alalahanin mo siya bago dumating ang panahon na katakutan mong umakyat sa itaas, bago dumating ang panahon na hindi kana makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minimahal....." [Ecles. 12:1-5, Ibid]
Magiging huli na ang lahat upang matupad ng tao ang layunin ng pahgkakalalang sa kaniya---na ito ang maglingkod sa Maylalang----kapag napugto na ang kaniyang hininga. Sa harap ng katotohanang ito ay ganito ang paalala ng Biblia:
Ecles.12:7
" Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito." [MBB]
NAPAGTAGUMPAYAN ANG KAMATAYAN
Sa malao't madali ang tao ay papanaw sa iba't ibang kaparaanan o kadahilanan. Subalit may pahayag ang Panginoong Jesucristo tungkol sa Iglesia na Kaniyang itinayo:
Mateo 16:18
" At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. "[MB]
Ang kaanib sa Iglesiang ito----na tinawag na Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, salin ni lamsa)-ay ginagarantiyahan ni Cristo na hindi pananaigan ng kamatayan. Hindi din ito nangangahulugan na hindi na sila mamamatay; papanaw din sila katulad ng kanilang kapuwa-tao. Subalit kung sila man ay mamatay, gayunman ay bubuhayin silang mag-uli sa Araw ng Paghuhukom, hindi upang hatulan, kundi upang magmana ng buhay na walang hanggan ( 1 Tes. 4:16-17; Apoc. 20:6).
Ang pagpanaw ng isang kaanib sa Iglesia ni Cristo ay pagtulog lamang, sapagkat pagdating ng takdang panahon, siya ay muling babangon o muling mabubuhay. Sa gayon mangyayari ang itinuro ni Apostol Pablo na napagtagumpayan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang kamatayan:
1 Corinto 15:51-54
" Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin,
Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.
Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
Datapuwa't pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. "
SA DAKONG WALANG KAMATAYAN
Sumasampalataya tayong mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa katotohanang itinuturo ng Biblia tungkol sa mga mahal natin sa buhay na pinapagpahinga na ng Dios. Ang mga katotohanang ito ay dapat magbigay sa atin ng kaaliwan; ang kamatayan ay pansamantala lamang; ito ay hindi isang kalugihan sa ganang tunay na mga hinirang ng Dios.
Bagaman pinaghihiwalay ng kamatayan ang magkapamilya at magkakaibigan sa loob ng tunay na Iglesia at ito ay nagdudulot ng kalungkutan at mga pagluha, gayunman ang kaaliwan natin ay ang pag-asang magkikita tayong muli; pagdating ng takdang araw ay muling magsasama tayo sa piling ng Dios doon sa Kaniyang kaharian, sa Bayang Banal o sa Bagong Jerusalem, kung saan "HINDI NA MAGKAKAROON NG KAMATAYAN" (Apoc.21:4).
Ang pagluha at pagdadalamhati ay di natin mapigil sa pagpanaw ng ating minamahal. Subalit alam nating sa araw ng muling pagparito ni Cristo ang ating kalungkutan ay papalitan ng kagalakang hindi maagaw ninuman ( Juan 16:20, 22).
magandang araw po may nagtatanong po sa akin isang sanlibutan na kapag muling binuhay daw po ba ang tao at manirahan na sa bayang banal ay magkakakilala paba sila? o halimbawa ay mag ama.Halimbawa po ay ligtas silang mag ama pareho. kilala ba ng anak ang tatay nia o ang tatay ang anak?
TumugonBurahin