Mga Pahina

Lunes, Enero 12, 2015

JUAN 17:3 SINO ANG TUNAY NA DIYOS?





Ang talatang Juan 17:1,3 ay hindi pinapansin ng marami, sapagkat dito'y lilitaw kung sino ang tinutukoy ni Cristo na tunay na Diyos. Subalit, may ilan naman na nagpapaliwanag ng mali para lamang gawing tama ang kanilang pananaw ukol sa kinikilalang Diyos. Ayun sa isang nagsusuri, ganito ang kaniyang paninindigan at sabi :


" Sa tatalat ng Juan 17:3,MBB ay hindi sinabi ni Jesus na "TAYO" sapagkat una, iisa ang bilang ng AMA (Mat.23:9), at silang dalawa ng Ama ay hindi dalawa sa bilang (Juan 10:30; 17:22). Kung ang Juan 17:3 sana ay nagtapos sa salitang Diyos na may Ama, seguro tama ang turo nyo, Subalit may dagdag si Cristo na "AT SI JESU-CRISTO NA IYONG SINUGO" .At sa 1 Juan 5:20, hindi rin ba doon tunutukoy ni Juan na na ang Anak at Ama ang tunay na Diyos? "



Una, KUNG Ganito ang paniniwala ng isang trinitarian, ang tanong, PAANO NA ANG ESPIRITU SANTO na kinikilalang Diyos rin nila? Nakalimutan na yata sapagkat sa lahat ng talata na iyon ay ang Ama at Anak lang yata ang nabanggit. Exempted na, ganun nalang seguro ang kanilang isasagot? Magulo hindi po ba?

Ikalawa, kung ganoon ang paninindigan nila, ay lumilitaw na si Cristo rin ang Ama at ang salitang "AMA" diumanoy tumutukoy sa dalawa na naging isa, ang Diyos at ang Panginoong Jesucristo.

Sipiin po natin muli ang laman ng talata at balikan :

" Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo. " Juan 17:3, MB


Ano po ang dapat nating mapansin dito? Dito po ay ipinakilala ni Jesus ang Diyos , ang ginamit Niyang panghalip ay "KA" na ginagamit kapag ang kausap ay iisa lamang. Kung si Jesus ay kasama sa ipinakilala Niyang Diyos, ang dapat sana Niyang ginamit ay ang panghalip na "TAYO". Hindi rin maaari na ang tinutukoy ng Panginoong Jesucristo ay ang Kaniyang sarili sapagkat ang panghalip na "KA" ay tumutukoy sa kinakausap at hindi sa nagsasalita.

Si Cristo na rin ang nagpapatunay na hindi Siya kasama sa binabanggit Niya na " IISA AT TUNAY NA DIYOS" nang Kaniyang ipahayag ang mga salitang " AT SI JESU-CRISTO NA IYONG SINUGO". Ang "IYO" na tinutukoy ng Panginoong Jesucristo na nagsugo sa Kaniya ay hindi Siya kundi ang Ama na Kaniyang ipinakilalang iisang tunay na Diyos. Bukod dito, ang unang bahagi ng panalangin ni Jesus ay lalong nagpapatunay na Siya at ang Diyos ay magkaiba. Noong manalangin, ang Panginoong Diyos mismo ang nagpahayag na wala Siyang nakilalang iba :

Isaias 46:9
" Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko "


IISA SA PAGMAMALASAKIT SA TUPA

Sa Juan 10:30 naman ay may binanggit si Jesus na "AKO AT ANG AMA AY IISA" . Subalit, hindi ito nangangahulugang iisa sa pagiging Diyos bagkus ay iisa sila sa gawaing pag-aalaga sa mga tupa. Narito ang katunayan :


Juan 10:27-30
" Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin:
At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.
Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.
Ako at ang Ama ay iisa. "


Ang ipinaliwanag ng Panginoong Jesucristo sa mga talatang ito ay hindi ang tungkol sa Kaniyang kalagayan kundi ang tungkol sa ginagawa Niyang pangangalaga sa Kaniyang mga tupa na nasa ilalim din ng pag-iingat ng Ama; na kung paanong ang Ama ay nagmamalasakit sa mga tupa ay gayundin naman Siya. Kaya bilang konklusyun, sinabi ni Jesus na "AKO AT ANG AMA AY IISA ". Sa ibang salin ng Biblia ay ganito ang sinasabi sa Juan 10:30:

" I and my Father are of one accord. "[Ako at ang Ama ay nagkakaisa] (Lamsa translation)

Samakatuwid, ang Ama at ang Panginoong Jesucristo ay nagkakaisa sa layunin, damdamin, at pagmamalasakit sa mga tupa, at HINDI SA KALAGAYAN.

Binanggit din sa liham ang talatang Juan 17:22, upang patibayin na iisa lamang ang Ama at si Cristo. Ganito ang nilalaman ng talata:



" Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila'y ganap na maging isa, gaya nating iisa. " Juan 17:22, MB


Ano ang magiging malaking kamalian kung ganito ang magiging agad na konklusyon ? Kung tatanggapin nilang si Cristo ay Diyos dahil naging isa sila ng Ama ay dapat din nilang tanggapin na yaong mga taong ibinigay ng Diyos kay Cristo (Juan 17:6) ay Diyos din sapagkat ang kanilang pagiging isa ay gaya ng pagiging isa ng Diyos at ni Cristo. Subalit, hindi ito maaari. Ang pagiging isa ng Diyos at ni Cristo sa kontekstong ito ay tumutukoy sa pagiging isa sa diwa o sa damdamin at hindi ang pagiging isa sa kalagayan.

Samakatuwid, ang ipinakilala ng Panginoong Jesucristo sa Juan 17:3 na IISANG TUNAY NA DIYOS ay ang AMA LAMANG.


SI JESUS MISMO ANG NAGTURO

Sa 1Juan 5:20 ay hindi itinuturo na ang Ama at ang anak ang iisang tunay na Diyos. Tunghayan natin ang nilalaman ng talata :


" At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggang. " (MB)


Walang binanggit dito na ang Ama at ang Anak ay iisang tunay na Diyos. Ayon kay apostol Juan ay binigyan tayo ng pagka-unawa ng Anak upang makilala natin ang tunay na Diyos. Ipinakilala ni Cristo sa tao kung sino ang tunay na Diyos nang Kaniyang sabihing "KILALANIN KA NILA, ANG IISA AT TUNAY NA DIYOS " (Juan 17:3, MB).


Hindi ang Kaniyang sarili ang ipinakilala ni Jesus na tunay na Diyos manapa'y ang AMA. Pinatunayan ito ni Apostol Juan:


" Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, SIYA ANG NAGPAKILALA SA KANIYA. " Juan 1:18


Ang Panginoong Jesucristo ang nagturo sa kaibahan ng Kaniyang kalagayan sa Ama na Siyang tunay na Diyos. Ang Ama, ayon kay Cristo ay Espiritu sa kalagayan (Juan 4:24). hindi nakikita, walang laman at buto, gaya pa rin ng paliwanag ni Cristo (Luc.24:36-39).

Magkaiba sa kalikasan ang Ama at si Cristo. Ang Ama ay Espiritu , walang laman at buto, walang materya. Sa kabilang dako, si Cristo ay may laman at buto, isang matibay na katunayang Siya ay tao at hindi Diyos sa likas na kalagayan.

1 komento:

  1. May nag tatanong po mga tga MCGI, nakita na ba dw ni Cristo ang Ama?

    TumugonBurahin