Mga Pahina

Lunes, Nobyembre 24, 2014

ANG HINDI DAPAT MALIMUTANG GAWIN NG MGA HINIRANG







Sa buhay ng tao sa mundo ay marami ang MAPAGPIPILIIANG GAWIN. Saan pupunta at sino ang pupuntahan. Ano ang bibilhin at ano ang isusuot. Ayon sa mga nagsasaliksik nakaharap ang bawat tao sa daan-daang pagpili araw-araw. Marami rito ay mahalaga at ang iba naman ay hindi. Gayunman, anuman ang ating piliing gawin ay nagpapahayag kung sino tayo at kung anong uring kinabukasan o buhay sa hinaharap ang nakalaan sa atin.

Kaya nga, sapagkat ang taong 2014 ay sa sa susunod na buwan ay magtatapos na at sa HULING BUWAN ng taon para sa marami ay isang panahon ng walang taros na pagsasaya at mararangyang PAGDIRIWANG hindi kakaunti ang totoong abala na anupa't punong-puno ang mga SCHEDULES ng marami sa mga binabalak nilang gawin. Sa loob ng isang buong taon ay nagpapakahirap sila NAPAGOD AT HALOS NAUBOS ANG LAKAS SA PAGGAWAkaya ang pagtatapos ng taon ay ayaw nilang paraanin nang basta na lamang. Itinuturing nila na isang pananagutan sa kanilang sarili at sa kanilang sambahayan na ang piliin at gawin ay ang pagsasaya sa abot ng kanilang makakaya. Kaya, sa nakararami, ang taong 2014 ay dapat matapos, wika nga sa Ingles, " WITH A BANG NOT WITH A WHIMPER".



HUWAG MAKALILIMOT


Hindi masama ang magsaya at magdiwang kasama ng ating mga mahal sa buhay alang-alang sa mga tagumpay na natatamo sa pag-aaral, paghahanapbuhay o anumang ating pinagpagalan. Ano nga naman ang ilang oras o araw na pagsasaya kung ikukumpara sa isang taong pagsasakit at pagtitiis? Subalit, maaaring malimutan ng iba na mayroon tayong KATUTUBONG PANANAGUTAN SA DIOS na dapat tiyakin na ating naisasagawa lalo na nga kung isaalang-alang ang mabubuting bagay na ginagawa Niya sa atin. Ito ang sinasaad ng Biblia :


"Maglingkod sa PANGINOON na may kagalakan; lumapit sa harapan niya at awitan siyang may galak. Alaming ang PANGINOON ay Diyos. Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya; tayo ang bayan n'ya, mga tupa ng kaniyang pastulan. Pumasok sa kaniyang mga pintuan na may pasasalamat, at sa mga patyo na may pagpupuri; pasalamatan natin siya at purihin ang kaniyang pangalan." [ Awit 100:2-4, New Pilipino Version]


Ang Dios ang lumalang at nagbibigay anyo sa atin mula sa bahay-bata ng ating ina [Isa.44:2]. Ang Dios na lumalang din ang may hawak ng ating hininga at buhay [Job.12:9-10]. Sa Kaniya rin tayo nangabubuhay at nagsisikilos [Gawa 17:28]. Kaya lahat ng tao ay may pananagutang maglingkod , pumuri at magpasalamat sa Dios.

Kung gayon, marami mang bagay ang gustong gawin at pagkaabalahan ng mga tao tuwing katapusan ng taon ( pamimili o shopping, handaan, pamamasyal, bakasyon, pagdalaw sa kamag-anak at kaibigan) hindi siya dapat malibang ni magambala ng mga ito. Dapat na matupad ng tao ang kaniyang katutubong pananagutan sa Maylalang sa kaniya.


ANG DAPAT GAWIN NG MAGPAPASALAMAT


Maaaring sabihin ng iba na kailanman ay hindi nila nalilimutang isagawa ang pananagutang MAGLINGKOD AT MAGPASALAMAT SA DIOS. Subalit may itinuturo ang Biblia na dapat munang gawin ng mga magpapasalamat sa Kaniya. Ganito ang pahayag :


Awit 100:4
" Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan. "


Kaya hindi dapat basta maisasagawa ng tao ang pagpapasalamat at pagpupuri sa Dios. Ang pagpapasalamat ay KAILANGAN MUNA PUMASOK SA PINTUANG-DAAN. Sa panahong Cristiano, ang pintuan at daan na tinutukoy ay walang iba kundi ang ating Panginoong Jesuscristo [Juan 10:9; 14:6]. Kaya bago isagawa ng tao ang pananagutan niyang pumuri at magpasalamat sa Dios, kailangan muna niyang pumasok o dumaan kay Cristo. Sinabi ng Panginoong Jesuscristo na Siya " ANG PINTUANG DINARAANAN NG MGA TUPA" [Juan 10:7, Magandang Balita Biblia]

Ang pumasok o dumaan kay Cristo ay napaloob sa Kawan:

John 10:9
" I am the door; any one who comes into the fold through me will be safe " [ Revised English Version]

Sa Filipino :

" Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng Kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas "


Ang KAWANG tinutukoy ay ang IGLESIA NI CRISTO:


" Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he purchased with his blood." [ Act 20:28, Lamsa Translation]

Sa Filipino :

" Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong KAWAN na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo."


Kaya para maisagawa ng tao nang karapat-dapat ang pananagutan niyang maglingkod, pumuri, at magpasalamat sa Dios, kailangan munang pumaloob siya sa Iglesia ni Cristo.


ANG PINILING GAWIN AT ALALAHANIN NG MGA HINIRANG


Bagaman abala ang mga tao sa sanlibutang pagsasaya at paggawa ng kanilang mga piniling gawain sa pagtatapos ng taon, ang piniling gawin ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay MAGPAPASALAMAT AT ALALAHANIN ANG HINDI MASAYOD NA KABUTIHAN NG DIOS. Hindi nila malilimot kailanman ang tunay na dahilan kung bakit sila tinawag ng Dios. Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:





Colosas 3:15
" At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat. "


Ang katawan na tinutukoy ni Pablo ay ang Iglesia na pinangunguluhan ni Cristo [Col.1:18]. Kaya kung hindi man pinahahalagahan ng ibang tao ang maging mapagpasalamat, para sa mga iglesia ni Cristo, ito ay KATUTUBONG PANANAGUTAN nila sa Dios. Ito ang dahilan kaya bago matapos ang bawat taon ay isinasagawa ng mga hinirang ng Dios sa mga huling araw ang mga pagpapasalamat sa Kaniya.

Gayundin, sa okasyong ito inaalala at ipinagpapasalamat ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang napakasaganang biyayang kanilang tinanggap mula sa Dios:


Colosas 1:12 Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan "

Colosas 1:13 Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig "


Colosas 1:14 Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan "


Marapat lamang na gawin ng mga lingkod ng Dios ang pagpapasalamat sa Kaniya sapagkat pinapaging-dapat Niya sila na makabahagi sa mana ng mga banal sa paraang iniligtas sila sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng Anak o ni Cristo. Ang kahariang ito ay ang kinaroroonan ng katubusan at kapatawaran ng kasalanan, alalaong baga'y ang IGLESIA NI CRISTO na tinubos ng dugo ni Cristo.

Kaya hindi nakagagambala sa mga hinirang ng Dios ang anumang pagsasaya at pagdiriwang na nagaganap sa mundo. Nakaukit sa kanilang gunita ang napakadakilang biyayang ibinigay ng Dios na hindi matutumbasan ng anuman: ang KAPATAWARAN NG KANILANG KASALANAN na dahil dito ay naktitiyak sila ng kaligtasan pagdating ng araw ng paghuhukom.


SA HINAHARAP NA BUHAY


Kung sa papaanong dahil sa tulong at awa ng Dios ay nalampasan ng mga hinirang ang mabibigat na pagsubok sa taong ito, muli, ganito rin ang kanilang hinihiling sa Dios para sa taong darating, NA HUWAG NIYANG BAYAANG BUMAGSAK ANG KANIYANG MGA HINIRANG:


Awit 66:10-11,9, MB
" O Diyos, sinubok mo ang 'yong mga hinirang, sinubok mo kami upang dumalisay; at tulad ng pilak, kami'y idinarang . Iyong binayaang mahulog sa bitag, at pinagdala mo kami ng mabigat.
" Iningatan niya tayong pawang buhay, Di tayo bumagsak, di n'ya binayaan! "


Ganito naman ang tugon ng Dios sa mga hinirang Niya sa mga huling araw na lubos ang pagtitiwala sa Kaniya :


Isaias 41:13,17, MB
" Ako si Yahweh na inyong Diyos At siyang nagpapalakas sa inyo, Ako ang may sabing: 'Huwag kayong matatakot at tutulungan ko kayo'. "
" Pag ang aking baya'y inabot ng matinding uhaw, Na halos matuyo Ang kanilang lalamunan, Akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; Akong Diyos ng Israel ag di magpapabaya. "


Kaya, tumindi man ang kahirapan at paghihikahos, lumala man amg kaguluhan at kawalang kapayapaan, magbanta man ang mga pagkakasakit, mga kalamidad at karahasan, hindi sila matatakot ni matitigatig. Ang kanilang tiwala at tanglaw ngayon at sa hinaharap na buhay ay ang Panginoong Dios:



Awit 116:7 5-6, MB
" Manalig ka, O puso ko, sa Diyos ka magtiwala, pagkat siya ay mabuti't di marunong magpabaya.
" Mabuti ang Panginoon, siya'y mahabaging Diyos, tunay siyang mahabagin at mapagpahinuhod. Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo, Nong ako ay manganib, iniligtas niya ako."


2 Samuel 22:29-40, MB
" Ikaw po, O Yahweh, ang tanglaw sa akin Tanging patnubay ko sa daang madilim. Kung ikaw, O Diyos ko ang aking kasama, Anuman ang hirap ay nasaslunga. "

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento