Mga Pahina

Lunes, Mayo 12, 2014

Ang Ikakikilala sa Tagapangaral na Sinugo ng Diyos




Mahalagang Tiyakin ng tao kung ang tagapangaral na kaniyang pinakikinggan ay sinugo ng Diyos. Ang mga sugo ng Diyos ang makapagtuturo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos(Mal. 2:7, MBB), Samantalang ang hindi sinugo ay ni walang karapatang mangaral ng Kaniyang mga utos at maghahatid lamang sa tao sa kapahamakan (Rom. 10:15; II Ped. 3:16).



Ang isa sa mga pagkakakilanlan sa mga sinugo ng Diyos ay ang paraan ng pag-akit nila ng mga tagapakinig. Tungkol dito, ano nga ba ang malaking pagkakaiba ng tunay na sugo ng Diyos kaysa mga bulaang tagapangaral?




ANG IPINANG-AKIT NG HINDI SINUGO



Madaling matukoy ang mga huwad na tagapangaral sapagkat ang itinuturo nila ay kung ano lamang ang gustong marinig ng karamihan kahit labag sa kalooban ng Diyos. Maraming ganiyan sa mga huling araw na ito at hindi ito kataka-taka sapagkat sa Biblia ay ipinagpauna :




"Sapagkat darating ang panahon na [ang mga tao] ay hindi [titiisin] ang mabuti at kapakipakinabang na aral, kundi, nagtataglay ng makakating tainga, [para sa anumang bagay na nakasisiya at nakalulugod], magtitipon sila sa kanilang mga sarili ng maraming guro, na pinipili upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sariling kagustuhan, At sila ay hihiwalay sa pagdinig ng katotohanan at babaling sa mga alamat at mga kathang gawa ng tao". (II Tim. 4:3-4, Amplified Bible,isinalin mula sa Ingles)




Ang babalang ito na ipinahayag noon pa man ng mga apostol ay kitang-kita nating natutupad sa ating panahon. Napakaraming nangangaral ng relihiyon ngayon kahit sila'y hindi sinugo ng Diyos. Kung marami man silang naaakit, ito ay dahil sa 'bigay-hilig' ang istilo ng kanilang pangangaral--kung ano ang sariling gusto at kinahihiligan ng karamihan, kahit lihis o hiwalay na sa katotohanan, ay iyon ang kanilang ipinagdiriinan.




" Sa mga huling araw," sabi pa ni Apostol Pablo, "ang mga tao'y magiging mga maibigin sa sarili at (ganap na) sakim, maibigin sa salapi at pinag-aalab ng labis (masakim) na paghahangad sa kayamanan,. . ."(II Tim. 3:1-2, Ibid.,isinalin mula sa Ingles)




Ito nga ang sinasamantala at 'sinasakyan' ng mga bulaang tagapangaral na ang ipinang-akit sa mga tao upang sila'y Pakinggan at sundin ay ang mga alok na biglang pagyaman, lunas sa karamdaman, hanapbuhay sa ibang bansa, suwerte sa negosyo, at iba pang materyal na pakinabang.


Hindi nila maimamatuwid na ito ay ginawa nila para lamang makahikayat ng maraming taong magbabalik-loob sa Diyos. Kahit sabihin pang mabuti naman daw ang kanilag intensyion, hindi rin pahahalagahan ni papansinin ng Diyos ang gayong paglilingkod ng mga taong ang habol lamang ay pansariling kapakinabangan :




"... Sinasamba ako, Kunwa'y hinahanap, sinusundan-sundan, Parang natutuwang ang kalooban ko'y kanilang malaman; Ibig palabasin na ang gawain nila ay matuwid, at di lumilihis sa mga tuntuning aking ibinigay. Wari'y natutuwang sa aki'y sumamba. At ang hinihingi'y hatol na matuwid. ' Ang tanong ng mga tao, ' Bakit ang pag-aayuno nati'y Di pansin ni Yahweh? Nagugutom lang tayo ngunit walang kabuluhan. ' Ang sagot ni Yahweh,' Pansariling kapakanan pa rin ang pangunang layunin sa pag-aayuno,... "( Isa. 58:2-3, MB)




ANG BINIGYANG-DIIN NI CRISTO




Sa hanay ng mga sinugo ng Diyos ay wala nang hihigit pa sa Panginoong Jesucristo. Siya ang huwaran ng mga tunay na tagapangaral ng Diyos. Ang kaniyang pananalita ay puspos ng kapangyarihan na ikinamangha ng napakaraming tao na sa Kaniya'y nagsisunod. Gumawa Siya ng maraming himala, nagpagaling ng mga maysakit, at may pagkakataon pang nagpakain Siya ng may 5,000 katao mula sa ilang pirasong tinapay at isda na Kaniyang pinarami. Gayunman, ang binigyang-diin ba ni Cristo sa Kaniyang pangangaral ay ang pagtatamo ng mga bagay na materyal? Tunghayan ang pangyayaring ito sa buhay at ministeryo noon ng Panginoong Jesus:




Juan 6:25-27

" At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito?
Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog.
Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios. "



Ang mga taong ito ay kasama sa mga nakinabang at nakasaksi sa pagpapakain ng Panginoong Jesus sa libu-libong tao sa Betsaida. Sa kanilang pagbati ay bakas ang kanilang pananabik na Siya'y muling makita. Subalit dahil alam ng Panginoong Jesus ang kanilang tunay na motibo, tinapat Niya sila at sinabing kaya naman nila Siya hinahanap ay hindi dahil sa sila'y sumasampalataya sa Kaniya bunga ng tanda o himala na kanilang nakita kundi dahil ang habol lamang nila'y pagkain o materyal na pakinabang.


Hindi kinunsinti ng Panginoong Jesus ang nakita Niyang makalupang hangarin ng mga tao sa pagsunod sa Kaniya, bagkus sila'y Kaniyang sinaway at itinuwid. Sinabi Niya sa kanila na sila'y dapat magsigawa o magsipaglingkod hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi sa "Pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan," na ito'y ang mga salita o aral ng Diyos (Mat.4:4).




Samakatuwid, ang ipinang-akit ng Panginoong Jesus sa tao ay ang dalisay na aral ng Diyos at hindi ang materyal na pakinabang na maaaring matamo ng tao sa kaniyang pagsunod at paglilingkod. Para kay Cristo, ang nahuhumaling sa mga bagay na panlupa ay yaong mga Gentil (Mat. 6:31-32, NPV) o mga taong hiwalay sa Kaniya--mga taong walang Diyos at walang pag-asa sa kaligtasan(Efe.2:11-12,Salita ng Buhay).



Kaya higit pa sa pagkain, inumin, o pananamit, ang dapat hanapin ng tao, lalo na sa paglilingkod sa Diyos, ay " Ang Kaniyang kaharian at Kaniyang katuwiran " (Mat.6:25,32-33,NPV).




Maging ang mga apostol, na mga sinugo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, ay ganito rin ang isipan. Ayon sa kanila :


1 Corinto 15:19
" Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag. "



Tunay nga, sapagkat kapahamakan ang hantungan ng mga taong nakatuon ang isip sa mga bagay na panlupa (Filip. 3:19, NPV).



Ang totoo, kahit pa nga kaligtasan ng kaluluwa at buhay na walang hanggan ang hinahangad ng tao sa ginagawa niyang pagsamba at paglilingkod sa Diyos, mauuwi rin ito sa pag-aasam sa "MATAKAW SA PAKINABANG" kung hindi naman isinasagawa ang mga salita ng Diyos (Ezek. 33:31,Ibid.). Ang pagliligtas ng Diyos na ipinangangaral ng Kaniyang mga sugo, tulad ng mga apostol, ay yaong nakasalig sa katuwiran, na ito ay ang ebanghelyo (Roma 1:16-17) o ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia.




ANG KALIGTASANG IPINANGANGARAL



Sa gayunding diwa nangaral at nagturo ang Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang kapatid na Felix Y. Manalo. Ang isa sa mga pangunahing aral ng Diyos na kaniyang itinuro, at ito naman ang sinampalatayanan ng maraming taong umanib sa IGLESIA NI CRISTO, ay ang banal na katuwiran kung bakit ang tanging ililigtas ni Cristo ay ang Kaniyang Iglesia.



Batas ng Diyos na ang bawat tao ay mamamatay sa sarili Niyang kasalanan (Deut. 24:16). Ang kamatayang tinutukoy ay hindi lamang ang pagkalagot ng hininga kundi ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Roma 6:23; Apoc. 20:14). Maliban kay Cristo, lahat ng tao ay nagkasala (I Ped. 2:21-22; Rom. 5:12), Kaya't lahat ay nakatakda sa kaparusahang walang hanggan sa araw ng Paghuhukom bilang kabayaran sa kasalanan. Sa habag ng Diyos ay sinugo Niya ang Kaniyang Anak (Juan 3:16) upang Siya na hindi nakakilala ng kasalan ang Siyang ariing maysala at sa gayon ay mangaligtas nang ayon sa katuwiran ng Diyos (II Cor. 5:21) ang mga taong "Kay Cristo" (II Cor. 5:17).



Ang kay Cristo ay ang Iglesia na Kaniyang itinayo (Mat.16:18). Naaayon sa katuwiran na si Cristo ang inaring maysala alang-alang sa Iglesia sapagkat ginawa ni Cristo sa paningin ng Diyos, si Cristo at ang Iglesia ay isang TAONG BAGO (Efe. 5:23; 2:15; Col. 1:18). Bilang ulo, si Cristo ay namatay upang tubusin sa kasalanan ang mga taong nasa loob ng Kaniyang Katawang at Kawan, na ito'y ang IGLESIA NI CRISTO (Gawa 20:28,Lamsa Translation).




Sa pagtuuro ng Sugo ng aral na ito na mula sa Biblia, Kasamang binigyang-diin ang isa pang katotohanan--hindi maliligtas ang sinumang tao maliban nang sampalatayan at kilalanin niya si Cristo bilang pangulo o pumayag siyang IGLESIA NI CRISTO, sapagkat kung magkagayon ay malalabag ang batas at katuwiran ng Diyos ayon mismo sa Panginoong Jesucristo (Juan 8:24; Heb. 9:22; Gawa 20:28; Roma 16:16).



Kung tutuusin, ang aral na ito ay kasalungat ng pinipiling paniwalaan ng mas nakararami-- na ang tao raw ay maliligtas kahit saang Iglesia o relihiyon siya kabilang basta't gumawa lamng ng inaakala niyang mabuti o kaya'y sumampalataya sa Diyos at kay Cristo. Subalit tulad ng Panginoong Jesucristo at ng iba pang sinugo ng Diyos na nauna sa Kaniya, pinanindiganan ng Kapatid na Felix Manalo na ipangaral ang katotohanang maghahatid s tao sa kaligtasan. Hindi ang baluktot na gusto ng karamihan, kundi ang matuwid na kalooban ng Diyos na nakapaloob sa Kaniyang mga utos ang kaniyang ipinangaral at ipinang-akit sa mga tao upang sumunod at maglingkod sa Panginoong Diyos.



Sa ganito ring diwa ng Sugo ng Diyos sa mga huling araw patuloy na tinuturuan at inaakit na sumunod at maglingkod sa Diyos ang bawat kaanib sa IGLESIA NI CRISTO sa pagkasangkatan ng Diyos sa Pamamahalang inilagay Niyang mangalaga sa buong kawan na ngayo'y nakalaganap na sa buong daigdig. Purihin ang Diyos !

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento