Mga Pahina

Linggo, Abril 13, 2014

Paano nila nilikha ang aral na si Cristo ay Diyos(HULING BAHAGI)






KASAYSAYAN ANG NAGPAPATOTOO na ang pagkakalikha ng aral na si Cristo ay Diyos ay nag-ugat sa kagustuhan ni Emperador Constantino na mapanatili ang kapayapaan ng kaniyang imperyo.  Nalalaman niyang ang Iglesia ay may malaking magagawa upang matupad ang kagustuhan niyang ito.  Kaya naman nang bumangon ang hidwaan sa Iglesia bunga ng pagtatalo ukol sa tunay na kalagayan ni Cristo, si Constantino mismo ang gumawa ng paraan upang magkaayos ang magkalabang panig.  Sa gayon, nabuo ang dogmang si Cristo ay Diyos.



     Ang binuong kredo sa Nicea noong 325 A.D. na nagpapahayag na Diyos si Cristo ay nilagdaan ng mga Obispo.  Ito ang naging opisyal na alituntunin ng pananampalataya ng Iglesia bagaman hindi ito batay sa mga aral na itinuturo ng Biblia.  Sa layunin ng Emperador na malutas ang hidwaang ibinunga ng paninidigan ni Ario sa orihinal na paniniwalang Cristiano na si Jesus ay iba sa tunay na Diyos at mayroon Siyang ibang esensiya sa Diyos kaya hindi maaaring Siya ang Diyos, ginamit niya ang konsilyo ng mga obispo na kung saan ang kaniyang kagustuhan ang nanaig.  Pagkatapos na ito ay maipahayag na alituntunin ng pananampalataya, ang sinomang tututol dito ay nanganganib na mapahamak sa pag-uusig ng estado:



     “Sa sandaling ang ‘Kredo ng Nicea’ ay hayagang nalagdaan ng mga obispo at naipahayag ni Constantino, yaon ay naging opisyal na kredo para sa lahat ng Cristiano.  Ang pagtatatuwa sa pagkadiyos ni Cristo sa anomang kaparaanan ay katumbas na rin ng kusang paghiwalay ng tao sa komunidad ng mga Cristiano at isang krimen laban sa estado. (The Emerging Church, p. 93)




Kaya hindi kataka-taka na ang paniniwalang ito tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo na Siya ay may esensiya na tulad ng sa Ama kaya Siya ay Diyos ay lumaganap at siya ring kinagisnan ng marami sa sangka-“Cristianuhan.”  Subalit sa pagkondena sa paninindigang tao si Cristo at hindi Diyos, na siyang itinaguyod ni Ario at siyang salig at ayon sa Biblia, at sa pagpili sa aral na si Cristo ay Diyos, ang Iglesia na noon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyo at sunud-sunuran sa kagustuhan ng emperador ay nasadlak sa kamalian.  Ganito ang obserbasyon ng isang manunulat tungkol sa pangyayari:



     “Gaya ng isinulat ng isang mananalaysay ng Iglesia, na si Bernard Lohse sa kaniyang Motive im Glauben (Motivation for Belief):  ‘Ipinagunita sa atin ni Ario na si Jesus, tulad ng pagpapakilala sa kaniya ng Ebanghelyo, ay hindi isang Diyos na lumakad sa lupa, kundi isang taong totoo.  Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao ay pinatunayan ni Jesus ang lubos niyang pakikisama sa Diyos’.
     “Walang ibang hinangad si Ario, subalit pinili ng Iglesia ang ibang landas; tulad ng malimit nitong ginagawa, kinondena nito ang tama at iningatan ang mali.”  (The Jesus Establishment, pp. 175-176)



Sa harap ng mga pangyayaring naganap sa konsilyo na kung saan ang sariling kagustuhan lamang ng emperador at hindi ang tama na nasa Biblia ang siyang nakapanaig, ang Iglesia ay natalikod sa tunay at dalisay na aral na mayroon lamang iisang tunay na Diyos, ang Ama.  Si Cristo na Kaniyang Anak ay isinugo Niya.  Kaya,


 “Ang nagtagumpay sa Nicea ay hindi ang Iglesia, kundi ang isang emperador na naniniwala sa diyos na araw bilang isa sa maraming mga diyos, at hindi alintana kung pilipitin man niya ang Cristianismo matugma lamang ito sa kaniyang sariling kaisipan.” (Ibid., pp. 173-174)



Kaya, sa pagkakabuo ng aral na si Cristo ay Diyos ay walang kinalaman ang mga apostol o ang sinumang tapat na lingkod ng Diyos sa Biblia.  Ang may malaking kinalaman dito ay ang Emperador Romano na si Constantino, isang pagano na naniniwala sa maraming mga diyos, na sa kagustuhang matapos na ang hidwaan tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo para sa kapayapaan ng kaniyang imperyo, ay nagpasiyang gawing isang Diyos si  Cristo.


Ibinabala ng mga apostol



Ang pagpasok sa Iglesia ng maling doktrina tungkol kay Cristo sa pamamagitan ni Constantino ay hindi dapat na ipagtaka.  Nang ibabala ng mga apostol ang tungkol sa pagtalikod ng Iglesia sa tunay na pananampalataya at sa mga aral ng Diyos, kasama sa kanilang binanggit ang mga kakasangkapanin upang ito ay maisakatuparan.  Sinabi ni Apostol Pablo sa pulong ng mga obispong taga-Efeso na ipinatawag niya sa Mileto ang ganito:



     “Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.  Mula na rin sa inyo’ylilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Gawa 20:29-30, Magandang Balita Biblia)



Sa magaganap ng pagliligaw sa kawan o sa Iglesia pagkaalis o pagkamatay ng mga apostol, ibinabala ni Apostol Pablo ang pagpasok ng mababangis na asong-gubat na walang patawad na sisilain ang kawan.  Kasama rin niyang ibinabala na mula na rin sa kapulungan ng mga obispong kausap niya, lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang iligaw ang mga alagad.  Kaya, hindi kataka-taka kung  mga obispo rin sa Iglesia ang nag-usap-usap upang mabuo ang aral na si Cristo ay Diyos, bagaman labag ito sa Bibliya.  Hindi rin dapat na pagtakhan kung ang isang pinuno ng estado, tulad ni Emperador Constantino, ang naging kasangkapan upang ito ay ganap nilang mapagtibay at mapagpasiyahan.  Bakit?  Sa Ezekiel 22:27 ay nakasulat ang ganito:



     “Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong gubat kung lumapa ng kanilang biktima.  Sila’y walang awing pumapatay upang yumaman.”(Ibid.)



Ang masasamang pinuno ay itinulad rin ng Bibliya sa mga asong-gubat.  Kaya, may mga pinuno o lider ng estado na talagang magiging kasangkapan upang italikod sa aral ng Diyos at sa tunay na pananampalataya ang Iglesia.  Ang pakikialam ni Constantino sa Iglesia kung gayon ay katuparan lamang ng ibinabala ng mga apostol tungkol sa mga magiging kasangkapan upang makapasok ang maling turo tungkol sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo.



Patuloy ang mga pagtatalo




Sa kabila ng pagpapatibay ng konsilyo sa aral na si Cristo ay Diyos, hindi nito napahinto ang mga pagtatalo at hidwaan tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo.  Manapa, ang pangyayari sa konsilyo ang siya lamang simula ng lalo pang mga mainitan at masalimuot na pagtatalo tungkol sa isyung ito.  Sinasabi sa kasaysayan na:



     “Ang pasiya ng konsilyo ay hindi tumapos sa kontrobersiya kundi bagkus ito lamang ang simula nito.   Ang kalutasan na ipinilit sa Iglesia ng malakas na kamay ng emperador ay hindi kasiya-siya at hindi tiyak kung kalian tatagal.  Ginawa nitong batayan ang imperial na kagustuhan at mga intriga sa korte sa pagpapasiya hinggil sa pananampalatayang Cristiano.” (The History of Christian Doctrines, p. 87)



Kaya, ang konsilyo ay lumikha ng mas maraming mga suliranin kaysa sa hinahangad nitong kalutasan.  Ang mga panahong sumunod pagkatapos na pagpassiyahan ng konsilyo ang pagiging Diyos ni Cristo ay nagbunga ng mas marami pang kontrobersiya s Cristolohiya at Teolohiya gaya ng pinatutunayan ng aklat ng kasaysayan:



     “Ang Konsilyo ng Nicea ay naglatag ng maraming pang-unang halimbawa.  Ito ay tinawag ng emperador, kaniyang inimpluwensiyahan ang pagpapasiya at ginamitan niya ng kaniyang kapangyarihang sibil upang itaas ang kaniyang mga batas sa kalagayang tulad sa batas ng imperyo.  Ipinakilala ng Konsilyo ang isang bagong uri ng ortodoksiya, na sa kauna-uanahang pagkakataon ay nagbigay ng di kawasang pagpapahalaga sa mga terminong wala sa Biblia.  Ang sariling anyo ng pagpapahayag ng kredo ay naimpluwensiyahan ng erehiyang kaniyang idineklarang labag sa batas. …
Ang Nicea ay sinundan ng mahigit sa kalahating siglong di pagkakasundo at kaguluhan sa Iglesia sa Silangan, na manaka-naka ay umaabot sa Kanluran.” (Eerdmans’ Handbook to the History of Christianity, p. 160)




Hindi nalutas ng konsilyo sa Nicea ang kontrobersiya tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo.  Bagaman ang konsilyo ay nagtagumpay na maglabas ng kredo tungkol sa opisyal na doktrina ng Iglesia Katolika, nagpatuloy ang kontrobersiya at mga hidwaan sa isyung ito.  Ang totoo, hanggang sa kasalukuyang panahon, ang pagtatalo tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay namamalagi.  Kung nanghawak lamang ang mga sumunod sa panahon ng mga apostol sa mga aral na kanilang itinuro, tulad ng panghahawak ngayon ng Iglesia ni Cristo sa mga aral na ito, hindi sana sila nahiwalay sa wastong pagkakilala sa kung sino ang tunay na Diyos at kung ano ang likas na kalagayan ni Cristo.  Ganito ang payo ng mga apostol na hindi naman tinupad ng marami sa mga unang Cristiano, kaya sila ay natalikod sa tamang pagkakilala at pananampalataya:



     “Kaya nga, mga kapatid, kayo’y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo’y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.” (II Tes. 2:15)


Source: 

Pasugo God’s Message

April 2004
Pages 16-18




Puntahan ang mga karugtong :


UNANG BAHAGI
IKALAWANG BAHAGI

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento