Mga Pahina

Linggo, Abril 13, 2014

Paano nila nilikha ang aral na si Cristo ay Diyos? (UNANG BAHAGI)









MALIWANAG NA ITINUTURO ng Biblia na tao ang likas na kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo at ang Kaniyang pagiging tao ay nagpapatunay na hindi Siya Diyos.Ito ang aral na itinuro ng ating Panginoong Jesucristo (Juan 8:40) at ng Kaniyang mga apostol (Mat. 1:18; I tim. 2:5; Gawa 2:22; Sant. 5:6, Salin ni Juan P. Trinidad), na siya namang natutuhan at itinaguyod ng mga unang Cristiano.



 Subalit dumating ang panahong may bumago sa aral na ito at ginawang Diyos ang ating Panginoong Jesucristo.  Dahil sa ang aral na si Cristo ay Diyos ay hindi naman matatagpuan sa Biblia, susuysuyin natin sa mga dahon ng kasaysayan sa labas ng Biblia kung paano ito nabuo at naging aral ng mga nagpapakilalang “mainstream Christianity” sa pangunguna ng Iglesia Katolika at mga Iglesiang Protestante.



Paano nga ba nabuo ang aral na si Cristo’y tunay na Diyos, gayong hindi naman ito matatagpuan sa Biblia at hindi ito ang paniniwala ng mga unang Cristiano?  Sino ang ipinakilala ng kasaysayan na unang nagturo ng aral na si Cristo ay Diyos?Ganito ang salaysay sa atin ng isang manunulat na Katoliko:



     “Ang kauna-unahang panahong nalalaman na si Jesus ay diniyos ay pagkatapos ng mga manunulat ng Bagong Tipan, sa mga sulat ni Ignacio, sa pasimula ng ikalawang siglo.” (Systematic Theology, p. 305)



Hindi dapat na ipagtaka kung pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay may lumitaw na ibang aral tungkol kay Cristo—na Siya diumano ay Diyos—sapagkat noon pa mang nabubuhay ang mga apostol ay mayroon nang nangangaral ng ibang Jesus na hindi nila ipinangaral at may ilang kapatid na naaakit na sa gayong mga pangangaral.  Sinabi ni Apostol Pablo:



     “Ngunit nangangamba ako.  Baka mailayo kayo sa inyong tapat at dalisay na pananalig kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.  Pagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumating at mangaral ng Jesus na iba sa Jesus na ipinangaral namin sa inyo, at tinatanggap ang espiritung iba sa itinuro namin sa inyo, at pinaniniwalaan ang ebanghelyong iba sa iniaral namin sa inyo.” (II Cor. 11:3-4, New Pilipino Version)




Ang ganitong obserbasyon ng mga apostol ay binabanggit din ng ilang mga mananalaysay sa kasaysayan ng Iglesia.  Ganito ang nakatala sa Eerdman’s Handbook to the History of Christianity:



     “Kung babasahin natin ang sulat ni Apostol Pablo sa iglesia sa Corinto, malinaw na maraming suliranin ang kinakaharap ng Iglesia sa mismong kalipunan ng kaniyang mga kaanib.  Ang ibang mga sulat ni Pablo ay nagpapakilala rin ng papalagong mga kontrobersiya at pag-aagawan ng kapangyarihan. …  Sinubukan ng ilang mga tao na pagsamahin ang mga paniniwalang Cristiano at di-Cristiano.  Sa unang sulat ni Juan ay binabanggit ang mga minsan ay kasama sa komunidad ng mga Cristiano subalit ngayon ay nangahiwalay.  Kanilang itinanggi ang pagiging totoong tao ni Cristo.” (p. 73)



     Sa panahon pa ng mga apostol ay mayroon nang mga pagtatangkang baguhin ang aral tungkol kay Cristo sa pagtatangging  Siya ay tao.  Sila ay tinawag ni Apostol Juan na mga magdaraya at anti-Cristo:



  “Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya—mga taong hindi nagpapahayag na si Jesu-Cristo’y naging tao.  Ang gayong mga tao ay magdaraya at anti-Cristo.” (II Juan 1:7, Magandang Balita Biblia)




Unti-unting binuo




Ang aral tungkol sa ibang Jesus na hindi itinuro ng mga apostol ay unti-unting ipinasok sa Iglesia.  Una ay may mga nagturo ng aral na tumatangging tao si Cristo.  Nang lumaon ay lumitaw ang aral na Siya ay Diyos sa mga sulat ni Ignacio pagkamatay ng mga apostol.  Gayunman, ang umuusbong na paniniwalang ito ay hindi agad tinanggap ng mga Cristiano noon gaya nang mababakas sa tinaglay nilang kaisipan at paniniwala:



     “Ang karaniwang Cristianismo… ay kumilos sa higit na mga payak na kaisipan.  Ganap na tapat kay Cristo, kinilala nito siya, unang-una bilang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos at tagapaghayag ng isang bagong batas ng simple, marangal at mahigpit na moralidad.  Ito ang palagay ng mga tinatawag na ‘Apostolic Fathers’, maliban kay Ignacio…” (A History of the Christian Church, p. 37)



 Sinasabi rin na




“… maging ang Didache, o ang ‘Ang mga turo ng Labindalawang Apostol’, na pinakamatandang bantayog pampanitikan ng kauna-unahang panahong Cristiano sa labas ng Bagong Tipan,… ay hindi nagtataglay ng pormal na pagpapahayag ng pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesucristo…” (The Divine Trinity:  A Dogmatic Treatise, p. 150)



Kaya maging sa panahong kamamatay pa lamang ng mga apostol ay hindi tinatanggap ng karamihang Cristiano ang aral na si Cristo ay Diyos.  Ang ganitong masidhing pagtutol sa maling aral na ito ay nagpatuloy hanggang sa ikaapat na siglo ayon sa salaysay ng aklat na The Philosophy of the Church Fathers:



     “Ang katotohanan na hanggang noong ika-apat na siglo, ay may mga nasa loob ng Cristianismo na sa kabila ng pagtanggap sa mga sulat ni Pablo at sa ebanghelyo ni Juan, ay tumututol pa rin sa pagiging Diyos ng Cristong eksistido na nong una pa, ay magpapahiwatig na walang makukuha sa mga kasulatang ito na malinaw na katibayan ng paniniwala sa panig ni Pablo at Juan na ang Cristo na eksistido noong una pa ay Diyos sa literal na kahulugan ng salita.” (Vol. I, pp. 306-307)



Maging pagkatapos na pagkatapos ng panahon ng mga apostol, hindi tinanggap ng marami ang aral tungkol sa ‘ibang Jesus’.  Sa mga tinatawag na ‘apostolic fathers,” mga manunulat sa Iglesia pagkatapos ng mga apostol, tanging si Ignacio lamang ang nagturo na si Cristo ay Diyos subalit ang aral na ito ay tinutulan hanggang sa ikaapat na siglo.  Ang pagtutol ng marami sa aral na ito ay sa dahilang hindi ito itinuro ng mga apostol at walang mababasang ganito sa kanilang mga sulat.  Ang pag-iral ng aral na ito sa Iglesia at ang pagkabuo nito ay unti-unti, ayon sa patotoo ng isang paring Katoliko:




“Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus sa impluho ng mga ibang relihiyon.” (At Nagsalita Ang Diyos sa Pamamgitan ng Kanyang Anak, p. 181)



 Sinasabi rin ng manunulat na paring Jesuita na sa unti-unting pagbalangkas ng Simbahang Katoliko ng aral na si Cristo ay Diyos, sila ay naimpluwensiyahan ng ibang mga relihiyon.



Kung paano naimpluwensiyahan




Pagkatapos ng panahon ng mga apostol, ang Iglesia ay nakaranas hindi lamang ng pag-uusig kundi maging ng pagtuligsa ng mga paganong relihiyon.  Ganito ang patotoo ng kasaysayan:



 “Tinuligsa at inusig ng mga pagano ang mga Cristiano.  Nagpakalat sila ng mga bulaang kuwento tungkol sa mga Cristiano, pinaratangan sila ng mga nakapangingilabot na krimen, at nilabo ang mga aral ng Cristianismo.  Bilang tugon, ang ilang Cristiano ay sumulat ng mga aklat.  Sapagkat sa mga aklat na iyon ay ipinagsanggalang ng mga manunulat na iyon ang Cristianismo, sila ay tinawag na mga Apologists.Ang apologist ay isang tao na ipinagsasanggalang yaong pinaniniwalaan niyang katotohanan.” (The Church in History, pp. 15-16)



Sa pagtuligsa ng mga pagano sa mga Cristiano, kasama rito ang pagpapalabo sa mga aral na kanilang sinasampalatayanan.  Sinagot naman sila ng mga tagapagtanggol ng Cristianismo na kung tawagin ay mga apologists.  Ang ilan sa mga sumulat ng tuligsa laban sa kanila na kanilang sinagot ay mga taong ang kaisipan ay nakahilig sa pilosopiya.  Ganito ang sinasabi sa kasaysayan:



     “Kaalinsabay nito, hindi naiwasan ng Cristianismo na magdanas ng maraming nakasulat na tuligsa ng ilan sa pinakamatatalinong tao ng panahong iyon, tulad nina Luciano, Porpirio, at Celso, mga lalaking ang isipan ay nakahilig sa pilosopiya, na nagpukol ng kanilang mga pag-upasala laban sa relihiyong Cristiano.” (The History of Christian Doctrines, p.43)



Sa mga nabanggit na manunuligsa sa mga Cristiano, si Celso ang umatake sa kanilang paniniwala at paninindigan tungkol kay Cristo.  Ang kaniyang mapangutyang tuligsa sa kanila ay nakatuon sa pagsambang iniuukol nila kay Cristo:

  

   “Kaya, iginigiit ni Celso, isang mapangutyang pilosopong pagano ng ikatlong siglo na ang mga Cristiano ay walang karapatang tuligsain ang pagkilala sa maraming diyos sa daigdig ng mga pagano dahil sa ang kanila mismong pagsamba kay Cristo ay poleteistiko.  Kaniyang sinabi, ‘ang mga Cristiano ay walang sinasambang Diyos; wala, ni demonyo, kundi isa lamang patay na tao… Kung ayaw nilang sumamba sa mga diyos ng pagano’, ang sabi niya, ‘bakit hindi na lamang nila iukol ang kanilang pamimintuho sa ilan sa kanilang mga propeta kaysa isang tao na ipinako sa krus ng mga Judio?’” (The Faith of Millions, pp. 98-99)




Pagkalipas pa ng pitumpung taon nasagot  ang tuligsa ni Celso tungkol sa  pagsamba ng mga Cristiano kay Cristo (The Church in History, p. 17).  Ito ay sinagot ng isang apologist ng Iglesia na si Origen, isang teologong isinilang sa Alexandria sa Egipto at nabuhay noong huling bahagi ng ikalawang siglo hanggang sa kalahati ng ikatlong siglo, sa sinulat niyang aklat na “Against Celsus.”  Subalit sa halip na isagot ni Origen ay ang sinabi ni Apostol Pablo na kaya sinasamba ng mga Cristiano si Cristo ay hindi dahil sa Siya ay Diyos, kundi ipinag-utos ng Diyos na Siya ay sambahin (Fil. 2:9-11), sinabi niyang karapa-dapat sambahin si Cristo sapagkat Siya raw ay Diyos.  Nakatala sa kasaysayan ang ganito:



     “Ipinagsanggalang ni Origen, na pinakadakila sa mga unang manunulat Cristiano, ang mga Cristiano sa tuligsa ni Celso.  Ito ay kaniyang ginawa hindi sa pamamagitan ng pagkakaila sa paratang na sila’y sumasamba kay Cristo, kundi sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang Tagapagligtas ay karapatdapat sa gayong pagsamba sapagkat Siya ay Diyos.” (p. 99, Ibid.)




 Ang ipinahayag ni Origen na si Cristo raw ay Diyos ay labag sa turo ng mga apostol at hindi ito ang paniniwala noon ng mga Cristiano sa kaniyang panahon.  Mapapatunayan ito sa pahayag ng isa sa kaniyang mga kakontemporaryo, si Tertuliano, na isang African Latin Theologian na sumulat ng maraming mga aklat tungkol sa aral Cristiano (kung kaya’t kinikilala siya bilang isa sa mga Church Fathers o Ama ng Iglesia Katolika).  Ayon kay Tertuliano, sa kanilang kapanahunan, ikalawa hanggang sa ikatlong siglo, ang paniniwala ng karamihan tungkol kay Cristo ay Siya ay tao at hindi Diyos  Ganito ang ipinapahayag ng tala ng kasaysayan:




     “Sinulat ni Tertulliano (160-230 A.D.), isa sa mga pinakabantog na Ama ng Iglesia, na sa kaniyang kapanahunan, ‘ang mga karaniwang tao ay naniniwalang si Cristo ay tao’.” (Challenge of a Liberal Faith, p. 63)



Sa mga tala ng kasaysayan na ating sinipi ay makikita na sa panahon pa ng mga apostol ay mayroon nang umuusbong na paniniwala tungkol kay Cristo, na iba sa kanilang itinuro.  At ito ay nasundan pa pagkamatay ng mga apostol, sa mga pahayag nina Ignacio at Origen. Gayunman, hindi iyon ang paniniwala ng mga Cristiano noon bagkus ang namamalaging paniniwala ng mga Cristiano hanggang noong panahong iyon ay tao si Cristo.



Source :




Pasugo God’s Message

February 2004
Pages 21-23



Puntahan ang mga karugtong :



IKALAWANG BAHAGI
HULING BAHAGI

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento