Mga Pahina

Miyerkules, Abril 30, 2014

Bagong Langit at Bagong Lupa

" Ang Maliwalhating tahanan na mamanahin ng tao "







Maraming tao sa daigdig ang umaasam sa isang perpektong pamumuhay na malayo sa anomang alalahanin, sakit at suliranin.  Subalit ang gayong uri ng pamumuhay ay hindi matatagpuan saan man sa daigdig,  dahil sa patuloy na paglala at pagsama ng kalagayan ng  pamumuhay ng tao, ay kitang-kita natin na natutupad ang sinabing ito ng Biblia:





Ecclesiastes 2:22-23
 “Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito?  Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.” [Magandang Balita, Biblia]




Napakalinaw na sinabi ng Biblia na anoman ang gawin ng tao’y hindi niya masusolusyonan ang lumalalang kalagayan ng kaniyang pamumuhay, patuloy siyang makakaranas ng kalumbayan, pagkabalisa, at kahapisan. Sa kabila ng paglago ng kaalaman ng tao, at pagunlad ng teknolohiya, ay wala siyang magawa para maiwasan ang bagay na ito.

Kailan man ay hindi matatagpuan sa mundong ito ang isang  perpektong pamumuhay, dahil ang mundo man na ating kinalalagyan ay papunta sa pagkawasak, gaya ng sinasabi rin ng Biblia:




Isaias 24:19-20 
“Ang daigdig ay tuluyang mawawasak, sa lakas ng uga ito'y mabibiyak. Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray at kubong maliit na hahapay-hapay, sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay, tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.” [MB]




Kaya atin ngayong natitiyak na hindi sa daigdig na ito matatamo ng tao ang inaasam niyang maluwalhati at perpektong pamumuhay, sapagkat ang mundong ito ay nakatakda na sa kaniyang pagkawasak na ito nga ay ang araw ng Paghuhukom:



2 Pedro 3:7
  “Nguni't ang sang-kalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.”




Saan nga ba matatagpuan ang perpektong pamumuhay?  Paano ba ito matatamo ng tao?  At gaano kapalad ang mga tao na makararating doon?



 Si Apostol Juan sa pulo ng Patmos
 habang isinusulat ang aklat ng Apocalypsis
 na ipinakikita sa kaniya ang Bayang Banal, ang Bagong Jerusalem



Saan nga ba matatagpuan ang perpektong pamumuhay?Ating basahin ang sagot:



Hebreo 11:16
  “Nguni't ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka't kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.”



 Ang sabi ng Biblia, ang lalong magaling na lupain ay matatagpuan sa langit. Doon lamang malalasap ng tao ang isang uri ng pamumuhay na hindi pa niya nararanasan kailan man sa mundong ito. Sino ang maghahanda ng dakong iyon? Ang Panginoong Jesus ang maghahada, gaya ng kaniyang sinabi:



Juan 14:2-3
 “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?  At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon” [MB]



Ang isa sa misyon ng pag-alis ng Panginoong Jesucristo, ay upang ipaghanda ang mga ililigtas niya ng dakong kalalagyan, at ito’y ang bahay ng Ama na maraming silid. At kapag naihanda na niya ito ay siya’y muling magbabalik upang kunin at isama roon ang kaniyang mga hinirang. Anong uring pamumuhay ang tatamuhin ng tao sa dakong iyon? Isang perpektong pamumuhay na malayo sa anomang alalahanin, sakit, kalumbayan, at maging kamatayan:




Apocalypsis 21:1-4
     “At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.”
     “At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.”
     “At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:”
     “At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na. “




Ang tahanan ng Diyos na maraming silid na siyang ihahanda ng Panginoong Jesus, ay isang maluwalhating tahanan, Isang bagong langit at isang bagong lupa, na ito ay ang BAYANG BANAL, ang Bagong Jerusalem, na mananaog mula sa Langit.

Sa bayang ito, makakapiling na ng tao ang Diyos at hindi na siya makakaranas ng kalumbayan, kahapisan, sakit, at maging ng kamatayan, lahat ng bagay ng una ay lilipas na.  Dito magawawakas ang paghihirap ng taong maliligtas, dito niya matitikman ang isang uri ng pamumuhay na kailan man ay hindi niya mararanasan sa diagdig.


Ano ba iyong Bagong Langit?



Alam natin na ang unang langit ay ang lahat ng bagay ngayon na nasa itaas na ating natatanaw.  Ang araw,  ang buwan at mga bituin.  Ang langit na iyan ay mapaparam o mawawala sabi ni Apostol Pedro:



2 Pedro 3:10 
 “Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.”



Mawawala ang lahat ng bagay na nasa Langit dahil sa ito ay masusunog.  Kaya ang tao na maninirahan sa bayang banal ay hindi na makakaranas ng liwanag ng araw, at hindi na rin magkakaroon ng gabi:



Apocalypsis 22:5
  “At hindi na mag-kakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.”



Sa bagong langit ay wala nang araw, kundi ang Panginoong Diyos ang magbibigay ng liwanag doon.  Hindi na mararanasan ng tao ang mabilad sa init ng araw:



Apocalypsis 7:16
  “Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init:”


Ano naman iyong Bagong Lupa?



 Alam din natin na ang unang lupa ay kung ano iyong tinutungtungan natin ngayon -  yari sa bato, buhangin, lupa, at putik.  Ngunit ang Bagong Lupa ay dalisay na ginto:



Apocalypsis 21:21
  “…ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog.”



Saan sa daigdig tayo makakakita ng lansangan na purong ginto na kumikinang na parang bubog o salamin?  Tama po, ang lalakaran ng tao doon ay ginto, at hindi na lupa.  At hindi lamang ang lansangan ang ginto kundi ang mismong bayan ay ginto rin:



Apocalypsis 21:18
  “At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe: at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog.”



Ang mga pintuan ng bayan ay yari sa mamahaling perlas:


Apocalypsis 21:21 
 “At ang labingdala-wang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas..”




Doon lamang tayo makakakita ng napakalaking perlas dahil ang bawat isang pintuan ng bayan ay isang perlas.  Maging ang kaniyang kinasasaligan ay yari sa mga mamahaling bato:



Apocalysis 21:19
  “Ang mga pinag-sasaligan ng kuta ng bayan ay may pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda;  Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang ikalabingdalawa ay amatista ".



Wala pang sinomang tao sa daigdig ang mayroong ganitong klase ng bahay, kahit gaano pa siya kayaman, o siya man ang itinuturing na pinakamayamang tao sa buong mundo. Sa gitna ng bayan ay mayroong isang ilog na may tubig ng buhay, at ang punongkahoy ng buhay na inalis sa halamanan ng Eden noon ay doon din matatagpuan:



 Apocalypsis 22:1-2
  “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero, Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namu-munga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa ".




Sa Bayang Banal, doon lamang malalasap ng taong maliligtas ang tunay na kapahingahan ng kaniyang kaluluwa, ang walang hanggang buhay sa piling ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo. Gaano ba kalaki ang Bayang Banal? Ang sukat ng bayang banal ay ibinigay din ng Biblia, ating basahin:




Apocalypsis 21:15-16
  “At ang nakiki-pag-usap sa akin ay may panukat na tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta nito.  At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan, ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat.”





Sabi ng Biblia, ang bayan ay parisukat [square] kung ano ang haba siya rin ang kaniyang luwang, ganun din ang kaniyang taas.  Ang sukat nito ay labingdalawang libong estadio.  Ano ang katumbas ng sukat nito?  Ating basahin sa Bibliang Ingles:



Revelations 21:16
  “The city was perfectly square, as wide as it was long. The angel measured the city with his measuring stick: it was fifteen hundred miles long and was as wide and as high as it was long.” [Good News Bible]



Ang sukat ng haba at luwang niya ayon sa Bibliang Ingles ay 1,500 miles na katumbas na sa kilometro ay: 2,414 kms, kaya ang kabuoang area ng bayang banal ay 5.83 Million Square Kilometers.



Napakaliit na sukat kung ikukumpara sa ating daigdig na may 148.4 Million Square Kilometers, at mas maliit pa ang bayang banal sa pinakamaliit na kontinente ng mundo na ito ang Australia na may 7.68 Million sq.km. At Malaki lamang siya ng kaunti sa bansang India na may 3.29 Million sq.km.

Kaya nga maliwanag na maliwanag na sa maliit na sukat na iyan ay tunay na ating mababatid na talagang hindi maliligtas ang lahat ng tao sa daigdig. Dahil kulang na kulang ang sukat na iyan upang magkasiya ang lahat ng tao.

 Maaari pa bang mag-asawa ang tao sa dakong iyon? Sasagutin tayo ng Panginoong Jesus:



Marcos 12:18-25
     “May ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila,  "Guro, isinulat po ni Moises para sa atin, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.'  Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak.  Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit ito ay namatay ring walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo.  Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay.  Kapag binuhay na muli ang mga patay  sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?"
     “Sumagot si Jesus, "Maling-mali ang paniniwala ninyo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos.  Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit.” [MB]




Hindi na kailangan pa ng paliwanag hindi po ba? Sapat na ang malinaw na sagot ng Panginoong Jesus. Kung hindi makapapasok ang lahat ng tao, sino lamang ba ang makapapasok sa Bayang Banal? Ang makapapasok lamang doon ay yung mga tao na ang kanilang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero:



Apocalypsis 21:25-27
  “At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi): At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa: At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.”



Makakapasok lamang doon ang isang tao kung ang kaniyang pangalan ay maisusulat sa aklat ng buhay sa langit. Kung wala roon ang pangalan ng isang tao siya ay ibubulid sa dagat-dagatang apoy:



Apocalypsis 20:15
  “At kung ang sino-man ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy.”



Kaya dapat matiyak ng isang tao kung ang kaniyang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay, dahil kung hindi makikita doon ang kaniyang pangalan ito ay mangangahulugan ng walang hanggang kapahamakan para sa kaniya.

May halimbawa ba sa Biblia ng mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay?
Kahit dito pa lamang sa buhay na ito ay maaari nang malaman at ang Biblia ay may ipinakilalang halimbawa:



Filipos 4:1,3 
 “Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magsitibay nga kayo sa Panginoon, mga minamahal ko… Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka't sila'y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.”



Saan ba kabilang ang sinasabi ni Apostol Pablong ito na mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay?



Roma 12:5
  “Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa.”





Ang mga sangkap o kaanib ng katawan ni Cristo na siyang Iglesia [Colosas 1:18],  ay ang mga tao na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay sa Langit. Maliwanag na kinakailangan na tayo ay maging sangkap o kaanib ng tunay na iglesia na ito nga ang Iglesia ni Cristo na tinubos niya ng kaniyang dugo:



Gawa 20:28
  “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo upang maging mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” [Lamsa Version]



Kaya nga kung ating natitiyak na ang ating pangalan ay nakasulat na sa aklat ng buhay dahil sa pagiging kaanib natin sa tunay na iglesia, ay dapat natin itong ikagalak:



Lucas 10:20
  “Gayon ma'y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.”



Kaya kung nais nating masiguro na tunay tayong makararating sa Bayang Banal, hinding-hindi natin maiiwasan ang isang napakahalagang gampanin, na tayo ay kailangang mapabilang o maging kaanib ng tunay na Iglesia na siyang katawan ng ating Panginoong Jesucristo, sapagkat dito kabilang ang mga taong maliligtas sapagkat siyang tinubos ng dugo ni Cristo:



Acts 2:47 
“Praising God, and having favour with all the people. And the Lord added to the church daily such as should be saved.” [King James Version]


Sa Filipino:

Gawa 2:47 
“Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag ng Panginoon sa Iglesia araw-araw yaong mga maliligtas.”



Kabilang sa Iglesia ni Cristo ang mga taong maliligtas pagdating ng araw ng paghuhukom…At ang nga nakitityak na magmamana ng Bagong Lupa at Bagong Langit na inihanda .


    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento