Mga Pahina

Linggo, Enero 4, 2015

BAKIT PATULOY NA NAGMIMISYON AT NAMAMAHAGI NG PANANAMPALATAYA ANG IGLESIA NI CRISTO?




MAAARING sumagi sa isip ng marami ang naging katanungan ng isang nagsusuri sa Iglesia Ni Cristo, kung bakit ang gawaing PAGPAPALAGANAP NG MGA SALITA NG DIOS ay mas lalong naging maalab pa at walang tigil habang tumagal ang bilang ng mga taon ng Iglesia.


TUNAY, TOTOO, na saanmang dako makakarating ang Iglesia ni Cristo, ang isa sa mga pangunahing GAWAIN na patuloy na pinagpunyagiang tuparin ng mga kaanib ay ang PAGMIMISYON o PAMAMAHAGI NG PANANAMPALATAYA. Ikinalulugod at hinahangaan ito ng marami, ngunit mayroon ding ilan na pumupuna at ang iba ay waring nang-uuyam pa. Bakit daw kailangan pa itong gawin ng mga Iglesia Ni Cristo samantalang marami sa mga tao na inaanyayahan nila ay mayroon na raw namang kinaaanibang relihiyon, kumilala naman daw sa Dios, at mayroon namang nangangararal na sa kanila gamit din ang Biblia? Bakit daw hindi ang hanapin at pangaralan ay ang mga taong hindi naniniwala sa Dios o sa Biblia?

ANO BA ANG LAYUNIN NG IGLESIA NI CRISTO, AT SA PATULOY NA PAGMIMISYON AT PAMAMAHAGI NG PANANAMPALATAYA?


Sa Judas 1:23 ay sinabi ng Dios na Ganito:


" At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot..." (Judas 1:23)


Ang Iglesia ni Cristo ay masigasig sa Pamamahagi ng kanilang pananampalataya sapagkat kanilang tinutugon ang panawagang ito ng Dios. Nakapaloob sa dakilang gawaing ito ang Kaniyang habag sa mga taong nais Niyang maagaw sa apoy at magtamo ng kaligtasan.

Sinabi ng Dios na ang Iba'y dapat kahabagan, iligtas at agawin sa apoy dahil ang tao ay nasa kalagayang kahabag-habag at nangangailangan ng kaligtasan. Ito ay dahil sa ang tao ay nahiwalay at naging kaaway ng Dios (Isa. 59:2; Col. 1:21) at napasailalim sa HATOL NG DIOS (Roma 3:19, 23) na ito ay ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Roma 6:23; Apoc. 20:14).

Ngunit paano matatamo ng tao ang habag at pagliligtas ng Dios?


DAPAT MAKAALAM NG KATOTOOHANAN

Maraming kaparaanang itinuro ang iba't ibang relihiyon na nakatatag sa mundo upang ang tao ay maligtas. Ngunit ang mahalagang maunawaan at matupad ng tao ay kung ano ang KAPARAANAN NG DIOS. Ganito ang turo ni Apostol Pablo;


" Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;
Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan. "(1Timoteo 2:3-4)


Dito'y malinaw na nakasaad na ang Dios ang may ibig na ang lahat ng mga tao'y maligtas at ito'y mabuti at nakakalugod sa Kaniya. Subalit, paano matutupad ang hangaring ito ng Dios? Sa pamamagitan ng pagkaalam ng tao ng katotohanan. Alin naman ang katotohanan na dapat malaman ng tao sa kaniyang ikaliligtas? Ganito ang nakasulat:


" Mula sa pagkabata, ay alam mo nang ang Banal Na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain , at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain. " (2 Tim. 3:15-17, Magandang Balita Biblia)



Ang katotohanang nagtuturo ng daan ng kaligtasan ay ang Banal ng Kasulatan. Ito ang dapat saliksikin, sampalatayanan, at ibuhay ng tao upang matupad sa kaniya ang habag at pagliligtas ng Dios.


ANO ANG KATOTOHANANG ITINURO NG BIBLIA NA IKALILIGTAS?


Ang Banal na Kasulatan ay naglalaman ng mga katotohanan na saligan ng ikapagtatamo ng kaligtasan. Ang mga ilalahad sa baba ay ang ILAN SA MGA PANGUNAHIN :


1. ANG AMA LAMANG ANG IISANG TUNAY NA DIOS


" Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; parangalan mo na ang iyong Anak upang maparangalan ka niya.
" Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo. " ( Juan 17:1, 3, Magandang Balita Biblia)


Malinaw ang pagtuturo ng Panginoong Jesus na ang Ama ang iisa at tunay na Dios. Hindi itinuro ng Panginoong Jesuscristo ang Kaniyang sarili bilang tunay na Dios. Ang pagkilala na ang Ama lamang ang iisang tunay na Dios ang ikapagtatamo ng BUHAY NA WALANG HANGGAN.


2. ANG PANGINOONG JESUSCRISTO AY TAO AT HINDI DIOS SA LIKAS NA KALAGAYAN



" Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, NA TAONG sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham. " (Juan 8:40)

Kaugnay ng katotohanang iisa lamang ang tunay na Dios, na walang iba kundi ang Ama, ay ang katotohanang ang Panginoong Jesucristo ay TAO SA LIKAS NA KALAGAYAN. Mahalagang mapansin na si Cristo mismo ang nagpapatotoo na Siya ay "TAO". Sinabi ng Panginoong Jesuscristo na Siya'y taong nagsaysay ng "KATOTOHANANG NARINIG SA DIOS". Kung gayon, pinatutunayan Niya na Siya'y iba sa Dios. Kaya ang aral na si Cristo ay tunay na Dios ay labag sa katotohanang itunuro ni Cristo mismo at hindi ng Tao.


3. ANG IGLESIA ANG KATAWAN NI CRISTO NA KANIYANG ILILIGTAS


" Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito - ang kaugnayan ni Cristo sa Iglesya ang tinutukoy ko.
" Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kaniyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito" ( Efeso 5:32, 23, MB)


Ayon kay Apostol Pablo isang dakilang katotohanan ang inihahayag ng kaugnayan ni Cristo sa tunay na Iglesia. Ano ba ang kaugnayan ni Cristo sa tunay na Iglesia? Ang Iglesia ang katawan at ito ang kaniyang ililigtas. Kaya upang maligtas ang tao, hindi niya dapat iwasan bagkus ay dapat niyang aniban ang Iglesiang katawan ni Cristo, ang Iglesia ni Cristo.

4. ANG IGLESIA NI CRISTO AY ANG TINUBOS NI CRISTO


“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo upang maging mga katiwala, upang pakanin ang IGLESIA NI CRISTO na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation)


Sa pahayag na ito ng Biblia, ay nakapaloob ang banal na katuwiran kung Bakit ang Iglesia ni Cristo ang Ililigtas ng ating Panginoong Jesucristo sa Araw ng Paghuhukom - ito ang tinubos Niya ng Kaniyang mahalagang dugo. Huwag nating kalilimutan na dahil sa kasalanan, ang tao ay nahiwalay sa Dios, naging kaaway Niya, at hinatulan ng Dios ng ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Isa. 59:2; Col.1:21; Roma 6:23; Apoc. 20:14). Nasa katubusan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo ang kapatawaran at kaligtasan (Efeso 1:7; Hebrew 9:22).


5. IISA ANG IGLESIANG ITINAYO NI CRISTO

"At sinabi ko naman sa iyo, ikaw si Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kaniya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan " (Mateo 16:18, MB)

Ito ay pahayag mismo ng nagtayo ng tunay na Iglesia , Ang Panginoong Jesucristo. Malinaw ang Kaniyang sinabi, " ITATAYO KO ANG AKING IGLESYA." Hindi Niya sinabing "ITATAYO KO ANG AKING MGA IGLESYA". Kaya sa kalipunan ng napakaraming relihiyon o Iglesia na nakatatag sa mundo ang dapat hanapin ng tao ay ang iisang iglesia na itinayo ni Cristo. Ang katunayan sa loob ng Iglesiang ito lamang matatamo ang kaligtasan ay ang sinabi ni Cristo na "HINDI NAKAPANANAIG SA KANIYA(sa iglesia) ANG KAPANGYARIHAN NG KAMATAYAN".


6. DAPAT PUMASOK KAY CRISTO O SA IGLESIA UPANG MALIGTAS


" Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa.
Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas... " (Juan 10:7, 9)

Ang pangunahing layunin ng tao kaya nagrerelihiyon ay upang magtamo ng kaigtasan. Upang matamo ito, ang iba't ibang relihiyon ay nag-aalok at nagtuturo ng sari-saring kaparaanan. Ngunit, ayun kay Apostol Pablo, ang kailangan malaman ng tao para maligtas ay ang KATOTOHANAN. Sinabi ng mismong Tagapagligtas, ang ating Panginoong Jesucristo,

" Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo ... ako ang pintuan, ang simumang taong PUMASOK sa akin ay siya'y maliligtas."

Hindi sapat na ang tao ay sumampalataya lamang upang magawa na niya ang pagpasok kay Cristo kundi dapat siyang mapaloob sa KAWAN (Juan 10:9, Revised English Bible). Ang KAWAN, ayon sa Gawa 20:28 (lamsa translation), ay ang IGLESIA NI CRISTO. Sa pahayag ni Cristo na "SINUMAN" ay maliwanag na hindi Siya nagtatangi ng taong papasok sa Kaniya. Ito ay kaisang-diwa ng gusto ng Dios na

" Ang lahat ng tao'y mangaligtas " (2 Tim.2:3-4)

Kung saan may pagtatangi ay sa kaparaanan ng pagliligtas, ang tao ay KINAKAILANGANG PUMASOK kay Cristo o UMANIB SA IGLESIA NI CRISTO upang matamo niya ang habag at pagliligtas ng Dios. Ang katotohanang ito ang nagtutulak sa mga Iglesia ni Cristo upang masidhing itinataguyod ang gawaing PAGMIMISYON O PAMAMHAGI NG KANILANG PANANAMPALATAYA.

Sa hindi pa nakasubaybay sa mga pagsamba o sa mga gawain ng Iglesia ni Cristo, subukan po ninyong dumalo mula sa pinakamalapit na dako o gusaling Sambahan ng Iglesia Ni Cristo at kayo po ay malugod naming tinatanggap upang magsuri.

Kaawaan nawa ng Dios na buksan pa ang puso at isip ng marami upang matawag sa tunay na paglilingkod.

1 komento:

  1. 1 Corinthians: Chapter 8:6

    אמנם לנו אך לא אחד האב אשר הכל ממנו ואנחנו אליו ואדון אחד ישוע המשיח אשר הכל על ידו ונחנו על ידו׃
    But to us there is but one God, the Father, of whom are all things, and we in him; and one Lord Jesus Christ, by whom are all things, and we by him.

    Malinaw sa sa 1corinto 8:6 na may echad (אחד) tama ba alam ko namang naiintindihan mo kung anong ibig sabihin ng echad

    Pangalawa mali ang pagakakaintindi mo dito basa

    Mga Hebreo 1:3
    [3]Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos doon sa langit.

    ANo malinaw na ang anak ng dios sino ang anak ng dios dibat si hesus kaya kung ano ang ama ganon din ang anak pano bayan ang ama ah dios tapos si hesus ay ang anak tao paba si hesus

    TumugonBurahin